Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | MAY MAKAPAGSASABI BA NG MANGYAYARI SA HINAHARAP?

Iilan ang Nagkatotoo, Marami ang Di-natupad

Iilan ang Nagkatotoo, Marami ang Di-natupad

Gusto mo bang malaman ang kinabukasan mo? Marami ang naaakit sa ideyang iyan. May mga gumagawa ng prediksiyon tungkol sa mangyayari sa hinaharap, at iba-iba ang resulta. Pansinin ang sumusunod:

  • MGA SIYENTIPIKO Gumagamit sila ng makabagong kagamitan at ng maraming pera para tayahin ang iba’t ibang bagay, gaya ng kung paano makaaapekto sa lupa ang polusyon, at kung uulan sa inyong lugar bukas.

  • MGA PROPESYONAL NA ANALISTA Hinuhulaan nila ang magiging kalakaran sa negosyo at politika. Si Warren Buffett, isa sa pinakamayaman sa mundo, ay binansagang propeta dahil sa tagumpay niya sa pamumuhunan. Isa pang analista, si Nate Silver, ang gumamit ng estadistika para gumawa ng prediksiyon tungkol sa maraming bagay, mula sa politika ng Estados Unidos hanggang sa mga mananalo sa industriya ng pelikula sa Hollywood.

  • MGA SINAUNANG AKDA Itinuturing ang mga ito bilang mga hula. Para sa ilan, ang mga di-tiyak na isinulat ni Michel de Notredame (Nostradamus) noong ika-16 na siglo ay natutupad sa ngayon. Ang isang kalendaryo ng mga Maya na nagtapos noong Disyembre 21, 2012 ay sinasabi ng ilan na palatandaan ng kapaha-pahamak na mga pangyayari.

  • MGA LIDER NG RELIHIYON Kung minsan, inihuhula nila ang masasaklap na pangyayari sa buong mundo para babalaan ang mga tao at magkaroon ng mga tagasunod. Malawakang inanunsiyo ng propetang si Harold Camping at ng mga alagad niya na magugunaw ang mundo noong 2011. Pero nandito pa rin ang mundo.

  • MGA PSYCHIC Sinasabi nila na may kapangyarihan silang hulaan ang hinaharap. Sina Edgar Cayce at Jeane Dixon ay nakagawa ng mga tamang prediksiyon tungkol sa mangyayari sa ika-20 siglo. Pero marami rin sa prediksiyon nila ang nabigo. Halimbawa, inihula ni Dixon na sisiklab ang Digmaang Pandaigdig III noong 1958, at inihula naman ni Cayce na ang New York ay lulubog sa karagatan sa kalagitnaan ng dekada ’70.

May maaasahan nga bang paraan para malaman ang mangyayari sa hinaharap? Mahalaga ang tanong na ito. Kung patiuna mong malalaman ang kinabukasan, posibleng mag-iba ang kahulugan ng buhay para sa iyo.