Patuloy na Pasulungin ang Iyong Pag-ibig na Pangkapatid
Patuloy na Pasulungin ang Iyong Pag-ibig na Pangkapatid
“Patuloy kayong lumakad sa pag-ibig, kung paanong inibig din kayo ng Kristo.”—EFE. 5:2.
1. Anong mahalagang katangian ang sinabi ni Jesus na pagkakakilanlan ng kaniyang mga tagasunod?
KILALANG-KILALA ang mga Saksi ni Jehova sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa bahay-bahay. Pero hindi iyan ang sinabi ni Kristo Jesus na pagkakakilanlan ng tunay na mga Kristiyano. Sinabi niya: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:34, 35.
2, 3. Ano ang epekto ng ating pag-ibig na pangkapatid sa mga dumadalo sa ating mga pulong?
2 Walang katulad ang pag-ibig ng tunay na mga Kristiyano. Kung paanong ang magnet ay may puwersang humihila ng bakal, ang pag-ibig naman ay may puwersang nagbubuklod sa mga lingkod ni Jehova at umaakit sa mga taimtim tungo sa tunay na pagsamba. Halimbawa, tingnan natin ang nangyari kay Marcelino na taga-Cameroon. Nabulag siya sa kaniyang pinagtatrabahuhan. Pagkatapos, kumalat ang balitang isa siyang mangkukulam kung kaya siya nabulag. Sa halip na aliwin ng kanilang pastor at ng mga miyembro ng kanilang simbahan, itiniwalag siya ng mga ito. Nang anyayahan siya ng isang Saksi ni Jehova sa pulong, nag-alinlangan si Marcelino. Ayaw na niyang masaktan ulit.
3 Nagulat si Marcelino pagdating niya sa Kingdom Hall. Malugod kasi siyang tinanggap ng mga kapatid, at naaliw siya sa narinig niyang mga turo mula sa Bibliya. Dumalo na siya sa lahat ng pulong, sumulong sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya, at nabautismuhan noong 2006. Ibinabahagi niya ngayon ang katotohanan sa kaniyang pamilya at mga kapitbahay at nakapagpasimula na rin ng mga pag-aaral sa Bibliya. Gusto niyang madama rin ng mga tinuturuan niya sa Bibliya ang pag-ibig na ipinakita sa kaniya ng bayan ng Diyos.
4. Bakit dapat nating sundin ang payo ni Pablo na ‘patuloy na lumakad sa pag-ibig’?
4 Naaakit ang mga tao sa ating pag-ibig na pangkapatid, kaya dapat natin itong mapanatili. Isip-isipin ito: Kapag malamig ang gabi, naaakit ang mga tao na lumapit sa mainit at maliwanag na apoy ng isang sigâ. Pero kung hindi ito gagatungan, mamamatay ang apoy. Sa katulad na paraan, manghihina rin ang magandang buklod ng pag-ibig sa kongregasyon malibang patibayin ito ng bawat isa sa atin. Paano natin ito magagawa? Sinabi ni apostol Pablo: “Patuloy kayong lumakad sa pag-ibig, kung paanong inibig din kayo ng Kristo at ibinigay ang kaniyang sarili para sa inyo bilang isang handog at isang hain sa Diyos bilang isang mabangong amoy.” (Efe. 5:2) Ang tanong, Paano ako patuloy na makalalakad sa pag-ibig?
“Kayo Rin ay Magpalawak”
5, 6. Bakit pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na “magpalawak”?
5 Sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto: “Ang aming bibig ay binuksan para sa inyo, mga taga-Corinto, ang aming puso ay lumawak. Hindi kayo nasisikipan sa loob namin, kundi nasisikipan kayo sa inyong sariling magiliw na pagmamahal. Kaya, bilang ganting kabayaran—nagsasalita akong gaya ng sa mga anak—kayo rin ay magpalawak.” (2 Cor. 6:11-13) Bakit pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Corinto na palawakin ang kanilang pag-ibig?
6 Tingnan natin kung paano nagsimula ang kongregasyon sa Corinto. Dumating si Pablo sa Corinto noong taglagas ng 50 C.E. Bagaman sa pasimula ay sinalansang ng mga tao ang kaniyang pangangaral, hindi sumuko ang apostol. Di-nagtagal, marami sa lunsod na iyon ang nanampalataya sa mabuting balita. Sa loob ng “isang taon at anim na buwan,” masigasig na tinuruan at pinatibay ni Pablo ang bagong kongregasyon. Maliwanag na masidhi ang pag-ibig niya sa mga Kristiyano sa Corinto. (Gawa 18:5, 6, 9-11) Dapat sana’y inibig nila at iginalang si Pablo. Pero iniwasan siya ng ilan sa kongregasyon. Marahil, hindi nagustuhan ng ilan sa mga ito ang kaniyang deretsahang mga payo. (1 Cor. 5:1-5; 6:1-10) Ang iba naman ay baka nakinig sa paninira ng “ubod-galing na mga apostol.” (2 Cor. 11:5, 6) Gusto ni Pablo na ibigin siya ng lahat ng mga kapatid. Kaya pinakiusapan niya silang “magpalawak”—maging malapít sa kaniya at sa ibang kapatid.
