Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Tamang Pananaw sa mga Pagkakamali

Ang Tamang Pananaw sa mga Pagkakamali

Masayang-masaya sina Don at Margaret * sa pagbisita ng kanilang anak at ng pamilya nito. Bago umalis ang mga bisita, naghanda si Margaret, isang retiradong professional cook, ng macaroni and cheese, na paborito ng kaniyang dalawang apo.

Nang makaupo na ang lahat, inihain na ni Margaret ang kaniyang iniluto. Nang alisin niya ang takip, nadismaya siya nang makita niyang mainit na cheese sauce lang ang laman nito! Nalimutang ilagay ni Margaret ang pangunahing sangkap, ang macaroni!

Lahat tayo ay nagkakamali anuman ang ating edad o karanasan sa buhay. Baka nagpadalos-dalos tayo sa pagsasalita o kumilos sa di-angkop na panahon, o baka mayroon tayong nakalimutan. Bakit tayo nagkakamali? Paano natin ito haharapin? Maiiwasan ba ito? Ang tamang pananaw sa mga pagkakamali ay tutulong sa atin na masagot ang mga iyan.

PAGKAKAMALI—ANG PANANAW NATIN AT NG DIYOS

Kapag may nagagawa tayong maganda, masaya nating tinatanggap ang papuri at iniisip na dapat lang tayong purihin. Kapag nagkamali tayo, ito man ay di-sinadya o di-napansin ng iba, hindi ba’t dapat lang na aminin natin iyon? Para magawa iyan, kailangan ang kapakumbabaan.

Kapag masyado nating iniisip ang ating sarili, baka pagaanin natin ang ating pagkakamali, isisi ito sa iba, o itanggi pa nga. Kadalasan nang hindi maganda ang resulta nito. Hindi nito masosolusyunan ang problema, at baka masisi pa ang iba na wala namang kasalanan. Malusutan man natin ngayon ang ating pagkakamali, tandaan na sa bandang huli, “ang bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos para sa kaniyang sarili.”—Roma 14:12.

Makatuwiran ang pananaw ng Diyos sa pagkakamali. Sa aklat ng Awit, inilalarawan ang Diyos bilang “maawain at magandang-loob”; “hindi siya habang panahong maghahanap ng kamalian, ni maghihinanakit man siya hanggang sa panahong walang takda.” Alam niyang di-sakdal ang mga tao at naiintindihan niya ang ating mga kahinaan, “na inaalaalang tayo ay alabok.”—Awit 103:8, 9, 14.

Bukod diyan, gaya ng isang maawaing ama, gusto ng Diyos na tularan natin ang pananaw niya sa pagkakamali. (Awit 130:3) Ang kaniyang Salita ay punong-puno ng payo at patnubay na tutulong sa atin para maharap ang pagkakamali natin at ng iba.

MGA PARAAN PARA MAHARAP ANG PAGKAKAMALI

Kadalasan, kapag nagkakamali ang isa, gumugugol siya ng maraming panahon at lakas para isisi sa iba o ipagmatuwid ang kaniyang nasabi o nagawa. Kaya kapag nakasakit ka ng damdamin, makabubuting humingi ka na lang ng tawad, ituwid ang mga bagay-bagay, at panatilihin ang pagkakaibigan ninyo. May nagawa ka bang pagkakamali na nakaapekto sa sarili mo at sa iba? Sa halip na mainis sa iyong sarili o akusahan ang iba, makabubuting ituwid mo na lang ang mga bagay-bagay. Kung ipipilit mong hindi ikaw ang nagkamali, malamang na lalong tumagal ang tensiyon at lumala ang problema. Kaya matuto sa pagkakamali mo, ituwid ito, at mag-move on.

Pero kapag iba ang nagkakamali, napakadali nating mainis. Magandang sundin ang payo ni Jesu-Kristo: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Kapag nagkakamali ka, kahit maliit lang, tiyak na gusto mong maging makonsiderasyon sa iyo ang iba o palampasin pa nga nila ang pagkakamali mo. Kaya bakit hindi mo sikaping magpakita ng gayon ding kabaitan?—Efeso 4:32.

MGA SIMULAING TUTULONG PARA HINDI TAYO LAGING MAGKAMALI

Ang mga pagkakamali ay nangyayari dahil sa “maling paghatol, kakulangan ng impormasyon, o hindi pagbibigay-pansin,” ang sabi ng isang diksyunaryo. Aminin natin na sa pana-panahon, nagagawa natin ang isa o ilan sa mga ito. Pero kung susundin natin ang ilang mahalagang simulain sa Kasulatan, maiiwasan nating magkamali.

Ang isang simulain ay mababasa sa Kawikaan 18:13: “Kapag ang isa ay sumasagot sa isang bagay bago niya marinig iyon, kamangmangan ito sa kaniya at kahihiyan.” Oo, kapag pinakinggan mo ang buong kuwento at pinag-isipan ang isasagot mo, tiyak na maiiwasan mong makapagsalita o mag-react nang padalos-dalos. Ang pagbibigay-pansin sa mga detalye ay napakahalaga para maiwasan ang maling paghatol, at sa gayon ay magkamali.

Isa pang simulain sa Bibliya ang nagsasabi: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Sikaping makipagpayapaan at makipagtulungan. Kapag nagtatrabaho kasama ng iba, maging makonsiderasyon at magalang. Sikaping magpatibay at magbigay ng komendasyon. Sa ganitong sitwasyon, ang mga padalos-dalos na pagsasalita at pagkilos ay mas madaling pagpasensiyahan o palampasin, at magiging madali ang paglutas sa mas malalaking pagkakamali.

Gawin mong isang positibong karanasan ang iyong pagkakamali. Sa halip na magpalusot, ituring na isa itong pagkakataon para makapaglinang ng mabubuting katangian. Kailangan mo bang magpakita ng higit na pasensiya, kabaitan, o pagpipigil sa sarili? Kumusta naman ang kahinahunan, kapayapaan, at pag-ibig? (Galacia 5:22, 23) Sa paanuman, matututuhan mo kung ano ang hindi mo dapat gawin sa susunod. Huwag mong masyadong isipin ang pagkakamali mo, pero huwag ka namang maging iresponsable. Ang pagpapatawa ay nakapag-aalis ng tensiyon.

MAKINABANG MULA SA TAMANG PANANAW

Ang tamang pananaw sa pagkakamali ay tutulong sa atin na maharap ito sa positibong paraan. Magkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip at magandang kaugnayan sa iba. Kung matututo tayo sa ating mga pagkakamali, mas magiging matalino tayo at magugustuhan tayo ng iba. Hindi tayo masisiraan ng loob o mag-iisip ng negatibo sa ating sarili. Kung pahahalagahan natin ang pagsisikap ng iba na harapin ang pagkakamali nila, mas mapapalapít tayo sa kanila. Higit sa lahat, makikinabang tayo kung tutularan natin ang pag-ibig ng Diyos at ang pagnanais niyang magpatawad nang lubusan.—Colosas 3:13.

Nasira ba ng pagkakamali ni Margaret, na nabanggit sa simula, ang salusalo ng pamilya? Hindi naman. Tinawanan lang nila ang nangyari, lalo na si Margaret, at masayang itinuloy ang kanilang pagkain—kahit walang macaroni! Pagkalipas ng mga taon, ikinuwento ng dalawang apo ni Margaret sa kanilang mga anak ang di-malilimutang karanasang iyon at ang masayang alaala ng kanilang lolo’t lola. Tutal, isang pagkakamali lang iyon!

^ par. 2 Binago ang mga pangalan.