Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ibigin ang mga Tao, Hindi ang Salapi at mga Pag-aari

Ibigin ang mga Tao, Hindi ang Salapi at mga Pag-aari

Sekreto 1

Ibigin ang mga Tao, Hindi ang Salapi at mga Pag-aari

ANG ITINUTURO NG BIBLIYA: “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay.”​—1 Timoteo 6:10.

ANG HAMON: Naiimpluwensiyahan tayo ng mga advertisement na huwag makontento sa tinataglay natin. Nauudyukan tayo ng mga ito na magpakasubsob sa trabaho para mabili ang pinakabago at pinakamagandang mga gamit. Mapang-akit ang pera, at maaaring madali tayong umibig dito. Pero nagbababala ang Bibliya na ang umiibig sa kayamanan ay hinding-hindi magiging kontento. “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang sinumang maibigin sa yaman ay masisiyahan sa kita,” ang sabi ni Haring Solomon.​—Eclesiastes 5:10.

ANG PUWEDE MONG GAWIN: Tularan si Jesus, at ibigin ang mga tao nang higit sa mga bagay. Handang ibigay ni Jesus ang lahat ng tinataglay niya​—maging ang kaniyang buhay​—dahil sa pag-ibig sa mga tao. (Juan 15:13) Sinabi niya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Kung uugaliin nating magbigay sa iba ng ating panahon at pag-aari, gayundin ang gagawin nila sa atin. “Ugaliin ang pagbibigay,” ang sabi ni Jesus, “at ang mga tao ay magbibigay sa inyo.” (Lucas 6:38) Ang mga taong nagsisikap magkamal ng salapi at mga pag-aari ay nagdudulot lamang ng kirot at pasakit sa kanilang sarili. (1 Timoteo 6:9, 10) Sa kabilang dako, magiging tunay kang kontento kung iibigin mo ang iba at iibigin ka rin nila.

Puwede mo bang pasimplehin ang iyong buhay? Maaari mo bang bawasan ang mga pag-aari mo o ang mga bagay na gusto mong bilhin? Sa paggawa nito, magkakaroon ka ng higit na panahon at lakas para sa mas mahahalagang bagay​—ang pagtulong sa mga tao at paglilingkod sa Diyos na nagbigay ng lahat ng tinataglay mo.​—Mateo 6:24; Gawa 17:28.

[Larawan sa pahina 4]

“Ugaliin ang pagbibigay, at ang mga tao ay magbibigay sa inyo”