Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Stress—Isang Banta sa Kalusugan

Stress—Isang Banta sa Kalusugan

Stress​—Isang Banta sa Kalusugan

“Maraming oras ang nauubos ko sa trabaho. Hindi ko hawak ang iskedyul ko. Kadalasan nang pagkatapos ng operasyon sa isang ospital, kailangan kong tumakbo sa isa pang ospital para sa isa na namang operasyon. Ang tindi pa naman ng trapik.”​—Dr. Peter Stuart, Timog Aprika.

MALAMANG na alam mo rin kung ano ang nadarama ni Dr. Stuart kahit na magkaiba kayo ng sitwasyon. Anuman ang sanhi ng iyong stress​—matinding trapik, di-pagkakasundo sa bahay o sa trabaho, o iba pa​—hindi na bago sa tao ang stress.

Mahigit 30 siglo na ang nakalilipas, isang sundalong sumabak na sa maraming digmaan ang nagsabi: “Ang panginginig ay pumapasok sa akin, at tinatakpan ako ng pangangatog.” (Awit 55:5) Naranasan ng taong ito na ma-stress. Isa siyang pastol. At noong siya’y kabataan, kinailangan niyang harapin ang isang leon, oso, at isang nakakatakot na mandirigma na gustong pumatay sa kaniya.​—1 Samuel 17:4-10, 23, 24, 34-36, 41-51.

Hindi naman laging nakakasama ang stress. Sa katunayan, nakakatulong pa nga ito. Kapag may nanganganib na buhay, tumutulong ang stress para magawa ng mga tao ang mga bagay na hindi nila akalaing magagawa nila. Kapag may kailangan kang gawin, pinatataas ng stress ang adrenaline mo, na siya namang tumutulong sa iyo na matapos ito sa oras. *

Pero ibang usapan na kapag hindi tayo nilulubayan ng stress at hindi na relaks ang ating katawan. “Ang stress,” sabi ng isang mananaliksik, “ang numero unong banta sa ating kalusugan at pagkatao.” Kung pakiramdam mo’y hindi mo na matagalan ang stress o kung ayaw mo nang umabot pa sa gayong kalagayan, baka maitanong mo, “May magagawa ba ako para mabawasan ang stress?”

Oo, mayroon! At ang nakatulong sa marami na maharap ang stress ay masusumpungan ng lahat. At malamang na ikagulat mo, pero mula ito sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Hindi nga ito aklat ng medisina, pero naglalaan ang Bibliya ng praktikal na tulong. Ipinaliliwanag nito kung bakit punung-puno ng stress ang buhay ngayon at sinasabi rin nito ang mga salik na nakadaragdag o nagiging sanhi ng stress. Naglalaman din ito ng praktikal na mga payo na makakatulong sa atin na mabawasan at makontrol ang stress.

[Talababa]

^ par. 5 Ang adrenaline ay isang hormon na inilalabas ng iyong mga adrenal gland na tumutulong sa iyo na maharap ang mga emergency.