Pumunta sa nilalaman

Handang tumulong ang mga kapatid sa Poland sa mga kapananampalataya nilang galing sa Ukraine; nag-aabang sila sa mga border at naghahanda ng mga relief package

ABRIL 7, 2022
POLAND

Nagbibigay Nang Sagana sa Panahon ng Pangangailangan

Kuwento ng ‘Pagiging Mapagpatuloy’ ng mga Kapatid

Nagbibigay Nang Sagana sa Panahon ng Pangangailangan

Si Barbara Osmyk-Urban kasama ang mga anak niyang sina Jakub at Nina

Ginamit ni Sister Barbara Osmyk-Urban, isang single mother sa Rzeszów, Poland, ang Pampamilyang Pagsamba linggo-linggo para turuan ang kaniyang mga anak na sina Jakub (10 taóng gulang) at Nina (8 taóng gulang) tungkol sa pagiging mapagpatuloy at mapagmalasakit. Ipinakita nila iyan sa gawa nang patuluyin nila ang mahigit 20 kapatid mula nang magsimula ang digmaan sa Ukraine noong Pebrero 24, 2022.

Dahil sa tindi ng digmaan sa Ukraine, lumikas ang mga kapatid natin sa mas ligtas na mga lugar. Pinapatuloy sila ng mga kapatid sa Poland at ibang mga bansa sa bahay nila. Nagboboluntaryo rin ang mga kapatid na ito para tumulong sa ibang paraan. Sa ngayon, di-bababa sa 11,000 Saksi mula sa Ukraine ang lumikas papuntang Poland. Ang mga lalaking taga-Ukraine na edad 18 hanggang 60 ay hindi pinapayagang umalis sa bansa, maliban na lang kung mayroon silang tatlo o higit pang menor-de-edad na anak.

“Ang mga refugee mula sa Ukraine ay mga kapamilya natin,” sabi ni Barbara. Mahal din ng mga anak niya ang mga kapatid. Ipinagamit pa nga nina Jakub at Nina ang mga kuwarto nila sa ibang mga kapatid. Kahit iba ang wika nila, sapat na ang mga ngiti, yakap, at luha para magkaunawaan sila. Pagkaalis ng mga refugee, sinabi ni Jakub na napakatahimik na ng bahay, kaya nakiusap siya sa nanay niya na magpatulóy pa ng ibang mga kapatid.

Sina Łukasz Cholewiński at Rafał Jankowski

Nagboluntaryo sina Brother Łukasz Cholewiński at Rafał Jankowski para magdala ng relief sa Ukraine. Nakita nila ang maraming babae at bata na umiiyak habang naghihintay na makatawid sa border. Sinabi ni Łukasz: “Ang nakakamangha, nang makita namin ang mga kapatid, masaya sila.”

Mga apat na oras ang biyahe papunta sa Ukraine at pabalik ng Poland. Pagkarating ng relief, ipinapamahagi ito ng mga kapatid sa Ukraine sa buong bansa. Kahit delikadong magpunta sa Ukraine, maraming kapatid pa rin ang handang mag-volunteer. “Isang malaking karangalan at pribilehiyo na makatulong,” ang sabi ni Rafał.

Sinabi ni Sister Elżbieta Ustrzycka, na taga-Rzeszów, ang naramdaman niya nang magpatulóy siya ng mga Saksing taga-Ukraine sa bahay niya: “Na-touch ako nang dumating nang hatinggabi ang mga elder sa bahay namin kasama ang mga pamilya na galing Ukraine; karga-karga pa nila ang natutulog na mga bata. Hindi ko iyon makakalimutan.”

Sina Bartłomiej at Estera Figura

Isa si Brother Bartłomiej Figura sa mga elder na laging nagboboluntaryo. Nagpupunta siya at ang asawa niyang si Estera sa border o sa mga istasyon ng tren para dalhin ang mga kapatid sa ligtas na lugar. Kung minsan, lumilipat pa nga sila ng tirahan para patuluyin ang mga kapatid sa sarili nilang apartment. Nagbibigay rin sila ng materyal na tulong sa abot nang makakaya nila.

“Pamilya tayo ni Jehova,” ang sabi ni Bartłomiej. “Talagang nagmamalasakit tayo sa mga kapatid. Kapag lagi tayong handang tumulong, makikita natin kung paano inilalaan ni Jehova ang pangangailangan ng mga kapananampalataya natin.”

Ang mga kapatid natin sa Poland ay nakapaghanda na ng mahigit 23,000 relief package, na may kasamang pagkain at iba pang kinakailangang suplay.

Sa Poland, tinuturuan ng mga magulang ang mga anak nila na gumawa ng mga card sa wikang Ukrainian gamit ang JW Language at JW Library app. Inilalagay ang mga card na ito sa mga relief package

Nagtitiwala tayo na patuloy na ilalaan ni Jehova ang pangangailangan ng mga kapatid natin sa Ukraine sa pamamagitan ng saganang pagbibigay ng mga kapananampalataya nila.​—Kawikaan 11:24; Roma 12:13.