7. Paano natin ‘mapalalawak’ ang ating pag-ibig na pangkapatid?
7 Kumusta naman tayo? Paano natin ‘mapalalawak’ ang ating pag-ibig na pangkapatid? Likas lamang na mas madaling maging magkaibigan ang magkaedad o magkababayan. At ang palaging magkakasama ay ang magkakapareho ng paboritong libangan. Pero kung napapahiwalay na tayo sa ibang Kristiyano dahil dito, kailangan nating “magpalawak.” Makabubuting tanungin ang ating sarili: ‘Sa ministeryo o paglilibang, bihira ba akong makihalubilo sa mga kapatid na hindi ko kapalagayang-loob? Sa Kingdom Hall, hindi ba ako masyadong nakikipag-usap sa mga baguhan dahil iniisip kong sila ang dapat makipagkaibigan sa akin? Pareho ko bang binabati ang mga may-edad na at ang mga kabataan sa kongregasyon?’
8, 9. Paano tayo matutulungan ng payo ni Pablo sa Roma 15:7 na mapasulong ang ating pag-ibig na pangkapatid?
8 Ang mga sinabi ni Pablo sa mga taga-Roma tungkol sa pagbati sa isa’t isa ay makakatulong sa atin na magkaroon ng tamang pangmalas sa ating mga kapatid. (Basahin ang Roma 15:7.) Ang salitang Griego na isinaling “tanggapin” ay nangangahulugang “malugod o magiliw na tanggapin, pakisamahan at kaibiganin.” Noong panahon ng Bibliya, kapag may dumalaw na mga kaibigan sa isang mapagpatuloy na may-bahay, ipinakikita niyang tuwang-tuwa siyang makita sila. Sa makasagisag na paraan, gayon din ang pagtanggap ni Kristo sa atin, at pinapayuhan tayong tularan siya sa pagtanggap sa ating mga kapatid.
9 Kapag nasa pulong, asamblea, o kombensiyon, batiin ang mga kapatid na matagal-tagal na rin nating hindi nakikita o nakakausap. Makipagkuwentuhan muna sa kanila kahit saglit lang. Sa susunod na pulong, iba naman ang kausapin natin. Sa loob lamang ng ilang linggo, marami na tayong makakakuwentuhang kapatid. Huwag mag-alala, hindi naman natin kailangang makausap ang lahat ng kapatid sa bawat pulong. Hindi sila dapat magdamdam kung hindi man natin sila laging mabati.
10. Anong mahalagang pagkakataon ang bukás para sa lahat sa loob ng kongregasyon? Paano natin ito lubusang masasamantala?
10 Ang unang hakbang sa pagtanggap sa iba ay ang batiin sila. Isang hakbang iyan para pasimulan ang masasayang kuwentuhan at tunay na pagkakaibigan. Halimbawa, kapag nagkakilala at nagkausap ang mga kapatid sa panahon ng kombensiyon at asamblea, nasasabik silang magkita-kita ulit. Ang mga boluntaryo sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall, gayundin ang mga tumutulong sa mga biktima ng kalamidad, ay karaniwan nang nagiging magkakaibigan dahil nakikita nila ang magagandang katangian ng bawat isa habang magkakasama sila. Sa organisasyon ni Jehova, napakaraming pagkakataon para magkaroon ng tunay na mga kaibigan. Kung ‘magpapalawak’ tayo, darami ang kaibigan natin, at titibay ang pag-ibig na siyang nagbubuklod sa atin sa tunay na pagsamba.
Maglaan ng Panahon sa Iba
11. Ano ang matututuhan natin kay Jesus sa Marcos 10:13-16?
11 Ang lahat ng Kristiyano ay maaaring magsikap na tumulad kay Jesus na madaling lapitan. Ganito ang sinabi niya nang pigilan ng mga alagad ang mga magulang na dalhin sa kaniya ang kanilang mga anak: “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata; huwag ninyo silang tangkaing pigilan, sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nauukol sa mga tulad nito.” Pagkatapos ay “kinuha niya sa kaniyang mga bisig ang mga bata at pinasimulan silang pagpalain, na ipinapatong sa kanila ang kaniyang mga kamay.” (Mar. 10:13-16) Tiyak na tuwang-tuwa ang mga batang iyon sa maibiging atensiyon na ipinakita sa kanila ng Dakilang Guro!
