Pumunta sa nilalaman

Pinuntahan ng maraming tao ang jw.org booth sa Zimbabwe International Trade Fair

HUNYO 13, 2023
ZIMBABWE

Pangangaral sa Iba’t Ibang Tao sa 2023 Zimbabwe International Trade Fair

Pangangaral sa Iba’t Ibang Tao sa 2023 Zimbabwe International Trade Fair

Ginanap noong Abril 25 hanggang 29, 2023, ang Zimbabwe International Trade Fair (ZITF) sa Bulawayo, Zimbabwe. Isa ito sa pinakamalaking exhibition sa Zimbabwe. Sinalihan ito ng 500 grupo mula sa 22 bansa at mahigit 60,000 ang bumisita. Gumawa ng booth ang mga Saksi ni Jehova sa ilalim ng kategorya na edukasyon at pagsasanay.

Para matulungan ang maraming nagpunta mula sa ibang mga bansa, naghanda ang mga kapatid ng mga literaturang base sa Bibliya na available sa sampung wika, kasama na ang Zimbabwe Sign Language. Gumawa rin ng interactive na pag-aaral sa Bibliya para sa mga interesado. Mahigit 12,000 literatura sa Bibliya ang naipamahagi at mahigit 450 ang nag-request na dalawin sila ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi ni Sister Eucebiah Mukura, na nag-welcome sa mga bisita sa booth: “Marami ang tumanggap ng Bible study. Nakakatuwang marinig ang maraming tao na nagsasabing inaasahan nila na dadalawin sila ng mga Saksi ni Jehova.”

Available din ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan sa booth. Nang marinig ng isang babae na may nagbabasa nang malakas mula sa salin natin ng Bibliya sa wikang Ndebele, humanga siya at humiling ng isang kopya. Tuwang-tuwa namang ipinakita ng isang babae sa isang sister na na-install na niya ang JW Library app sa phone niya. Sinabi ng babaeng ito na ginawa niya iyon para magkaroon siya ng sariling kopya ng Bagong Sanlibutang Salin.

“Talagang napakaganda ng karanasang ’to,” sabi ni Sister Gillian Ellerman, na tumulong sa booth. “Tuloy-tuloy ang mga bumibisita sa booth. Napakalaking sigaw ng papuri ’to kay Jehova!”

Nakakapagpatibay makita na ginagamit ng mga kapatid natin sa Zimbabwe ang bawat pagkakataon para ibahagi sa iba ang “tumpak na kaalaman sa katotohanan.”—1 Timoteo 2:4.