Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ibigay ang Karangalan sa mga Karapat-dapat Dito

Ibigay ang Karangalan sa mga Karapat-dapat Dito

“Sa Isa na nakaupo sa trono at sa Kordero, sumakanila nawa ang pagpapala at ang karangalan at ang kaluwalhatian at ang kalakasan magpakailan-kailanman.”—APOC. 5:13.

AWIT: 9, 108

1. Bakit karapat-dapat sa karangalan ang ilang indibiduwal? At ano ang tatalakayin natin?

ANG pagbibigay ng karangalan ay nangangahulugan ng pagpapakita ng espesyal na atensiyon at paggalang sa iba. Makatuwiran lang na asahan na ang mga karapat-dapat sa gayong atensiyon at paggalang ay may nagawang nararapat sa karangalang iyon o may espesyal na posisyon. Kaya maitatanong natin, ‘Sino-sino ang dapat nating parangalan, at bakit sila karapat-dapat sa gayong karangalan?’

2, 3. (a) Bakit karapat-dapat si Jehova sa karangalan? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Sino ang Kordero sa Apocalipsis 5:13, at bakit siya karapat-dapat sa karangalan?

2 Gaya ng ipinakikita ng Apocalipsis 5:13, tiyak na ang “Isa na nakaupo sa trono at [ang] Kordero” ay karapat-dapat sa karangalan. Makikita sa kabanata 4 ng aklat ding iyon ang isang dahilan kung bakit karapat-dapat parangalan si Jehova. Inilakas ng dinakilang mga nilalang sa langit ang kanilang tinig para purihin si Jehova, “ang Isa na nabubuhay magpakailan-kailanman.” Sinasabi nila: “Ikaw ang karapat-dapat, Jehova, na Diyos nga namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa iyong kalooban ay umiral sila at nalalang.”—Apoc. 4:9-11.

3 Ang Kordero ay si Jesu-Kristo, “ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan.” (Juan 1:29) Sinasabi ng Bibliya na di-hamak na nakahihigit siya sa lahat ng tao na naging hari kailanman. Ipinaliliwanag nito: “Siya [ang] Hari niyaong mga namamahala bilang mga hari at Panginoon niyaong mga namamahala bilang mga panginoon, ang isa na tanging nagtataglay ng imortalidad, na tumatahan sa di-malapitang liwanag, na walang isa man sa mga tao ang nakakita o makakakita.” (1 Tim. 6:14-16) May iba pa bang hari na kusang-loob na namatay bilang pantubos sa ating mga kasalanan? Tiyak na mauudyukan kang sumama sa pagkarami-raming makalangit na nilalang sa pagsasabi: “Ang Kordero na pinatay ay karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan at karunungan at lakas at karangalan at kaluwalhatian at pagpapala.”—Apoc. 5:12.

4. Bakit hindi opsyonal ang pagpaparangal kay Jehova at kay Kristo?

4 Hindi opsyonal ang pagpaparangal kay Jehova at kay Kristo. Nakasalalay rito ang ating buhay na walang hanggan. Kitang-kita iyan sa mga salita ni Jesus sa Juan 5:22, 23: “Ang Ama ay hindi humahatol sa kaninuman, kundi ipinagkatiwala niya ang lahat ng paghatol sa Anak, upang ang lahat ay magparangal sa Anak kung paanong sila ay nagpaparangal sa Ama. Siya na hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya.”—Basahin ang Awit 2:11, 12.

5. Bakit dapat tayong magpakita ng karangalan at paggalang sa mga tao sa pangkalahatan?

5 Ang mga tao ay nilikha “ayon sa larawan ng Diyos.” (Gen. 1:27) Kaya naman, karamihan sa kanila ay nakapagpapakita ng makadiyos na mga katangian sa iba’t ibang antas. May kakayahan silang magpakita ng pag-ibig, kabaitan, at habag sa isa’t isa. Dahil nilikha silang may budhi, ang mga tao ay may likas na kakayahang nagsasabi sa kanila ng kung ano ang tama at mali, tapat at di-tapat, angkop at di-angkop, bagaman kung minsan ay nagkakamali ito o nagiging pilipit. (Roma 2:14, 15) Karamihan ay naaakit sa mga bagay na malinis at maganda. Karaniwan na, gusto nilang mamuhay nang payapa kasama ng iba. Alam man nila ito o hindi, sa ilang antas ay naipakikita nila ang kaluwalhatian ni Jehova, kung kaya karapat-dapat din sila sa karangalan at paggalang.—Awit 8:5.