12. Ano ang posibleng mga hadlang sa pag-uusap?
12 Dapat tanungin ng bawat Kristiyano ang kaniyang sarili, ‘May panahon ba ako para sa iba o parang lagi na lang akong maraming ginagawa?’ May mga ginagawa tayo na hindi naman masama pero nagiging hadlang kung minsan sa pag-uusap. Halimbawa, kung lagi na lang tayong gumagamit ng cellphone o naka-earphone habang may mga kasama, baka isipin nilang ayaw natin silang makasama. Kung lagi tayong nakikita ng iba na nakatutok sa hawak nating gadyet, baka isipin nilang ayaw nating makipag-usap sa kanila. Siyempre pa, may “panahon ng pagtahimik.” Pero kung may mga kasama tayo, karaniwan nang iyon ang “panahon ng pagsasalita.” (Ecles. 3:7) Baka may magsabi, “Gusto kong mapag-isa” o “Wala akong ganang makipag-usap kung umaga.” Pero kung makikipagkuwentuhan tayo kahit wala tayo sa kondisyon, ipinakikita natin ang pag-ibig na “hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan.”—1 Cor. 13:5.
13. Ayon kay Pablo, paano dapat ituring ni Timoteo ang mga kapatid?
13 Pinatibay ni Pablo ang kabataang si Timoteo na igalang ang lahat ng kapatid sa kongregasyon. (Basahin ang 1 Timoteo 5:1, 2.) Dapat din nating ituring ang mga nakatatandang Kristiyano bilang mga nanay at tatay at ang mga nakababata bilang ating mga kapatid. Kung gagawin natin iyan, hindi sila maaasiwa sa atin.
14. Ano ang ilang positibong resulta ng nakapagpapatibay na usapan?
14 Kung nakapagpapatibay ang ating pakikipag-usap sa iba, mapapasaya natin sila at mapapalakas ang kanilang espirituwalidad. Naaalaala pa ng isang Bethelite na noong bago pa lang siya sa Bethel, palagi siyang kinakausap ng ilang nakatatandang Bethelite para patibayin siya. Dahil dito, damang-dama niyang bahagi siya ng pamilyang Bethel. Gayon din ang ginagawa niya ngayon sa mga kapuwa niya Bethelite.
Nakikipagpayapaan ang mga Mapagpakumbaba
15. Ano ang nagpapakitang hindi talaga maiiwasan ang pagtatalo?
15 Sina Euodias at Sintique, dalawang sister noon sa Filipos, ay nagkasamaan ng loob at malamang na nahirapang lutasin iyon. (Fil. 4:2, 3) Nagkaroon ng mainit na pagsasagutan sina Pablo at Bernabe kung kaya naghiwalay muna sila, at marami ang nakaalam nito. (Gawa 15:37-39) Ipinakikita ng mga ulat na ito na hindi talaga maiiwasan ang pagtatalo kahit sa gitna ng magkakapatid. Tinutulungan tayo ni Jehova na malutas ang mga di-pagkakaunawaan at maibalik ang pagkakaibigan. Pero may hinihiling siya sa atin.
16, 17. (a) Paano makakatulong ang kapakumbabaan para malutas ang di-pagkakaunawaan? (b) Gaano kahalaga ang kapakumbabaan gaya ng makikita sa ulat tungkol kina Jacob at Esau?
16 Ipagpalagay nang magbibiyahe kayong magkaibigan sakay ng kotse. Para umandar ito, kailangan ninyo ng susi. Sa katulad na paraan, kailangan din ng susi para malutas ang di-pagkakaunawaan. Ang susing ito ay ang kapakumbabaan. (Basahin ang Santiago 4:10.) Gaya ng makikita sa susunod na halimbawa, ang susing iyon ang magpapakilos sa mga nagkakasamaan ng loob na ikapit ang mga simulain ng Bibliya.
17 Dalawampung taon na noon ang nakalilipas mula nang magkimkim ng galit si Esau at pagtangkaang patayin si Jacob dahil napunta sa kakambal niyang ito ang pagkapanganay. Ngayon, magkikita ang magkapatid, “at si Jacob ay lubhang natakot at nabalisa.” Naisip niyang tiyak na sasalakayin siya ni Esau. Pero nang magkita sila, nagulat si Esau sa ginawa ni Jacob. “Yumukod sa lupa” si Jacob habang papalapit sa kaniyang kapatid. Ano ang sumunod na nangyari? “Tumakbo si Esau upang salubungin siya, at niyakap niya siya at sumubsob sa kaniyang leeg at hinalikan siya, at sila ay nagtangisan.” Naiwasan ang posibleng pagdanak ng dugo. Dahil nagpakumbaba si Jacob, naalis ang matinding galit na maaaring kinikimkim ni Esau.—Gen. 27:41; 32:3-8; 33:3, 4.
