Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailangang Sagipin ang Tao!

Kailangang Sagipin ang Tao!

Kailangang Sagipin ang Tao!

BIGLANG binaha ng milyun-milyong litro ng tubig ang isang minahan ng karbon malapit sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A. Siyam na minero ang nakulong sa isang bahagi ng minahan 73 metro sa ilalim ng lupa. Pagkalipas ng tatlong araw, ligtas silang naiahon mula rito. Paano sila nasagip?

Sa tulong ng mga mapa ng minahan at ng Global Positioning System, natalunton ng mga tagasagip ang lugar kung saan nakulong ang mga minero. Naghukay sila sa lupa ng isang butas na dalawa at kalahating piye ang luwang at nagbaba ng isang pahabang hawla. Sa pamamagitan ng hawla, isa-isang iniahon ang mga minero palabas sa hukay na muntik na nilang maging libingan. Lahat sila’y tuwang-tuwa at nagpapasalamat na nailigtas sila sa tiyak na kamatayan.

Karamihan sa atin ay hindi naman makukulong sa ilalim ng lupa gaya ng nangyari sa siyam na minerong iyon o mapapaharap sa kamatayan dahil sa isang kasakunaan. Gayunpaman, tayong lahat ay kailangang sagipin, o iligtas, mula sa di-matatakasang epekto ng sakit at pagtanda, at sa dakong huli ay mula sa kamatayan. “Ang tao, na ipinanganak ng babae, ay maikli ang buhay at lipos ng kaligaligan,” ang sabi ng tapat na patriyarkang si Job. “Tulad ng bulaklak ay sumisibol siya at pinuputol, at siya ay tumatakas na tulad ng anino at hindi nananatili.” (Job 14:1, 2) Sa ngayon, pagkalipas ng mga 3,500 taon, totoo pa rin ang mga salitang iyon, yamang sino ang makatatakas sa masaklap na kahihinatnan natin​—kamatayan? Saanman tayo nakatira o gaanuman tayo kaingat sa ating kalusugan, kailangan tayong masagip mula sa pagdurusa, pagtanda, at kamatayan.

Nagpapagal nang husto ang mga siyentipiko at ang iba pa upang madagdagan ang itinuturing ngayon ng tao na normal na haba ng buhay. Sinabi ng isang organisasyon na ang misyon nito ay “madaig ang sumpa ng di-maiiwasang kamatayan” at “matulungan ang mga miyembro nito na maabot ang pisikal na imortalidad.” Subalit sa kabila ng pagsulong ng siyensiya at ng masidhing pagnanais ng tao, ang buhay ng tao ay hindi pa rin gaanong lumampas sa 70 o 80 taon, ang karaniwang haba ng buhay ng tao na sinabi ni Moises 3,500 taon na ang nakalilipas.​—Awit 90:10.

Naniniwala ka man o hindi sa palagay ni Job hinggil sa buhay at kamatayan, hindi maikakaila ang katotohanan na sa paglipas ng mga taon, ikaw rin ay ‘tatakas na tulad ng anino,’ anupat iiwan mo ang iyong mga kaibigan, pamilya, tahanan, at ang lahat ng iyong nagawa​—oo, patungo sa kamatayan. “Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay,” ang isinulat ng matalinong hari ng sinaunang Israel na si Solomon. “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran, ni mayroon pa man silang kabayaran, sapagkat ang alaala sa kanila ay nalimutan.”​—Eclesiastes 9:5.

Ipinaliliwanag ng Bibliya ang masaklap na katotohanan​—ang kamatayan ay ‘namamahala bilang hari,’ bilang isang malupit na pinuno, sa sangkatauhan. Oo, ang kamatayan ang huling kaaway, at dapat iligtas ang tao mula rito. (Roma 5:14; 1 Corinto 15:26) Ang pinakamagagaling na tagasagip sa daigdig ay hindi ganap na makapagliligtas sa iyo mula sa kamatayan gaanuman kahusay ang kagamitang taglay nila. Subalit ang Maylalang ng tao, ang Diyos na Jehova, ay gumawa ng paraan upang lubusan tayong masagip mula sa kamatayan.

[Picture Credit Line sa pahina 3]

Photo by Gene J. Puskar-Pool/Getty Images