Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan ang Kanilang Pananampalataya

Pinaglabanan Niya ang Takot at Pag-aalinlangan

Pinaglabanan Niya ang Takot at Pag-aalinlangan

PAGOD na si Pedro sa kasasagwan sa kalaliman ng gabi. May nakikita siyang liwanag sa dakong silangan. Magbubukang-liwayway na kaya? Masakit na ang kaniyang likod at balikat dahil sa matagal na pagsagwan. Malakas ang hangin sa Dagat ng Galilea. Hinahampas-hampas ng alon ang harapan ng bangka, anupat nababasa siya ng malamig na tubig. Pero patuloy pa rin niyang sinasalunga ang alon.

Iniwan ni Pedro at ng kaniyang mga kasama si Jesus sa may dalampasigan. Noong araw ding iyon, nakita nilang pinakain ni Jesus ang libu-libong nagugutom sa pamamagitan lamang ng ilang pirasong tinapay at isda. Natuwa ang mga tao at gustung-gusto nilang gawing hari si Jesus, pero ayaw niyang maging bahagi ng pulitika. Nais din ni Jesus na maging ganito ang paninindigan ng kaniyang mga tagasunod. Yamang gusto niyang iwasan ang pulutong, pinilit niya ang kaniyang mga alagad na sumakay ng bangka at maunang pumunta sa katapat na baybayin. Samantalang si Jesus ay pumunta sa bundok nang mag-isa upang manalangin.​—Marcos 6:35-45; Juan 6:14, 15.

Gabing-gabi na noon at maliwanag ang buwan nang magsimulang maglakbay ang mga alagad sakay ng bangka. Ngayon ay magbubukang-liwayway na pero hindi pa rin sila halos nakalalayo. Dahil sa malakas ang ugong ng hangin at hampas ng alon, halos hindi sila magkarinigan. Kaya malamang na gumagala-gala ang isip ni Pedro.

Napakarami nga ng posibleng pumasok sa isip ni Pedro! Sa loob ng mahigit na dalawang taóng pagsama niya kay Jesus ng Nazaret, napakaraming nangyari. Marami siyang natutuhan, pero marami pa siyang kailangang matutuhan​—ang maalis ang kaniyang pag-aalinlangan at takot. Dahil sa kaniyang pagnanais na matuto, isa siyang mahusay na halimbawa para sa atin. Tingnan natin kung paano.

“Nasumpungan Na Namin ang Mesiyas”!

Hindi malilimutan ni Pedro ang araw nang makilala niya si Jesus ng Nazaret. Ang kaniyang kapatid na si Andres, ang unang nagbalita sa kaniya: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.” Dahil sa mga salitang iyon, nagsimulang mabago ang buhay ni Pedro.​—Juan 1:41.

Nakatira si Pedro sa Capernaum, isang lunsod sa dalampasigan ng tubig-tabang na lawa na tinatawag na Dagat ng Galilea. Kasama niyang nangingisda si Andres, gayundin sina Santiago at Juan, na anak ni Zebedeo. Hindi lamang ang kaniyang asawa ang kapisan niya sa bahay, kundi maging ang kaniyang biyenang babae at si Andres. Kailangan niyang maging masikap, malakas, at mapamaraan upang masuportahan ang kaniyang sambahayan sa pamamagitan lamang ng pangingisda. Isip-isipin ang dami ng gabing nagpapagal ang mga lalaking ito​—naghahagis ng lambat sa pagitan ng dalawang bangka at nag-aangat nito, may huli man o wala. Makikini-kinita rin natin ang kanilang pagpapagal sa araw habang ibinubukud-bukod at ibinebenta ang mga isda, inaayos at nililinis ang kanilang lambat.

Ayon sa Bibliya, si Andres ay alagad ni Juan Bautista. Tiyak na sabik na sabik makinig si Pedro sa mga ulat ng kaniyang kapatid tungkol sa mensahe ni Juan. Isang araw, nakita ni Andres si Juan na itinuturo si Jesus ng Nazaret, at nagsabi: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos!” Kaagad na naging tagasunod ni Jesus si Andres at sabik na ibinalita kay Pedro: Dumating na ang Mesiyas! (Juan 1:35-40) Mga 4,000 taon na ang nakararaan, pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, ipinangako ng Diyos na Jehova na isang pantanging indibiduwal ang maglalaan ng tunay na pag-asa sa sangkatauhan. (Genesis 3:15) Nakilala mismo ni Andres ang Tagapagligtas, ang Mesiyas! Nagmadali si Pedro upang makilala rin niya si Jesus.

