Pumunta sa nilalaman

Si Melody Iwuchukwu, anim na taóng gulang, habang nagba-Bible study sa Zoom sa tatlo niyang kaklase

DISYEMBRE 7, 2020
UNITED STATES

Mga Kabataang Mas Naging Masigasig sa Ministeryo sa Panahon ng Pandemic

Mga Kabataang Mas Naging Masigasig sa Ministeryo sa Panahon ng Pandemic

Nasanay na si Mike Iwuchukwu na marinig ang dali-daling pagbaba sa hagdan ng anak niyang si Melody kapag lunch break nito mula sa klase online. Sinilip niya ang kaniyang anim-na-taóng-gulang na anak para tingnan kung bakit ito nagmamadali. Iniisip niyang kumakain lang ito ng sandwich o naglalaro. Pero nagulat siya sa nakita niya.

“Nakaupo siya sa harap ng laptop niya hawak ang Mga Aral na Matututuhan Mo sa Bibliya, at nakikinig sa kaniya ang tatlo niyang kaklase,” ang sabi ni Mike. “Sinabi sa akin ni Melody: ‘Pa, may bina-Bible study po ako!’”

Mula pa noong Setyembre 2020, gustong-gusto na ni Melody na magkaroon ng Bible study nang maging online ang mga klase sa school niya sa Houston, Texas, dahil sa coronavirus pandemic. Kaya nanalangin siya kay Jehova at naghanap ng mga pagkakataon.

Tuwang-tuwa si Mike, pati ang nanay ni Melody na si Octavia. Sinabi pa ni Mike: “Laging nagkukuwento si Melody sa mga kaklase niya tungkol kay Jehova. Pero iba pala ’pag aktuwal mong nakita ang anak mo na may bina-Bible study—talagang ang saya naming mag-asawa.”

Regular ang Bible study ni Melody at ng mga kaklase niya. Ikinuwento niya: “Naituro ko na sa kanila ang tungkol sa Paraiso at kay Jesus. Sana maging Saksi ni Jehova sila!”

Masipag din sa pangangaral ang siyam-na-taóng-gulang na si Samuel Molnar mula sa Ingleside, Illinois.

Nalaman ni Samuel na may isang brother na nakapangaral sa kapitbahay nito kahit nasa bakod lang sila, kaya gusto niya rin itong subukan. Nang makita niyang naglalaro sa kabilang bakod ang apo ng kapitbahay nila, tinanong niya ito kung gusto nitong malaman ang tungkol sa Paraiso. Pumayag ang bata, kaya tumakbo si Samuel sa loob ng bahay para kunin ang kopya niya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.

Si Samuel Molnar, siyam na taóng gulang, hawak ang kopya niya ng Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya

Ikinuwento ni Samuel: “Sinabi ko sa kaniya na darating ang panahon, puwede na niyang makalaro ang mga hayop at hindi siya sasaktan ng mga ito. ’Tapos, binasa ko sa kaniya ang kuwento tungkol kay Daniel na inihagis sa kulungan ng mga leon.”

Pero hindi lang iyon ang ginawa ni Samuel. Nagpadala rin siya ng sulat tungkol sa mga activity at video na nasa jw.org. Napag-usapan nilang magbabasa sila ng iba pang kuwento sa Bibliya kapag nagkita sila ulit.

Masayang-masaya si Samuel dahil dito at mayroon na siyang susunod na gagawin. “Gusto kong pag-aralan ang lahat ng tract na nasa Toolbox sa Pagtuturo, para mai-share ko ’yon sa iba,” ang sabi niya.

May tatlong kabataang sister din sa Houston na nakaabót sa tunguhin nila: mag-auxiliary pioneer sa panahon ng bakasyon.

Noong Agosto, nagbi-videoconference sina Joselyn Horta, edad 13; Melanie Alvarez, edad 12; at Chloe Rodriguez, edad 10, para mag-letter writing. Ginagawa nila ito nang mga limang beses sa isang linggo, at 7:00 n.u. sila nagsisimula.

Sina Sister Chloe Rodriguez (kaliwa sa baba), Sister Melanie Alvarez (kaliwa sa taas), at Sister Joselyn Horta (kanan)

“Magkukuwentuhan kami at sabay-sabay na kakain,” ang sabi ni Joselyn, “at pagdating ng 7:30 n.u., magle-letter writing na kami.” Kung minsan, late na nagigising ang isa sa kanila, kaya itetext siya n’ong dalawa: “Magandang umaga! Gising na! Mangangaral na tayo!”

Hindi lang nila napatibay ang isa’t isa—napatibay din nila ang mga kaibigan at kapamilya nila. “Kung minsan, parang tinatamad akong mangaral,” ang sabi ng nanay ni Joselyn na si Alicia. “Pero kapag nakikita ko si Joselyn na nangangaral, naiisip ko, ‘Gusto ko ring mangaral!’”

Siguradong natutuwa si Jehova kapag nakikita niyang nagsisikap ang mga kabataan na mangaral sa panahong ito ng pandemic.—Kawikaan 27:11.