Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pagtutulungan​—Mahalaga sa Buhay (Setyembre 8, 2005) Aaminin ko na noong una kong makita ang pabalat ng isyung ito, hindi ko naisip na magiging interesado ako sa paksa. Pero binasa ko ang buong serye, at talagang nagustuhan ko ito! Habang nagbabasa, maraming beses akong huminto para magpasalamat kay Jehova dahil sa kamangha-manghang paraan ng pagkalalang niya sa mga bagay-bagay. Kahanga-hangang makita kung paano nagtutulungan ang mga hayop.

B. K., Estados Unidos

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Kaya Maiiwasan ang Pakikisama sa Di-kanais-nais na mga Tao? (Agosto 22, 2005) Naakit po ako sa isang “di-kanais-nais” na taong hindi naman talaga matatag sa katotohanan sa Bibliya. Natulungan po ako ng artikulong ito na maunawaan ang panganib ng pakikisama sa isang taong mahina sa espirituwal. Nakatutuwang malaman na nagmamalasakit sa atin si Jehova. Salamat po sa napapanahong tulong.

A.B.K., Zambia

Natulungan po ako ng artikulong ito na makitang kailangan kong baguhin ang aking mga kasama. Bagaman mahirap itong gawin, patuloy po akong napatitibay ng artikulo na palaging nasa tabi ko. Salamat po sa tulong at pampatibay na ibinibigay ninyo sa aming mga kabataan.

L. R., Estados Unidos

Ang Pangmalas ng Bibliya​—Dapat Ka Bang Manalangin kay Birheng Maria? (Setyembre 8, 2005) Humahanga ako sa inyong mga Saksi ni Jehova dahil napakaganda ng inyong paggawi at malaki ang naitutulong sa akin ng inyong mga magasin. Gayunman, paano ninyo nasabi na hindi tayo dapat humingi ng tulong kay Maria? Siya ang ating tagapamagitan sa Ama upang mapanatag tayo.

E. R., Espanya

Sagot ng “Gumising!”: Gaya ng ipinaliwanag sa artikulo, walang mababasa saanman sa Bibliya na nagbibigay sa atin ng awtoridad na manalangin sa sinuman maliban sa Diyos. Ayon sa isang paring Katoliko at manunulat na si Andrew Greeley, “ang simbolong Maria ang tuwirang nag-uugnay sa Kristiyanismo at sa sinaunang mga relihiyon ng mga inang diyosa.” Samakatuwid, ang pagpapakundangan kay Maria ay nagmula sa paganismo, hindi sa Kristiyanismo. Maaaring bago ang ideyang ito para sa marami sa aming mga mambabasa, kaya hinihimok namin sila na suriin ang Bibliya upang malaman kung ano talaga ang itinuturo nito. Marami sa mga Saksi ni Jehova ang dating Katoliko, pero nang mag-aral sila ng Salita ng Diyos, nalaman nilang hindi nais ng Diyos na manalangin tayo sa tulong ng sinuman maliban kay Jesu-Kristo, ang ating tanging tagapamagitan. (Hebreo 7:25) Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang aklat na “Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?” * sa Kabanata 15, na may pamagat na “Ang Pagsambang Sinasang-ayunan ng Diyos,” at tumatalakay sa kahalagahan na iayon ang ating paniniwala sa Banal na Kasulatan.

May Sakit Na, Palabiro Pa Rin (Abril 22, 2005) Namatay ang misis ko dahil sa sakit sa atay noong Disyembre 2002. Mga walong buwan siyang naghirap. Gayunman, puro positibong bagay lamang ang ipinakikipag-usap niya at nagkukuwento siya ng mga karanasang magpapatawa sa amin. Hanggang sa kahuli-hulihang sandali, nanatili siyang masayahin. Nang mabasa ko ang artikulong ito, naunawaan ko na kung bakit. Tulad namin, kailangan din niya ng positibong saloobin. Malamang na nagpagaan ito ng pakiramdam niya, gaya ng nagawa nito kay Conchi. Salamat at natulungan ninyo akong maunawaan kung bakit naging masayahin ang asawa ko.

D. H., Estados Unidos

Mula sa Aming mga Mambabasa Lagi kong inaabangan ang seksiyong “Mula sa Aming mga Mambabasa.” Kung minsan, mababasa ko ang isang sulat at maiisip ko, ‘Ganito rin ang nadarama ko!’ Sa ibang pagkakataon naman, naitatanong ko sa aking sarili, ‘Napansin ko ba ang puntong iyon sa artikulo?’ Saka ko babasahin ulit ang artikulo, at kadalasang napahahanga at napatitibay ako pagkatapos nito.

M. T., Hapon

[Talababa]

^ par. 10 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.