Pumunta sa nilalaman

DISYEMBRE 28, 2022
BALITA SA BUONG DAIGDIG

Isang Dekada Na ang JW.ORG—Bahagi 1

Mga Video at Publikasyon na Nakabase sa Bibliya sa Digital Format

Isang Dekada Na ang JW.ORG—Bahagi 1

Gaya ng nabanggit sa nakaraang report, 25 taon na noong 2022 ang opisyal na website ng mga Saksi ni Jehova. Pero 10 taon na ang nakakalipas, noong Agosto 27, 2012, binago ang disenyo ng jw.org. Ipapakita ng seryeng ito na may tatlong bahagi kung paano nakinabang ang milyon-milyong tao sa bagong disenyo ng jw.org.

Mga Video: Sa mga kombensiyon noong 2012, ini-release sa DVD ang unang dalawang bahagi ng bagong serye na pinamagatang Maging Kaibigan ni Jehova. Pero kaunti na lang ang gumagamit ng DVD ngayon at magastos itong gawin. Sa bagong disenyo ng website noong 2012, mas madali nang ipamahagi ang mga video. Kaya noong Enero 2013, ang sumunod na bahagi ng Maging Kaibigan ni Jehova, na may pamagat na Laging Manalangin, ay ini-release sa digital format sa jw.org. Mula noon, mahigit 40 bahagi na ang nai-release.

Noong 2013, ini-release din ang video na Bakit Magandang Mag-aral ng Bibliya? sa digital format. Mahalagang tool ang video na ito sa ministeryo at makikita sa Teaching Toolbox. Mula noon, naging mahalagang bahagi na ng pangangaral ang mga video sa tulong ng jw.org. Halimbawa, noong kampanya para ipakilala ang jw.org gamit ang tract noong Agosto 2014, mga 15 milyong video ang nai-download o napanood.

Sinabi ng isang brother na kasama sa nagdisenyo ng jw.org: “Nakakapagpatibay makita na inihanda tayo ni Jehova para sa mga mangyayari sa hinaharap. Wala kaming ideya noon na gan’on na lang kalaki ang maitutulong ng bagong paraan ng pamamahagi ng mga video.” Halimbawa, nang magsimula ang JW Broadcasting noong Oktubre 2014, mahigit 37 milyong video ang na-download nang buwang iyon. Nang magsimula ang COVID-19 pandemic noong 2020, mas marami pang video ang na-download o napanood sa jw.org. Noong 2022, may average na mahigit 260 milyong video buwan-buwan ang dina-download mula sa jw.org.

Digital Format na mga Publikasyon: Nitong nakalipas na mga taon, mas gusto ng marami na magbasa online o sa isang mobile app sa halip na sa inimprentang kopya. Sa pagre-release ng bagong disenyo ng website noong 2012, mababasa na ang mga magasin online, kadalasan na, bago pa nila matanggap ang inimprentang edisyon. Nakatulong din ang paggawa ng digital format na mga publikasyon sa website para sa pagre-release ng JW Library app noong 2013. Ang app at ang website ay magandang mga tool para tulungan ang mga tao na mabasa at mapag-aralan ang digital format na mga publikasyon.

Dati, ang mga publikasyon na inire-release sa mga kombensiyon ay hindi pa available sa website o sa app hanggang Enero ng sumunod na taon. Pero sa mga panrehiyong kombensiyon noong 2015, tuwang-tuwa ang mga dumalo na mada-download na nila agad ang digital format na edisyon ng mga release sa kombensiyon—kasama rito ang mga publikasyong Jesus—Ang Daan, ang Katotohanan, ang Buhay, at Manumbalik Ka kay Jehova, pati ang video na Ano ang Tunay na Pag-ibig? Nang sumunod na taon, sa programa ng JW Broadcasting noong Mayo 2016, ini-release ni Brother Anthony Morris ng Lupong Tagapamahala ang brosyur na Sagot sa 10 Tanong ng mga Kabataan at ipinatalastas na puwede na itong i-download. Ito ang unang publikasyong ini-release nang sabay-sabay sa lahat ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo.

Laging ginagamit ng organisasyon ni Jehova ang teknolohiya para ipangaral ang mabuting balita at suportahan ang mga lingkod niya. Masaya kaming makita na nakakatulong ang website na jw.org sa pagbibigay ng “pagkain sa tamang panahon.”​—Mateo 24:45.

  • Mga video na dina-download kada buwan

  • Mga nagpupunta sa website kada buwan

  • Release ng Laging Manalangin, Enero 2013

  • Release ng JW Library app, Oktubre 2013

  • Pambuong-daigdig na kampanya para ipakilala ang jw.org gamit ang tract, Agosto 2014

  • Release ng JW Broadcasting, Oktubre 2014

  • Mga release sa kombensiyon na available sa digital format, Mayo 2015

  • Release sa buong daigdig ng Sagot sa 10 Tanong ng mga Kabataan, Mayo 2016