Pumunta sa nilalaman

Ang kasalukuyang tanggapang pansangay ng Central America ay 30 kilometro silangan ng Mexico City, Mexico

ENERO 30, 2023
MEXICO

Ililipat ang Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Central America

Ililipat ang Tanggapang Pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Central America

Inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang mga planong ilipat ang tanggapang pansangay ng Central America, na kasalukuyang malapit sa Mexico City, Mexico. Inatasan ang Construction Project Committee (CPC) na may limang miyembro na mangasiwa sa paglilipat ng sangay. Naghahanap na ngayon ang CPC ng magandang lugar para sa bagong tanggapang pansangay.

Mula 1974, ilang beses nang inayos at pinalaki ang sangay ng ito. Noong 2011, nasa ilalim ng pangangasiwa ng sangay ng Central America ang teokratikong gawain sa Belize, Costa Rica, El Salvador, Guatemala, Honduras, Nicaragua, at Panama. a Para matugunan ang kasalukuyang pangangailangan nila, kailangang palakihin pa ang pasilidad ng sangay at marami pang kailangang baguhin. Kaya napagpasiyahan na gumawa ng bagong pasilidad sa ibang lugar na mas makakatugon sa lumalaking sangay ng Central America at magiging mas magandang lokasyon para suportahan ang pangangaral ng Kaharian.

Ang proyekto ng paglilipat ng sangay ay hahatiin sa ilang bahagi. Kasama sa unang bahagi ng proyekto ang pagbili ng lupa at pagtatayo ng mga residential at work space para sa 300 Bethelite. Susundan ito ng pagtatayo ng karagdagang residential at work space na kailangan para sa pamilyang Bethel.

Sinabi ni Brother Joseph Yi, isang miyembro ng CPC: “Nagtatrabaho kami ngayon kasama ng Komite ng Sangay ng Central America para tiyakin kung aling state ng Mexico ang pinakamabuti para sa bagong mga gusali ng sangay. Tinitingnan din namin kung sinong lokal na mga opisyal at aling mga komunidad ang pabor sa proyekto. Umaasa kami na tutulungan kami ni Jehova sa mga pagsisikap namin.”

Excited tayo sa bagong proyektong ito ng pagtatayo at dalangin natin na pagpapalain ito ni Jehova.—Kawikaan 16:3.

a Hanggang noong 2014, ang sangay ng Central America ay kilala bilang sangay sa Mexico.