MAGING BALANSE SA PAGBIBIGAY NG KARANGALAN

6, 7. Paano naiiba ang mga Saksi ni Jehova pagdating sa pagpaparangal sa mga tao?

6 Kailangan ang pagiging balanse para malaman kung anong uri at kung hanggang saan ang karangalang ibibigay sa ibang tao. Napakalakas ng impluwensiya ng espiritu ng sanlibutan ni Satanas. Kaya naman iniidolo ng ibang tao ang ilang lalaki o babae sa halip na pagpakitaan lang ang mga ito ng angkop na karangalan at paggalang. Inilalagay nila sa pedestal ang mga lider ng relihiyon, mga politiko, manlalaro, artista, at iba pang celebrity, at halos sambahin na nila ang mga ito. Kaya naman, itinuturing nilang role model ang mga ito at ginagaya ang kanilang kilos, pananamit, o paggawi.

7 Iniiwasan ng mga tunay na Kristiyano ang ganiyang pilipit na pananaw sa pagpaparangal sa mga tao. Si Kristo lang ang taong nabuhay kailanman na isang sakdal na huwaran. (1 Ped. 2:21) Hindi malulugod ang Diyos kung bibigyan natin ang mga tao ng karangalang higit sa nararapat sa kanila. Tandaan natin ang katotohanang ito: “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos.” (Roma 3:23) Kaya naman walang tao ang karapat-dapat sa pagpaparangal na maituturing nang idolatriya.

8, 9. (a) Ano ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa mga opisyal ng gobyerno? (b) Hanggang saan ang angkop na pagsuporta sa mga opisyal na ito?

8 Ang ilang indibiduwal ay humahawak ng sekular na mga posisyon. Tungkulin ng mga opisyal ng gobyerno na panatilihin ang batas at kaayusan at pangalagaan ang kanilang mga mamamayan. Lahat ay nakikinabang dito. Kaya naman pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na ituring ang mga opisyal ng gobyerno bilang “nakatataas na mga awtoridad” at magpasakop sa mga ito. Tinagubilinan niya sila: “Ibigay sa lahat ang kanilang kaukulan, sa kaniya na humihiling ng buwis, ang buwis; . . . sa kaniya na humihiling ng karangalan, ang gayong karangalan.”—Roma 13:1, 7.

9 Kaya naman, ang mga Saksi ni Jehova ay kusang-loob na nag-uukol ng karangalan sa mga lingkod-bayan, gaya ng inaasahan at kaugalian sa lupaing tinitirhan nila. Nakikipagtulungan tayo sa kanila sa pagtupad nila ng kanilang mga tungkulin. Siyempre pa, may makatuwiran at makakasulatang hangganan ang karangalan at suportang ibinibigay natin dahil hindi natin maaaring suwayin ang Diyos o labagin ang ating Kristiyanong neutralidad.—Basahin ang 1 Pedro 2:13-17.

10. Paano nagpakita ng halimbawa ang mga lingkod ni Jehova noon pagdating sa kanilang kaugnayan sa sekular na mga pamahalaan at mga opisyal?

10 Nagpakita ng halimbawa ang mga lingkod ni Jehova noon pagdating sa kanilang kaugnayan sa mga pamahalaan at mga opisyal. Nang manawagan ang Imperyo ng Roma para sa isang sensus, sumunod sina Jose at Maria. Naglakbay sila papuntang Betlehem kahit malapit nang isilang ni Maria ang kaniyang unang anak. (Luc. 2:1-5) Nang akusahan naman si Pablo, magalang niyang ipinagtanggol ang kaniyang sarili at nagpakita siya ng angkop na karangalan kay Haring Herodes Agripa at kay Festo, na gobernador ng Romanong probinsiya ng Judea.—Gawa 25:1-12; 26:1-3.

11, 12. (a) Bakit magkaiba ang pakikitungo natin sa mga opisyal ng gobyerno at sa mga lider ng relihiyon? (b) Nang magpakita ng karangalan sa isang politiko ang isang Saksing taga-Austria, ano ang naging mabuting resulta?

11 Pero iniiwasan ng mga Saksi ni Jehova na magbigay ng higit na karangalan sa mga lider ng relihiyon, kahit inaasahan pa nila ito. Sinisiraang-puri ng huwad na relihiyon ang Diyos at pinipilipit nito ang mga turo ng kaniyang Salita. Kaya naman, pinakikitunguhan natin ang mga lider ng relihiyon bilang mga kapuwa tao, pero hindi tayo nag-uukol ng espesyal na karangalan sa kanila. Tandaan natin na tinuligsa ni Jesus ang mga taong iyon noong panahon niya bilang mga mapagpaimbabaw at mga bulag na tagaakay. (Mat. 23:23, 24) Sa kabaligtaran, ang pagpapakita natin ng kaukulang paggalang at karangalan sa mga opisyal ng gobyerno ay maaaring magkaroon ng positibo at di-inaasahang resulta.

