Pumunta sa nilalaman

Nagtipon sa Rand Stadium, Johannesburg, South Africa, noong 1974 ang mga kapatid na magkakaiba ang lahi. Nakapaloob na larawan: Isang badge card sa “Divine Victory” International Assembly

ENERO 5, 2024
SOUTH AFRICA

Pagkakaisa ng Iba’t Ibang Lahi sa “Divine Victory” na Kombensiyon sa South Africa 50 Taon Na ang Nakakalipas

Pagkakaisa ng Iba’t Ibang Lahi sa “Divine Victory” na Kombensiyon sa South Africa 50 Taon Na ang Nakakalipas

Noong Linggo, Enero 6, 1974, isang makasaysayang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ang ginanap sa South Africa. Dinaluhan ito ng 33,408 mula sa iba’t ibang tribo na nagtipon sa Rand Stadium sa Johannesburg para sa huling sesyon ng “Divine Victory” International Assembly. a Ngayong taon ang ika-50 anibersaryo ng okasyong ito.

Pasimula noong 1948, ipinagbawal sa South Africa na magtipong sama-sama ang magkakaiba ang lahi, at naapektuhan nito ang pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova para sa mga pulong at kombensiyon. Sampung taóng gulang noong 1974 si Brother Alfred Phatswana, na miyembro ngayon ng Komite ng Sangay sa South Africa. Sabi niya: “Nang panahong iyon, bihirang makakita ng mga taong magkakaiba ang lahi na nagtitipong sama-sama.”

Ginanap ang internasyonal na kombensiyon noong Enero 2 hanggang 6, 1974. Dahil hindi puwedeng idaos ang buong programa ng kombensiyon na magkakasama ang iba-iba ang lahi, nagtipon-tipon sa maliliit na grupo ang mga delegado na magkakatulad ang lahi at wika sa iba’t ibang lugar noong unang apat at kalahating araw ng kombensiyon. Pero pinayagan silang magtipong sama-sama sa huling sesyon noong Linggo ng hapon sa Rand Stadium, ang nag-iisang venue sa Johannesburg na puwedeng magtipong sama-sama ang mga taong magkakaiba ang lahi at wika.

Simula noong 12:00 n.t. noong Linggo, dumagsa na sa Rand Stadium ang mga delegado mula sa iba’t ibang lugar, sakay ng bus, kotse, at tren. Ang programa ay napakinggan sa English habang isinasalin sa mga wikang Afrikaans, Portuguese, Sesotho, at Zulu.

Inihatid ng mga bus at iba pang sasakyan ang mahigit 33,000 delegado sa Rand Stadium noong Linggo ng hapon, Enero 6, 1974, para sa huling sesyon ng “Divine Victory” International Assembly

Parehong dinaluhan ng mga miyembro ng Komite ng Sangay na sina Alfred Phatswana (kaliwa) at Keith Wiggill (kanan) ang “Divine Victory” Assembly noong 1974

Punong-puno ang istadyum, kaya marami ang nakatayo sa buong sesyon. Si Brother Keith Wiggill, na miyembro din ngayon ng Komite ng Sangay sa South Africa, ay 23 anyos nang dumalo sa kombensiyon. Sinabi niya: “Hindi ako makapaniwala na mangyayari ’yon, at sagot ’yon sa maraming panalangin na makasamba kami nang sama-sama. Iisa ang pananampalataya namin at mga prinsipyong sinusunod, at nang pagkakataong iyon, walang batas na nakahadlang sa pagkakaisa namin. Damang-dama ko talagang kaisa ko ang mga kapatid.”

Nang idaos ang “Divine Victory” International Assembly noong 1974, may mga 25,000 mamamahayag sa South Africa. Ngayon, halos 100,000 kapatid ang nagkakaisang sumasamba kay Jehova sa buong bansa. Mula noong 1974, nagkaroon na ng ilang internasyonal na kombensiyon sa South Africa. Ang pinakahuli ay ang 2019 Internasyonal na Kombensiyon na “Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo!” na dinaluhan ng halos 60,000 tao mula sa iba’t ibang kultura at wika.

Halos 60,000 katao ang nagtipon sa internasyonal na kombensiyon sa Johannesburg, South Africa, noong 2019. Nakapaloob na larawan: Isang badge card na may tema ng kombensiyon na “Ang Pag-ibig ay Hindi Kailanman Nabibigo”!

Masaya tayong alalahanin ang makasaysayang kombensiyong ito noong 1974. Kitang-kita dito kung paano inalis ni Jehova ang anumang hadlang sa pagkakaisa ng bayan niya. Masaya tayong maging bahagi ng nagkakaisang kapatiran na sama-samang pumupuri kay Jehova, ang ating Diyos na hindi nagtatangi.​—Gawa 10:34, 35.

a Asamblea pa ang tawag sa mga kombensiyon noon.