Kilala si Pedro noon sa pangalang Simon. Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “‘Ikaw ay si Simon na anak ni Juan; tatawagin kang Cefas’ (na isinasaling Pedro).” (Juan 1:42) Ang salitang “Cefas” ay pangalang pambalana na nangangahulugang “bato.” Maliwanag na ang sinabi ni Jesus ay isang hula. Patiuna niyang nakita na si Pedro ay magiging gaya ng bato​—matatag, maaasahan, at magiging magandang impluwensiya sa mga tagasunod ni Kristo. Ganiyan ba ang pagkakilala ni Pedro sa kaniyang sarili? Malamang na hindi. Kahit ang mga nagbabasa ngayon ng mga ulat sa Ebanghelyo ay hindi nakikitang tulad-bato si Pedro. Sinasabi pa nga ng ilan na waring hindi siya matatag at pabagu-bago ang isip.

May pagkukulang din naman si Pedro, at nakikita ito ni Jesus. Pero gaya ng kaniyang Ama na si Jehova, ang laging tinitingnan ni Jesus sa mga tao ay ang magagandang katangian. Nakita ni Jesus na maraming magagandang katangian si Pedro, at sinikap niya siyang tulungan na malinang ang mga ito. Nakikita rin ngayon ni Jehova at ng kaniyang Anak ang ating magagandang katangian. Baka maisip natin na wala naman silang makikitang maganda sa atin. Gayunman, kailangan nating magtiwala sa kanila at patunayang handa tayong magpahubog sa kanila gaya ni Pedro.​—1 Juan 3:19, 20.

“Huwag Ka Nang Matakot”

Malamang na sinamahan ni Pedro si Jesus sa Kaniyang pangangaral. Kaya maaaring nakita niya ang unang himala​—ginawang alak ni Jesus ang tubig sa kasalan sa Cana. Higit na mahalaga, narinig niya ang kamangha-mangha at punung-puno ng pag-asang mensahe tungkol sa Kaharian ng Diyos. Gayunpaman, iniwan pa rin niya si Jesus at bumalik sa pangingisda. Pero pagkaraan ng ilang buwan, muling nakausap ni Pedro si Jesus. Sa pagkakataong ito, inanyayahan siya ni Jesus na maging buong-panahong tagasunod niya.

Noong gabing iyon, dismayadung-dismayado si Pedro. Paulit-ulit na inihagis ng mga mangingisda ang kanilang lambat pero wala silang mahuli. Tiyak na ginawa ni Pedro ang lahat ng kaniyang magagawa para makahuli ng isda. Nagpalipat-lipat sila sa mga lugar kung saan posibleng may mga isda. Gaya ng maraming mangingisda, tiyak na naisip niya na sana’y makatiyempo siya ng kulupon ng mga isda o na paghagis niya ng lambat, bigla na lamang itong mapuno ng isda. Kaso, lalo lamang siyang madidismaya kung patuloy niya itong iisipin. Hindi lang siya naroon para maglibang; maraming umaasa sa kaniyang huli. Kaya lang, wala siyang nahuling isda. Pero kailangan pa rin niyang linisin ang mga lambat. Kaya nang lumapit sa kaniya si Jesus, abalang-abala siya.

Nagsisiksikan ang mga tao para makalapit kay Jesus at para makinig sa kaniyang mga turo. Dahil dito, napapunta si Jesus sa bangka ni Pedro at sinabi niya na lumayo nang kaunti sa dalampasigan. Mula sa bangka, malinaw na narinig ng pulutong ang boses ni Jesus. Gaya ng mga tao, si Pedro ay matamang nakinig kay Jesus. Hindi siya nagsasawang marinig ang pangunahing tema ng pangangaral ni Jesus​—ang Kaharian ng Diyos. Isa ngang pribilehiyong matulungan niya si Kristo upang mapalaganap ang mensaheng ito sa buong lupain! Praktikal bang gawin niya iyan? Paano sila mabubuhay? Marahil naisip muli ni Pedro ang kaniyang pagkadismaya noong gabing iyon.​—Lucas 5:1-3.

