HULYO 5, 2023
KENYA
Naprotektahan ng Isang Desisyon ng Korte ang Kalayaang Sumamba ng mga Estudyante sa Kenya
Noong Mayo 12, 2023, gumawa ng mahalagang desisyon ang Court of Appeal ng Kenya na nagbibigay ng proteksiyon sa kalayaang sumamba ng mga estudyante sa bansang iyon. Sa kabila ng batas sa Kenya na nagsasabing hindi puwedeng pilitin ang sinuman na makibahagi sa anumang gawain na labag sa kanilang relihiyosong paniniwala, 41 anak ng mga Saksi ni Jehova na ang pinatalsik o sinuspende sa paaralan mula noong 2015 dahil tumanggi silang makibahagi sa mga relihiyosong gawain ng ibang relihiyon.
Ang desisyon ng Court of Appeal na pabor sa mga Saksi ay nauugnay sa isang pangyayari noong 2017. Magalang na tumanggi ang siyam na estudyanteng Saksi na makibahagi sa relihiyosong mga gawain sa paaralan. Dinala ang kaso nila sa korte. Ayon sa hatol ng mababang hukuman noong 2019, hindi nilabag ng paaralan ang karapatan ng mga anak ng Saksi nang pilitin silang makibahagi sa mga gawaing iyon. Pero noong Mayo 12, 2023, sinabi ng Court of Appeal ng Kenya na “nalabag ang karapatan [ng mga estudyante] sa edukasyon at ang karapatan nilang tratuhin nang may dignidad.” Sinabi pa nito na ang mga batas na umoobliga sa mga Saksi ni Jehova na dumalo sa relihiyosong mga gawain ay “hindi patas, labag sa batas, at hindi puwedeng ipatupad.” Sinabi ng isang hukom na humawak sa kaso: “Ang hatol na ito ng Korte ay dapat gamiting basehan ng mga paaralan pagdating sa mga relihiyosong karapatan ng mga estudyante.”
Pinagtitibay rin ng desisyong ito ang direktiba ng Kenya Ministry of Education noong Marso 2022 na nagsasabing dapat protektahan ng mga opisyal ng paaralan ang relihiyosong karapatan ng lahat ng estudyante. Dahil sa desisyong ito, kasama na ang Kenya sa mga bansa sa Africa, gaya ng Malawi at Rwanda, na naglabas ng katulad na desisyon para protektahan ang karapatan ng mga estudyanteng Saksi.
Makapagtitiwala ang mga kabataan natin sa Kenya at sa buong mundo na ipinagmamalaki sila ni Jehova dahil lakas-loob silang naninindigan para sa tunay na pagsamba!—Kawikaan 29:25.