12 Si Leopold Engleitner ay isang masigasig na Saksi mula sa Austria. Inaresto siya ng mga Nazi at ipinadala sa kampong piitan sa Buchenwald sakay ng tren. Si Dr. Heinrich Gleissner ay isang bilanggong sakay rin ng tren na iyon. Dati siyang politiko sa Austria, pero nagalit sa kaniya ang mga Nazi. Habang nasa biyahe papunta sa kampong piitan, magalang na ipinaliwanag ni Brother Engleitner kay Dr. Gleissner ang mga paniniwala niya, at nakinig itong mabuti. Nang matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, paulit-ulit na ginamit ni Dr. Gleissner ang kaniyang impluwensiya para tulungan ang mga Saksi sa Austria. Marahil may naiisip ka pang ibang halimbawa ng magagandang resulta dahil nagpakita ang mga Saksi ng angkop na paggalang at kaukulang karangalan sa mga opisyal ng bayan, gaya ng sinasabi ng Bibliya.

IBA PANG KARAPAT-DAPAT SA KARANGALAN

13. Sino ang lalo nang karapat-dapat sa paggalang at karangalan, at bakit?

13 Tiyak na karapat-dapat din sa karangalan at paggalang ang mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya. Totoo ito lalo na sa mga elder. (Basahin ang 1 Timoteo 5:17.) Nagpapakita tayo ng karangalan sa mga brother na ito anuman ang kanilang lahi, natapos na edukasyon, katayuan sa lipunan, o pinansiyal na kalagayan. “Mga kaloob na mga tao” ang tawag sa kanila ng Bibliya, at mahalagang bahagi sila ng kaayusan ng Diyos para asikasuhin ang mga pangangailangan ng kaniyang bayan. (Efe. 4:8) Isipin ang mga elder sa kongregasyon, mga tagapangasiwa ng sirkito, mga miyembro ng Komite ng Sangay, at mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Pinahahalagahan ng mga kapatid noong unang siglo ang mga inatasang manguna, at gayon din naman tayo. Hindi natin iniidolo ang mga prominenteng kinatawan ng kongregasyong Kristiyano, at hindi tayo kumikilos sa harap nila na para bang mga anghel sila. Pero iginagalang natin at pinararangalan ang mga brother na iyon dahil sa kanilang pagpapagal at kapakumbabaan.—Basahin ang 2 Corinto 1:24; Apocalipsis 19:10.

14, 15. Paghambingin ang tunay na mga Kristiyanong pastol at ang mga nag-aangking pastol.

14 Ang mga elder na iyon ay kilala bilang mapagpakumbabang espirituwal na mga pastol. Dahil sa kanilang kapakumbabaan, hindi sila pumapayag na tratuhing parang mga celebrity. Kaya naman ibang-iba sila sa maraming lider ng relihiyon ngayon at noong unang siglo, na inilarawan ni Jesus: “Nais nila ang pinakatanyag na dako sa mga hapunan at ang mga upuan sa unahan sa mga sinagoga, at ang mga pagbati sa mga pamilihan.”—Mat. 23:6, 7.

15 Sinusunod ng tunay na mga Kristiyanong pastol ang sinabi ni Jesus: “Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat iisa ang inyong guro, samantalang lahat kayo ay magkakapatid. Isa pa, huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinuman sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isa na makalangit. Ni huwag kayong patawag na ‘mga lider,’ sapagkat ang inyong Lider ay iisa, ang Kristo. Ngunit ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. Sinumang nagtataas ng kaniyang sarili ay ibababa, at sinumang nagbababa ng kaniyang sarili ay itataas.” (Mat. 23:8-12) Dahil sinusunod nila ito, ang mga elder sa buong mundo ay minamahal, iginagalang, at pinararangalan ng kanilang mga kapuwa Saksi.

Habang mapagpakumbaba silang naglilingkod, ang mga elder ay minamahal, iginagalang, at pinararangalan (Tingnan ang parapo 13-15)

16. Bakit dapat mong sikaping maunawaan at maikapit ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapakita ng karangalan?