Pagkatapos magsalita ni Jesus, sinabi niya kay Pedro: “Pumaroon ka sa malalim, at ibaba ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli.” Nag-alangan si Pedro. Sinabi niya: “Tagapagturo, buong gabi kaming nagpagal at walang nakuhang anuman, ngunit dahil sa sinabi mo ay ibababa ko ang mga lambat.” Malamang na ayaw na niyang gawin ito​—lalo na ngayong hindi oras ng pangingisda! Pero, sumunod siya at malamang na sinenyasan niya ang mga kasamahan niya sa ikalawang bangka na sundan sila.​—Lucas 5:4, 5.

Naramdaman ni Pedro na bumibigat na ang lambat. Hindi siya makapaniwala, hinatak pa niya ang lambat, at nakita niya ang maraming isda na pumipitlag-pitlag sa loob ng lambat! Agad-agad, sumenyas siya sa mga kasamahan niya sa ikalawang bangka na tulungan sila. Habang tinutulungan nila sila, napansin nilang hindi kasya sa isang bangka ang lahat ng nahuling isda. Punung-puno na ng isda ang dalawang bangka anupat nagsimula na itong lumubog. Mangha-mangha si Pedro. Nakita na niya dati ang mga ginawang himala ni Kristo. Pero sa pagkakataong ito, siya mismo ang nakaranas ng himala! Nasa harap niya ang isang taong may kapangyarihan maging sa mga isda! Natakot si Pedro. Napaluhod siya at sinabi: “Lumayo ka sa akin, sapagkat ako ay taong makasalanan, Panginoon.” Paano nga siya magiging karapat-dapat na makasama ng Isa na may tulad-Diyos na kapangyarihan?​—Lucas 5:6-9.

May-kabaitang sinabi ni Jesus: “Huwag ka nang matakot. Mula ngayon ay manghuhuli ka ng mga taong buháy.” (Lucas 5:10, 11) Hindi na ito panahon para mag-alinlangan o matakot. Wala naman talagang basehan ang pagkabahala ni Pedro tungkol sa kaniyang pagkukulang, kawalan ng kakayahan, at pang-araw-araw na buhay. Napakalaki pa ng gawain ni Jesus​—isang gawain na makaaapekto sa kinabukasan ng sangkatauhan. Naglilingkod siya sa Diyos na ‘nagpapatawad nang sagana.’ (Isaias 55:7) Si Jehova ang bahala sa kanilang pangangailangan, kapuwa sa materyal at espirituwal.​—Mateo 6:33.

Tumugon agad si Pedro, gaya nina Santiago at Juan. “Ibinalik nila sa lupa ang mga bangka, at iniwan ang lahat ng bagay at sumunod sa kaniya.” (Lucas 5:11) Nanampalataya si Pedro kay Jesus at sa Isa na nagsugo sa Kaniya. Ito ang pinakamagandang magagawa niya. Nagpapakita rin ng gayong pananampalataya ang mga Kristiyano sa ngayon na pinaglabanan ang kanilang pag-aalinlangan at takot para paglingkuran ang Diyos. Hindi sa walang kabuluhan ang gayong pagtitiwala kay Jehova.​—Awit 22:4, 5.

“Bakit Ka Nagbigay-Daan sa Pag-aalinlangan?”

Lumipas ang mga dalawang taon mula nang unang makilala ni Pedro si Jesus. Gaya ng binanggit sa simula, si Pedro ay nagsasagwan noon sa Dagat ng Galilea. Siyempre hindi natin alam kung ano ang kaniyang iniisip. Puwedeng ang pangyayari nang pagalingin ni Jesus ang kaniyang biyenang babae, o ang Sermon sa Bundok. Paulit-ulit na ipinakita ni Jesus, sa pamamagitan ng kaniyang mga turo at himala, na siya ang Pinili ni Jehova, ang Mesiyas. Habang lumilipas ang mga buwan, tiyak na unti-unting nabawasan sa paanuman ang takot at pag-aalinlangan ni Pedro. Napili pa nga si Pedro na maging isa sa 12 apostol ni Jesus! Pero gaya ng makikita ni Pedro, hindi pa lubusang nawala ang kaniyang pag-aalinlangan at takot.

