Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Saan Magaganap ang Digmaan ng Armagedon?

Saan Magaganap ang Digmaan ng Armagedon?

Ang digmaan ng Armagedon ay hindi magaganap sa isang espesipikong lugar. Sa halip, ang buong lupa mismo ang magsisilbing larangan ng digmaan. Bakit? Napakalaki ng mga hukbo ng magkalabang panig anupat hindi sila magkakasya sa iisang lugar lamang.

Tinatawag din ang Armagedon, o Har-Magedon, bilang ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Gagamitin ng Diyos na Jehova ang kaniyang Anak, si Kristo Jesus, upang tipunin ang isang hukbo ng mga anghel at makipagdigma laban sa pinagsama-samang puwersa ng lahat ng balakyot na tagapamahala sa daigdig.​—Apocalipsis 16:14; 19:11-16.

Sa paanuman, hinihikayat ng mga puwersa ni Satanas ang mga bansa upang sumali sa labanang iyan. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa “mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo” na “pumaparoon . . . sa mga hari [mga tagapamahala] ng buong tinatahanang lupa, upang tipunin sila sa . . . dako na sa Hebreo ay tinatawag na Har-Magedon.”​—Apocalipsis 16:14-16.

Kung ikukumpara sa ibang aklat ng Bibliya, ang aklat ng Apocalipsis ang nakapukaw sa imahinasyon ng napakaraming mambabasa ng Bibliya. Marami sa mga mambabasang ito ang nag-iisip na literal ang aklat na ito at nagsasabing natukoy na nila ang eksaktong lugar kung saan magsisimula ang digmaan. Sa katunayan, minamatyagan nilang mabuti ang mga nangyayari sa lugar na iyon. Noon pa man ay may naniniwala nang magaganap ang Armagedon sa isang eksaktong lokasyon. Makikita ito sa pinakalumang komentaryong Griego tungkol sa Apocalipsis, na isinulat ni Oecumenius noong ikaanim na siglo C.E.

Gaya ng pangmalas ng mga kabilang sa klerong Pundamentalista, iniisip ni John F. Walvoord, dating presidente ng Dallas Theological Seminary, na ang Armagedon ay “ang kahuli-hulihang mapangwasak na labanan ng isang nagkakagulong daigdig na nakasentro sa Gitnang Silangan.” Sinasabi ni Walvoord na ang magiging sentro ng malaking digmaang ito ay “‘ang Bundok ng Megido,’ isang maliit na bundok na nasa hilagang Palestina sa pinakadulo ng isang malapad na libis.”

Gayunman, hindi isang literal na dako ang Armagedon na binabanggit sa aklat ng Apocalipsis. Sinasabi ng paunang mga pananalita nito na ang ulat ay inihaharap bilang “mga tanda.” (Apocalipsis 1:1) Matagal nang binanggit ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang publikasyong Studies in the Scriptures, Tomo IV: “Hindi natin aasahan na magkakaroon ng anumang literal na pagtitipon ng mga tao sa Burol ng Megido.”

Ipinahihiwatig ng mga pangyayari noon sa Megido na walang matatakasan ang mga kaaway ng Diyos. Kaya sa Armagedon, titiyakin ng Diyos na walang matitirang katiwalian at kasamaan sa daigdig.​—Apocalipsis 21:8.

Ang mga umiibig sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ay hindi natatakot sa Armagedon. Ang digmaang ito ay laban lamang sa mga taong hinatulan ng Diyos bilang di-nagsisising mga balakyot. Pipiliin lamang niya ang mga karapat-dapat sa pagkapuksa. “Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may makadiyos na debosyon,” ang sabi ng Bibliya. (2 Pedro 2:9) Ganito ang sabi ng nakaaaliw na pangako sa Awit 37:34: “Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan, at itataas ka niya upang magmay-ari ng lupa. Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.”