18, 19. (a) Kapag nagkaroon ng di-pagkakaunawaan, bakit mahalagang tayo ang maunang magkapit sa payo ng Bibliya? (b) Bakit hindi tayo dapat sumuko kapag ayaw pang makipagkasundo ng nakasamaan natin ng loob?
18 Ang Bibliya ay may magagandang payo para malutas ang di-pagkakaunawaan. (Mat. 5:23, 24; 18:15-17; Efe. 4:26, 27) * Pero kung hindi natin mapagpakumbabang ikakapit ang mga payong iyon, mahihirapan tayong makipagpayapaan. Hindi natin hihintaying magpakumbaba ang nagpasamâ ng ating loob dahil hawak din natin ang susi, wika nga.
19 Kung sa kabila ng ating mga pagsisikap na makipagkasundo ay wala pa ring nangyayari, huwag tayong susuko. Baka kailangan lang niya ng panahon para makapag-isip-isip. Nagtraidor ang mga kapatid ni Jose sa kaniya. Matagal na panahon din ang lumipas bago nila siya nakitang muli, at ngayon, siya na ang punong Gen. 50:15-21) Makakatulong tayo sa pagkakaisa at kagalakan ng kongregasyon kung mapananatili natin ang mapayapang pakikipag-ugnayan sa mga kapatid.—Basahin ang Colosas 3:12-14.
ministro ng Ehipto. Nang dakong huli, nagbago na rin ang kanilang saloobin at humingi sila ng tawad kay Jose. Pinatawad naman sila ni Jose, at ang mga anak na ito ni Jacob ay naging isang bansa na nagkapribilehiyong magdala ng pangalan ni Jehova. (Mag-ibigan Tayo “sa Gawa at Katotohanan”
20, 21. Ano ang matututuhan natin sa paghuhugas ni Jesus sa mga paa ng kaniyang mga apostol?
20 Nang malapit na ang kaniyang kamatayan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Nagbigay ako ng parisan para sa inyo, na kung ano ang ginawa ko sa inyo ay dapat din ninyong gawin.” (Juan 13:15) Katatapos lang niyang hugasan ang mga paa ng 12. Ang ginawa ni Jesus ay hindi lang isang ritwal ni pagpapakita lamang ng kabaitan. Bago isaysay ang ulat tungkol dito, sumulat si Juan: “Si Jesus, yamang inibig niya ang mga sariling kaniya na nasa sanlibutan, ay umibig sa kanila hanggang sa wakas.” (Juan 13:1) Pag-ibig sa mga alagad ang nag-udyok kay Jesus para gawin ang isang bagay na karaniwang ginagawa ng mga alipin. Kaya ang mga alagad ay dapat ding maging mapagpakumbaba at gumawa ng mga bagay na nagpapakita ng pag-ibig sa isa’t isa. Oo, tunay na pag-ibig ang magpapakilos sa atin na magpakita ng malasakit sa lahat ng ating kapatid.
21 Naunawaan ni apostol Pedro kung bakit hinugasan ng Anak ng Diyos ang kaniyang mga paa. Sumulat siya: “Ngayong dinalisay na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagkamasunurin sa katotohanan na ang resulta ay walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid, ibigin ninyo ang isa’t isa nang masidhi mula sa puso.” (1 Ped. 1:22) Sumulat si apostol Juan, na ang mga paa ay hinugasan din ng Panginoon: “Mumunting mga anak, umibig tayo, huwag sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.” (1 Juan 3:18) Sana’y makita sa ating mga gawa na iniibig natin ang ating mga kapatid.
[Talababa]
^ par. 18 Tingnan ang aklat na Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, pahina 144-150.
Natatandaan Mo Ba?
• Paano natin ‘mapalalawak’ ang ating pag-ibig sa isa’t isa?
• Paano tayo makapaglalaan ng panahon sa iba?
• Paano makakatulong ang kapakumbabaan kapag nakikipagpayapaan?
• Ano ang mag-uudyok sa atin na magmalasakit sa mga kapatid?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 21]
Malugod na tanggapin ang mga kapatid
[Larawan sa pahina 23]
Samantalahin ang mga pagkakataong makipag-usap sa iba