Sa ikaapat na pagbabantay sa gabi, o mula alas-tres ng madaling-araw hanggang sa pagsikat ng araw, biglang natigilan si Pedro at napahinto sa pagsagwan. Sa di-kalayuan, may nakikita siya! Alon lang kaya iyon na tinatamaan ng sinag ng buwan? Hindi, parang tao! Oo, tao nga at naglalakad ito sa ibabaw ng tubig! Waring papalapit ito sa kanila. Natakot ang mga alagad at inakalang namamalikmata sila. Nagsalita ang taong ito: “Lakasan ninyo ang inyong loob, ako ito; huwag kayong matakot.” Oo, si Jesus pala ang taong iyon!​—Mateo 14:25-28.

Tumugon si Pedro: “Panginoon, kung ikaw iyan, utusan mo ako na pumunta sa iyo sa ibabaw ng tubig.” Waring malakas ang loob ni Pedro! Labis siyang namangha sa himalang ito. Gusto niyang subukan ang kaniyang pananampalataya. Gusto niyang maranasang lumakad sa tubig. Kaya pinalapit ni Jesus si Pedro. Bumababa sa gilid ng bangka si Pedro at humakbang sa ibabaw ng tubig. Isip-isipin ang kaniyang nadarama habang naglalakad siya sa ibabaw ng tubig papalapit kay Jesus. Malamang na manghang-mangha siya. Pero di-nagtagal, muling nakadama ng takot si Pedro.​—Mateo 14:29.

Kailangang patuloy na tumingin si Pedro kay Jesus. Ginamit ni Jesus ang kapangyarihan ni Jehova para makalakad si Pedro sa ibabaw ng tubig. Pero mangyayari lamang ito kung patuloy na magpapakita ng pananampalataya si Pedro sa kaniya. Ngunit nag-alinlangan si Pedro. Mababasa natin: “Nang makita [niya] ang buhawi, natakot siya.” Kitang-kita ni Pedro ang alon na sumasalpok sa bangka, kaya natakot siya. Malamang na naisip niyang baka malunod siya. Habang tumitindi ang kaniyang takot, humihina naman ang kaniyang pananampalataya. Ang lalaking tinawag na Bato dahil sa kaniyang pagiging matatag ay nagsimulang lumubog. Mahusay lumangoy si Pedro, pero hindi siya umasa sa kaniyang sariling kakayahan. Sumigaw siya: “Panginoon, iligtas mo ako!” Kaya hinawakan ni Jesus ang kaniyang kamay at hinila siya. Pagkatapos, habang nasa ibabaw pa ng tubig, sinabi ni Jesus kay Pedro: “Ikaw na may kakaunting pananampalataya, bakit ka nagbigay-daan sa pag-aalinlangan?”​—Mateo 14:30, 31.

Angkop nga na tanungin ni Jesus si Pedro, “Bakit ka nagbigay-daan sa pag-aalinlangan?” Ang pag-aalinlangan ay talagang nakapipinsala. Kung bibigyang-daan natin ito, hihina ang ating pananampalataya at lulubog tayo sa espirituwal, wika nga. At kung hahayaan natin ang takot, panghihina ng loob, at iba pang panggambalang maglalayo sa atin kay Jehova at sa kaniyang Anak, lalo tayong mag-aalinlangan. Kaya kailangan nating makipaglaban nang husto! Paano? Dapat tayong magtuon ng pansin kay Jehova at sa kaniyang Anak, sa kanilang ginawa, ginagawa, at gagawin para sa mga nagmamahal sa kanila. Sa ganitong paraan, titibay ang ating pananampalataya.

Nang pabalik na si Pedro sa bangka kasama ni Jesus, nakita niyang huminto na ang buhawi. Kalmado na ang Dagat ng Galilea. Si Pedro at iba pang alagad ay nagsabi, “Tunay ngang ikaw ang Anak ng Diyos.” (Mateo 14:33) Magbubukang-liwayway na at tiyak na punung-puno ng pasasalamat ang puso ni Pedro. Inalis niya ang pag-aalinlangan at takot. Totoo, marami pa siyang babaguhin bago siya maging tulad-batong Kristiyano gaya ng inihula ni Jesus. Pero determinado siyang patuloy na sumulong. Ganiyan din ba ang iyong determinasyon? Tiyak na makikinabang ka kung tutularan mo ang pananampalataya ni Pedro.

[Larawan sa pahina 22, 23]

Maraming nakitang magandang katangian si Jesus sa mapagpakumbabang mangingisdang ito

[Larawan sa pahina 23]

“Ako ay taong makasalanan, Panginoon”

[Larawan sa pahina 24, 25]

“Nang makita [niya] ang buhawi, natakot siya”