Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Paano Natin Dapat Gamitin ang Ating Kalayaang Pumili?

Paano Natin Dapat Gamitin ang Ating Kalayaang Pumili?

PINAGKALOOBAN ng Diyos ang unang mga tao, sina Adan at Eva, ng kakayahang pumili. Kaniyang inilagay si Adan na mamahala sa hardin ng Eden. Kasali sa mga tungkulin ni Adan ang pagpili ng mga pangalan para sa mga hayop. (Genesis 2:15, 19) Mas mahalaga, makapagpapasiya sina Adan at Eva kung susunod sila sa Diyos o hindi.​—Genesis 2:17, 18.

Mula noon, ang mga tao ay nakagawa ng di-mabilang na bilyun-bilyong pasiya​—marami rito ay matalinong pagpapasiya, ang ilan ay hindi tama, at ang iba naman ay napakabalakyot. Ang ilan sa di-matalinong pagpapasiya ng tao ay nagkaroon ng kapaha-pahamak na mga resulta. Gayunman, hindi kailanman nakialam ang Diyos sa ating karapatang pumili. Bilang isang maibiging Ama, pinaglalaanan tayo ng Diyos ng tulong sa paggawa ng matatalinong pasiya sa pamamagitan ng Bibliya. Nagbabala rin siya sa atin tungkol sa mga kahihinatnan ng maling pagpili. Sinasabi ng Bibliya na aanihin natin ang ating itinanim.​—Galacia 6:7.

Personal na mga Pasiya

Maliwanag na ipinaaalam ng Diyos ang kaniyang kalooban sa ilang bagay, anupat nagbibigay sa atin ng espesipikong patnubay. Subalit sa karamihan ng mga bagay, hindi nagtatakda ng mga tuntunin ang Bibliya upang saklawin ang lahat ng ating personal na mga ginagawa. Sa halip, nagbibigay ito ng malawak na patnubay na nagpapahintulot sa mga tao na sundin ang kanilang personal na mga naiibigan at pagnanais. Halimbawa, pansinin kung ano ang sinasabi nito tungkol sa paglilibang.

Tinatawag ng Kasulatan si Jehova na “maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Binabanggit ng kaniyang Salita ang tungkol sa “panahon ng pagtawa” at “panahon ng pagluksu-lukso.” (Eclesiastes 3:1, 4) Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Haring David ay tumugtog ng musika para sa kapakinabangan ng iba. (1 Samuel 16:16-18, 23) Dumalo si Jesus sa isang handaan ng kasal, at gumawa siya ng isang bagay na nakaragdag ng sayá sa okasyon nang gawin niyang alak ang tubig.​—Juan 2:1-10.

Gayunman, angkop na nagbababala ang Bibliya: “Siyang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong, ngunit siyang nakikipag-ugnayan sa mga hangal ay mapapariwara.” (Kawikaan 13:20) Ang “malaswang pagbibiro” at imoral na mga gawain ay nakagagalit sa Diyos at nakasisira sa ating kaugnayan sa kaniya. (Efeso 5:3-5) Kapag hindi pinigilan ang pagbaha ng inuming de-alkohol sa sosyal na mga pagtitipon, maaari itong magbunga ng malulubhang problema. (Kawikaan 23:29-35; Isaias 5:11, 12) Napopoot din ang Diyos na Jehova sa karahasan.​—Awit 11:5; Kawikaan 3:31.

Ang mga talatang ito sa Bibliya ay tumutulong sa atin na malasin ang paglilibang ayon sa pangmalas ng Diyos. Sa pagpili, isinasaalang-alang ng mga Kristiyano ang Bibliya. Sabihin pa, haharapin nating lahat ang mabubuti o masasamang resulta ng mismong mga ipinasiya natin.​—Galacia 6:7-10.

