Pumunta sa nilalaman

Mga kabataan sa Timor-Leste habang pinag-aaralan ang mga karanasan sa JW Balita kasama ang mga magulang nila

ENERO 22, 2021
TIMOR-LESTE

Mga Artikulo sa JW Balita, Nakatulong sa mga Kabataan sa Timor-Leste na Magtiis ng Pag-uusig

Mga Artikulo sa JW Balita, Nakatulong sa mga Kabataan sa Timor-Leste na Magtiis ng Pag-uusig

Marami ang napatibay nang mabasa nila ang mga artikulo sa JW Balita tungkol sa mga kapatid natin sa Russia na nananatiling tapat sa kabila ng pag-uusig. Sa ngayon, tatlong artikulo pa lang nito ang naisalin sa Tetun Dili para sa mga kapatid sa Timor-Leste. Isa na rito ang karanasan ni Brother Andrey Suvorkov. Ilang araw pa lang mula nang maging available ito sa Tetun Dili, limang kabataang Saksi ang napaharap sa mahirap na pagsubok. Ipinaliwanag nila kung paano napatibay ang kanilang pananampalataya nang pag-isipan nila ang halimbawa niya.

Habang nasa flag ceremony, sinabihan ang mga kabataang Saksi na sumaludo sa watawat. Nang tumanggi sila, dinala sila sa principal ng paaralan. Pinagtatanong niya sila sa harapan ng ibang mga teacher. Gamit ang Bibliya, lakas-loob pero magalang silang nagpaliwanag, at sinabi pa rin nilang hindi sila sasaludo sa watawat.

Tumawag ng pulis ang mga teacher, at dinala sa presinto ang mga kabataang Saksi nang hindi ipinapaalám sa mga magulang nila. Tumawag naman ang mga pulis sa himpilan ng militar para humiling ng isang sundalo na kakausap sa mga kabataang ito. Para takutin ang mga kabataan, ikinulong sila ng mga pulis at sundalo nang mga kalahating oras. Nagpatong pa nga ng baril sa mesa ang isang pulis at pinagtatanong sila nang mahigit dalawang oras. Nang bandang huli, pinayagan din silang umuwi.

Si Sister Ruth Ximenes (kanan) kasama ang nanay niyang si Anita (kaliwa)

Nang malaman ng mga magulang nila ang nangyari, kinausap ng mga ito ang mga teacher at pulis. Nagpatuloy pa rin ang pag-uusig, kaya nagreklamo na ang mga magulang sa mga opisyal ng gobyerno sa lugar na iyon. Nang maglaon, napilitan ang mga kabataang ito na lumipat ng ibang paaralan.

Nagpapasalamat ang mga kabataang ito na nabasa nila ang karanasan ni Brother Andrey Suvorkov na nakatulong sa kanilang maharap ang pag-uusig ng mga kaklase, teacher, at mga awtoridad.

Sinabi ni Noviana Jose do Carmo: “Pinag-usig po kami ng mga teacher namin at pinatalsik sa school. Pero napatibay po ako ng karanasan ni Brother Suvorkov na manatiling positibo.” Sinabi naman ng ate ni Noviana na si Cejiana: “Dahil po sa karanasan ni Brother Suvorkov, naging kalmado po ako kahit may mga pagsubok.” Sinabi din ni Ruth Ximenes na nakatulong sa kaniya ang karanasang ito na “huwag sumuko.”

Si Sister Ananda Maria Delavega (kanan) kasama ang nanay niyang si Juliana (kaliwa)

Sinabi ni Ananda Maria Delavega, “Nakita ko po sa halimbawa ni Brother Andrey Suvorkov na nagtitiwala siya kay Jehova, kaya natulungan po ako nito na umasa din kay Jehova sa panalangin,” lalo na sa panahon ng pag-uusig.

Sinabi ni Roni da Cruz: “Tinutulungan po ni Jehova ang lahat ng kapatid sa buong mundo, kaya alam ko pong kasama ko si Jehova at hindi po ako dapat matakot.”

Nagpapasalamat din ang mga magulang ng mga kabataang ito sa mga karanasang nasa JW Balita.

Ang nanay ni Ruth na si Sister Anita Ximenes ay isang single parent na may dalawa pang anak. Nag-alala at natakot si Anita nang marinig niya ang sinabi ng mga kapitbahay nila: “Bugbugin natin ang mga traidor!” Pero sinabi ni Anita: “Kapag naiisip ko ang mga kapatid natin sa Russia na kalmadong humaharap sa mga opisyal ng korte, talagang lumalakas ang loob ko. Ginagamit ko ang mga karanasan nila para turuan ang mga anak ko. Alam naming si Jehova ay isang Ama na laging nandiyan para sa amin.”

Mula kaliwa pakanan: Sina Roni da Cruz, Cejiana Jose do Carmo, Noviana Jose do Carmo, Ananda Maria Delavega, at Ruth Ximenes sa kombensiyon noong 2019, mga ilang linggo matapos silang dalhin sa presinto dahil sa hindi pagsaludo sa watawat sa kanilang paaralan

Gaya ng mga kabataang ito at mga magulang nila sa Timor-Leste, napapatibay din tayo kapag binubulay-bulay natin ang lakas ng loob ng mga kapatid natin na “lubos [na] nagtatagumpay” sa harap ng pag-uusig.—Roma 8:37.