Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ano ang Katotohanan?”

“Ano ang Katotohanan?”

IYAN ang may-panunuyang tanong ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato kay Jesus. Hindi siya interesado sa sagot, at hindi rin naman siya sinagot ni Jesus. Marahil para kay Pilato, napakahirap maunawaan ang katotohanan.​—Juan 18:38.

Ganiyan din ang saloobin ng marami ngayon tungkol sa katotohanan, kasama na ang mga relihiyosong lider, edukador, at mga pulitiko. Naniniwala sila na ang katotohanan​—lalo na ang moral at espirituwal na katotohanan​—ay hindi tiyak, kundi relatibo at laging nagbabago. Ipinahihiwatig niyan na ang mga tao ang makapagpapasiya kung ano ang tama at ang mali. (Isaias 5:20, 21) Ipinahihiwatig din niyan na hindi na kailangang sundin ang mga pamantayang moral noon dahil lipas na ang mga iyon.

Pansinin ang pangungusap na nag-udyok kay Pilato na magtanong. Sinabi ni Jesus: “Dahil dito ay ipinanganak ako, at dahil dito ay dumating ako sa sanlibutan, upang ako ay magpatotoo sa katotohanan.” (Juan 18:37) Para kay Jesus, ang katotohanan ay madaling unawain. Ipinangako niya sa kaniyang mga alagad: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—Juan 8:32.

Saan makikita ang katotohanang iyon? Minsan ay nanalangin si Jesus sa Diyos: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Ang Bibliya, na isinulat sa patnubay ng Diyos, ay nagsisiwalat ng katotohanan na nagbibigay ng maaasahang gabay at tiyak na pag-asa sa hinaharap​—buhay na walang hanggan.​—2 Timoteo 3:15-17.

Pinalampas ni Pilato ang pagkakataong matutuhan ang gayong katotohanan. Ikaw, ano ang gagawin mo? Puwede mong tanungin ang mga Saksi ni Jehova kung ano “ang katotohanan” na itinuro ni Jesus. Matutuwa silang ibahagi sa iyo ang katotohanang iyan.