16 Baka mahirapan tayong maging balanse pagdating sa kung sino ang pag-uukulan ng karangalan at kung paano. Ganiyan din ang unang mga Kristiyano. (Gawa 10:22-26; 3 Juan 9, 10) Pero sulit ang pagsisikap nating sundin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapakita ng karangalan. Kapag nagawa natin ito, tatanggap tayo ng maraming pakinabang.

MGA PAKINABANG NG PAG-UUKOL NG ANGKOP NA KARANGALAN

17. Ano ang ilang pakinabang ng pagpapakita ng karangalan sa mga humahawak ng sekular na posisyon?

17 Kapag nagpapakita tayo ng paggalang at karangalan sa mga humahawak ng sekular na posisyon, mas malamang na ipagtanggol nila ang ating karapatang mangaral nang may kalayaan. Dahil dito, kadalasan nang nagiging maganda ang tingin ng mga tao sa ating pangangaral. Ilang taon na ang nakararaan, dumalo si Birgit, isang payunir sa Germany, sa graduation ng kaniyang anak na babae. Sinabi ng mga guro kay Birgit na tuwang-tuwa sila na nagkaroon sila ng mga estudyanteng Saksi sa nakalipas na mga taon. Sinabi nila na manghihinayang sila kung walang batang Saksi sa kanilang paaralan. Ipinaliwanag sa kanila ni Birgit, “Tinuturuan namin ang aming mga anak na sumunod sa pamantayan ng Diyos sa paggawi, at kasama rito ang pagpapakita ng paggalang at karangalan sa mga guro.” Sinabi ng isang guro, “Kung lahat ng bata ay kagaya ng anak mo, parang paraiso ang pagtuturo.” Pagkaraan ng ilang linggo, isa sa mga guro ang dumalo ng kombensiyon sa Leipzig.

18, 19. Bakit mahalaga ang pagpapakita ng angkop na karangalan sa mga elder?

18 Siyempre pa, dapat tayong magpagabay sa sakdal at matalinong mga simulain sa Salita ng Diyos para makapagpakita ng angkop na karangalan sa mga elder sa kongregasyon. (Basahin ang Hebreo 13:7, 17.) Dapat natin silang bigyan ng komendasyon para sa kanilang pagpapagal at makipagtulungan tayo sa kanilang mga tagubilin. Dahil dito, patuloy nilang magagampanan ang kanilang mga tungkulin nang may kagalakan. Pero hindi ibig sabihin nito na kokopyahin natin ang pananamit, pag-aayos, pagpapahayag sa madla, o paraan ng pakikipag-usap ng isang “prominenteng” elder. Kapag ginawa natin iyan, magbibigay ito ng maling impresyon. Tandaan natin na isa rin siyang di-sakdal na tao. Si Kristo ang huwaran na dapat nating sundan at tularan.

19 Kapag nagpapakita tayo ng angkop na paggalang at karangalan sa mga elder at hindi sila itinuturing na parang mga celebrity, natutulungan natin sila. Tinutulungan natin sila na huwag mabiktima ng pride, na makadamang nakahihigit sila sa iba o maging mapagmatuwid sa sarili.

20. Paano nakatutulong sa atin ang pagbibigay ng karangalan sa iba?

20 Para naman sa atin, ang pagpapakita ng karangalan sa mga karapat-dapat dito ay tutulong para maiwasan natin ang pagiging makasarili. Tutulungan tayo nitong huwag lumaki ang ulo kapag pinupuri tayo. Makapananatili rin tayong kaayon ng organisasyon ni Jehova, na hindi nagbibigay ng labis-labis o di-nararapat na karangalan, sa mga kapananampalataya man o sa mga di-sumasampalataya. Isa rin itong katalinuhan dahil maiiwasan nating matisod sakaling biguin tayo ng taong pinagpapakitaan natin ng karangalan.

21. Ano ang pinakamahalagang pakinabang ng pagbibigay ng angkop na karangalan sa mga karapat-dapat dito?

21 Ang pinakamahalagang pakinabang ng pagbibigay ng angkop na karangalan sa mga karapat-dapat dito ay na napalulugdan natin ang Diyos. Gumagawi tayo ayon sa nais niya kung kaya nakapananatili tayong tapat sa kaniya. Nakapagbibigay tayo ng sagot sa sinumang tutuya sa kaniya. (Kaw. 27:11) Ang mundo ay punô ng mga taong may pilipit na pananaw sa pagbibigay ng karangalan. Talagang nagpapasalamat tayo na alam natin kung paano magbigay ng karangalan sa paraang sinasang-ayunan ni Jehova!