Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Puwede Mo Bang Makausap ang mga Espiritu?

Puwede Mo Bang Makausap ang mga Espiritu?

Puwede Mo Bang Makausap ang mga Espiritu?

IPINAGKATIWALA ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ang ilang pananagutan sa ibang espiritung nilalang. Halimbawa, ibinigay niya kay Jesu-Kristo ang pamamahala sa lupa, at inatasan niya ang tapat na mga anghel na tumulong sa paghahayag ng mabuting balita. (Apocalipsis 14:6) Pero hindi niya ipinagkatiwala kaninuman ang pagdinig sa panalangin. Kaya dapat nga na sa Diyos lamang tayo manalangin.

Si Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Nakikinig siya sa ating mga panalangin at sinasagot ang mga ito. Kaya isinulat ni apostol Juan sa kaniyang mga kapuwa lingkod ni Jehova: “Anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan [ng Diyos]. Karagdagan pa, kung alam nating pinakikinggan niya tayo may kinalaman sa anumang ating hinihingi, alam natin na tatanggapin natin ang mga bagay na hiningi yamang hiningi natin sa kaniya ang mga iyon.”​—1 Juan 5:14, 15.

Ayaw ng tapat na mga anghel na manalangin tayo sa kanila. Alam nila ang kaayusan ng Diyos sa panalangin at nakikipagtulungan sila rito. Kung minsan, ginagamit pa nga sila ng Diyos sa pagsagot sa panalangin. Paano? Nang manalangin si propeta Daniel kay Jehova tungkol sa pagkatiwangwang ng Jerusalem, sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo kay anghel Gabriel dala ang isang nakapagpapatibay na mensahe.​—Daniel 9:3, 20-22.

Mensahe Mula sa mga Patay?

Dapat ba tayong makipag-usap sa mga patay? Maraming kuwentu-kuwento tungkol sa pakikipag-usap ng mga tao sa diumano’y espiritu ng mga patay. Halimbawa, isang babae sa Ireland ang kinausap ng isang espiritista na nagsabing nakausap niya noong nakaraang gabi si Fred, ang asawa ng babae. Pero ilang linggo nang patay si Fred. Ikinuwento ng espiritista ang mga sinabi ni “Fred” na iniisip ng kaniyang asawa na siya lamang ang nakaaalam. Mukhang kapani-paniwala nga na si Fred ay nabubuhay sa daigdig ng mga espiritu at gusto nitong makipag-usap sa kaniya sa pamamagitan ng estranghero. Pero salungat iyan sa maliwanag na sinasabi ng Bibliya tungkol sa kalagayan ng mga patay.​—Tingnan ang kahon sa ibaba.

Paano maipaliliwanag ang mga kuwentong gaya nito? Ang isang paraan na ginagamit ng mga demonyo para linlangin tayo ay ang pagpapanggap na sila ang mga taong namatay, sa kasong ito, si Fred. Ang motibo? Para ilihis ang mga tao sa kung ano ang itinuturo ng Bibliya at pahinain ang kanilang pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova. Inililigaw ni Satanas at ng mga demonyo ang mga tao gamit ang “bawat makapangyarihang gawa at kasinungalingang mga tanda at mga palatandaan at taglay ang bawat likong panlilinlang para roon sa mga nalilipol.”​—2 Tesalonica 2:9, 10.

Siyempre pa, may mga espiritista at mga taong sumasangguni sa kanila na talagang naniniwalang nakakausap nila ang mga patay. Pero ang totoo, kung mayroon man silang nakakausap, ito ay ang mga espiritung kaaway ni Jehova. Sa katulad na paraan, may mga naniniwalang sa Diyos sila sumasamba pero hindi naman pala. Isinulat ni apostol Pablo ang babalang ito: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay inihahain nila sa mga demonyo, at hindi sa Diyos.”​—1 Corinto 10:20, 21.

Yamang alam nating maaari tayong manalangin sa Kataas-taasang Diyos, na nagmamahal at nagmamalasakit sa atin, bakit pa tayo mananalangin sa iba? Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Kung tungkol kay Jehova, ang kaniyang mga mata ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.”​—2 Cronica 16:9.

[Blurb sa pahina 9]

Yamang alam nating maaari tayong manalangin sa Kataas- taasang Diyos, na nagmamahal at nagmamalasakit sa atin, bakit pa tayo mananalangin sa iba?

[Kahon/Larawan sa pahina 8, 9]

Tama o Mali?

TALAGANG UMIIRAL SI SATANAS. TAMA

“Si Satanas mismo ay laging nag-aanyong isang anghel ng liwanag.”​—2 Corinto 11:14.

“Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.”​—1 Pedro 5:8.

“Siya na nagpapatuloy sa paggawa ng kasalanan ay nagmumula sa Diyablo, sapagkat ang Diyablo ay nagkakasala na buhat pa nang pasimula.”​—1 Juan 3:8.

“Magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo.”​—Santiago 4:7.

“[Ang] Diyablo . . . ay mamamatay-tao nang siya ay magsimula, at hindi siya nanindigan sa katotohanan, sapagkat ang katotohanan ay wala sa kaniya. Kapag sinasalita niya ang kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kaniyang sariling kagustuhan, sapagkat siya ay isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”​—Juan 8:44.

ANG LAHAT NG NAMAMATAY AY NAPUPUNTA SA DAIGDIG NG ESPIRITU. MALI

“Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.”​—Genesis 3:19.

“Batid ng mga buháy na sila ay mamamatay; ngunit kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.”​—Eclesiastes 9:5.

“Ang lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol [libingan], ang dako na iyong paroroonan.”​—Eclesiastes 9:10.

“Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.”​—Awit 146:4.

ANG TAPAT NA MGA ANGHEL AY NAGMAMALASAKIT SA ATIN. TAMA

“Ang anghel ni Jehova ay nagkakampo sa buong palibot niyaong mga may takot sa kaniya, at inililigtas niya sila.”​—Awit 34:7; 91:11.

“Hindi ba silang lahat [ang mga anghel] ay mga espiritung ukol sa pangmadlang paglilingkod, na isinugo upang maglingkod doon sa mga magmamana ng kaligtasan?”​—Hebreo 1:14.

“Nakakita ako ng isa pang anghel na lumilipad sa kalagitnaan ng langit, at mayroon siyang walang-hanggang mabuting balita na ipahahayag bilang masayang pabalita doon sa mga tumatahan sa lupa, at sa bawat bansa at tribo at wika at bayan, na nagsasabi sa malakas na tinig: ‘Matakot kayo sa Diyos at magbigay sa kaniya ng kaluwalhatian.’”​—Apocalipsis 14:6, 7.

SI JESUS AY KAPANTAY NG DIYOS. MALI

“Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.”​—1 Corinto 11:3.

“Kapag ang lahat ng bagay ay naipasakop na sa kaniya, kung magkagayon ay magpapasakop din mismo ang Anak sa Isa na nagpasakop ng lahat ng bagay sa kaniya, upang ang Diyos ay maging lahat ng bagay sa bawat isa.”​—1 Corinto 15:28.

“Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.”​—Juan 5:19.