Sa katulad na paraan, ang mga Kristiyano ay pinatitibay na gumawa ng matatalinong pasiya kasuwato ng mga simulain sa Bibliya tungkol sa mga bagay na gaya ng pananamit, pag-aasawa, pagiging magulang, at mga pagnenegosyo. Kasali rito ang mga bagay na hindi espesipikong binabanggit sa Kasulatan, subalit makatutulong naman ang mga simulaing masusumpungan doon upang makapagpasiya batay sa budhi. (Roma 2:14, 15) Ang sumusunod na pamantayan ay dapat ikapit sa lahat ng personal na mga pagpapasiya ng mga Kristiyano: “Kayo man ay kumakain o umiinom o gumagawa ng anupaman, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”​—1 Corinto 10:31.

Kung tungkol sa paksang ito, makabubuting isaalang-alang din natin ang simulain na “asikasuhin ang inyong sariling gawain.” (1 Tesalonica 4:11) Kadalasang napapaharap sa mga Kristiyano ang ilang mapagpipilian na hindi naman labag sa kalooban ng Diyos. Kaya, maaaring magkakaiba ang pinipili ng mga Kristiyano. Hindi nakalulugod sa Diyos na makita niyang ang kaniyang mga lingkod ay naghahatulan sa isa’t isa. (Santiago 4:11, 12) May-katalinuhan tayong pinapayuhan ng Bibliya: “Huwag magdusa ang sinuman sa inyo . . . bilang isang mapakialam sa mga bagay-bagay ng ibang tao.”​—1 Pedro 4:15.

Ang Pasiyang Maglingkod sa Diyos

Itinatampok ng Bibliya ang mga pakinabang ng pagsunod sa Diyos. Gayunman, hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na sambahin siya. Sa halip, inaanyayahan niya ang kaniyang mga nilalang na tao na maging mga mananamba niya. Halimbawa, sinasabi ng Bibliya: “O pumarito kayo, sumamba tayo at yumukod; lumuhod tayo sa harap ni Jehova na ating Maylikha.”​—Awit 95:6.

Ang paanyayang iyon ay ibinigay sa sinaunang Israel. Mahigit na 3,500 taon na ang nakalipas, ang bansang Israel ay nakatayo sa harap ng Bundok Sinai, at ipinaalam ng Diyos sa milyun-milyong tao ang paraan ng tunay na relihiyon na nakapaloob sa Kautusang Mosaiko. Kailangan nilang magpasiya ngayon: Maglilingkod ba sila sa Diyos o hindi? Paano sila tumugon? May-pagkakaisa nilang sinabi: “Ang lahat ng sinalita ni Jehova ay handa naming gawin at maging masunurin.” (Exodo 24:7) Ipinasiya nilang sambahin si Jehova.

Noong unang siglo, pinasimulan ni Jesus ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 4:17; 24:14) Hindi niya kailanman pinilit ang sinuman na sumama sa kaniya sa gawaing ito. Sa halip, may-kabaitang inanyayahan niya ang iba, sa pagsasabing: “Halika maging tagasunod kita.” (Marcos 2:14; 10:21) Tinanggap ng marami ang kaniyang paanyaya at nagsimulang mangaral na kasama niya. (Lucas 10:1-9) Pagkaraan ng ilang panahon, pinili ng ilan na iwan si Jesus. Pinili ni Hudas na ipagkanulo siya. (Juan 6:66; Gawa 1:25) Nang maglaon, sa ilalim ng patnubay ng mga apostol, marami pang indibiduwal ang naging mga alagad, hindi dahil sa tinakot sila sa pamamagitan ng tabak, kundi sa paggamit ng kanilang malayang kalooban. Sila’y “wastong nakaayon” at “naging mga mananampalataya.” (Gawa 13:48; 17:34) Gayundin sa ngayon, kusang sinusunod ng tunay na mga Kristiyano ang Salita ng Diyos at ang mga turo ni Jesus.

Maliwanag, nais ng Diyos na gamitin natin ang ating kakayahang pumili. Naglalaan din siya ng patnubay sa Bibliya upang tulungan tayong gumawa ng matatalinong pasiya. (Awit 25:12) Kapag gumagawa tayo ng personal na mga pasiya, dapat isaalang-alang nang maingat ng bawat Kristiyano ang makadiyos na mga simulain. Sa gayong paraan lamang makapag-uukol tayo sa Diyos ng ‘sagradong paglilingkod taglay ang ating kakayahan sa pangangatuwiran.’​—Roma 12:1.