Pumunta sa nilalaman

OKTUBRE 19, 2016
ERITREA

Pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Eritrea, Napapansin Na sa Buong Mundo

Pag-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Eritrea, Napapansin Na sa Buong Mundo

Kung ikukumpara sa lahat ng ibang mga bansa, sa Eritrea nararanasan ng mga Saksi ni Jehova ang pinakamatinding pag-uusig. Mula nang maging malayang bansa ang Eritrea noong 1993, ang mga Saksi roon ay ibinibilanggo, pinahihirapan, at inaapi. Pinag-iinitan sila dahil nananatili silang neutral sa politika at tumatanggi silang humawak ng armas laban sa kanilang kapuwa.

Limampu’t apat na Saksi ni Jehova ang nakabilanggo ngayon sa Eritrea. Sa nakalipas na 22 taon, lahat, maliban sa isa, ay ikinulong nang hindi nililitis o pormal na kinakasuhan. Tatlo ang nakabilanggo mula pa noong 1994 dahil sa pagtanggi nilang magsundalo udyok ng budhi.

Dumarami ang Nababahala

Sa simula pa lang ng pag-uusig na ito, kinondena na ng mga organisasyong nagtataguyod ng karapatang pantao at mga ahensiya ng gobyerno ang pagdurusang nararanasan ng mga Saksi ni Jehova sa Eritrea. Pero kamakailan lang, ang kalagayan ng mga Saksi ay itinawag-pansin sa buong mundo ng Commission of Inquiry on Human Rights in Eritrea (COIE), isang komisyon na binuo ng UN. Sa unang report nito sa UN Human Rights Council (HRC) noong Hunyo 2015, detalyadong tinalakay ng COIE ang diskriminasyon at malupit na pagtrato sa mga Saksi ni Jehova.

Noong Hunyo 21, 2016, ibinigay ng COIE ang ikalawang detalyadong report nito sa HRC. Hinimok ng COIE ang Eritrea na “igalang ang kalayaan sa pagsamba o paniniwala” at “itigil ang di-makatarungang pag-aresto at pagbibilanggo sa mga indibiduwal dahil sa kanilang relihiyosong paniniwala, partikular na sa mga miyembro ng ilang grupo ng relihiyon, gaya ng mga Saksi ni Jehova, . . . at palayain agad nang walang anumang kondisyon ang lahat ng ikinulong nang di-makatarungan at walang batayan.”

Sa mga pagsusuri nito, sinabi ng COIE na “ang pag-uusig [sa Eritrea] dahil sa relihiyon o lahi” ay labag sa internasyonal na batas at isang “krimen laban sa sangkatauhan.” Sa pangmalas ng maraming bansa sa daigdig, ang pag-uusig na ito ang isa sa pinakamatinding paglabag sa karapatang pantao. Maghaharap ang COIE ng berbal na update sa UN General Assembly sa Oktubre 27, 2016.

Ititigil Ba ng Eritrea ang Di-makatarungang Pagtrato sa mga Saksi?

Lubhang nababahala ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig dahil sa kalagayan ng mga kapananampalataya nila sa Eritrea. Nananawagan sila sa gobyerno ng Eritrea na itigil ang pag-uusig sa taimtim na mga Kristiyanong ito at huwag ipagkait sa mga ito ang kanilang mahahalagang karapatang pantao.