Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sinaunang Hiyas na Nailigtas sa Basurahan

Sinaunang Hiyas na Nailigtas sa Basurahan

ANO ang naaalaala mo kapag naisip mo ang isang tambak ng basura? Malamang na isang marumi at mabahong lugar. Tiyak na hindi mo aasahang makakita roon ng isang bagay na mahalaga, lalo na nga ng isang napakahalagang hiyas.

Pero noong nakalipas na isang siglo, natagpuan ang isang uri ng kayamanan sa basurahan. Ang kayamanang iyon ay mas mahalaga pa kaysa sa isang literal na hiyas. Anong uri ito ng kayamanan? Bakit mahalaga sa atin ngayon ang tuklas na ito?

ISANG DI-INAASAHANG TUKLAS

Sa pasimula ng ika-20 siglo, pumunta ng Ehipto sina Bernard P. Grenfell at Arthur S. Hunt, mga iskolar sa University of Oxford. Natagpuan nila sa isang tambak ng basura doon malapit sa Libis ng Nilo ang ilang piraso ng papiro. Noong 1920, habang abala nilang inirerekord sa isang katalogo ang mga koleksiyon, bumili si Grenfell ng karagdagan pang mga piraso na nahukay sa Ehipto. Binili niya ito para sa The John Rylands Library sa Manchester, England. Pero parehong namatay ang dalawang iskolar na ito bago matapos ang katalogo.

Tinapos iyon ni Colin H. Roberts, isa pang iskolar sa University of Oxford. Habang sinusuri ang mga papiro, nakita niya ang isang piraso na may sukat na nuwebe por seis sentimetro. Nagulat siya nang makita niyang ang sulat-kamay sa wikang Griego ay mga salitang pamilyar sa kaniya. Nakasulat sa isang bahagi nito ang mga salita mula sa Juan 18:31-33. Nasa likod naman nito ang talata 37 at 38. Natanto ni Roberts na ang natuklasan niya ay isang napakahalagang hiyas.

PAG-ALAM SA EDAD NITO

Ipinapalagay ni Roberts na ang piraso ng papirong ito ay napakatanda na. Pero gaano na katanda? Para malaman, ikinumpara niya ang sulat-kamay nito sa iba pang napetsahang sinaunang manuskrito—isang pag-aaral na tinatawag na paleograpiya. * Sa pamamaraang ito, nakapagbigay siya ng tinatayang edad ng papiro. Pero gusto niyang makasiguro. Kaya nilitratuhan niya ang papiro, ipinadala sa tatlong papyrologist, at hiniling na alamin ang edad nito. Ano ang naging konklusyon nila?

Sa pag-aaral sa istilo ng pagsulat, nagkaisa ang tatlong iskolar na ang papirong ito ay mula pa noong mga 125 C.E.—mga ilang dekada lang pagkamatay ni apostol Juan! Pero ang paleograpiya ay nagkakamali rin sa pagpepetsa ng mga manuskrito. Naniniwala naman ang isa pang iskolar na naisulat ito sa alinmang taon noong ikalawang siglo. Gayunman, ang piraso ng papirong ito ang siya pa ring pinakamatandang piraso ng manuskrito ng Kristiyanong Griegong Kasulatan na natuklasan.

KUNG ANO ANG ISINISIWALAT NG PIRASO NG PAPYRUS RYLANDS

Bakit napakaimportante ng papiro ng Ebanghelyo ni Juan sa mga taong may pagpapahalaga sa Bibliya ngayon? May dalawang dahilan. Una, ipinakikita sa atin ng format ng papiro kung gaano kahalaga ang Kasulatan sa unang mga Kristiyano.

Bakit napakaimportante ng papiro ng Ebanghelyo ni Juan sa mga taong may pagpapahalaga sa Bibliya ngayon?

Noong ikalawang siglo C.E., ang Kasulatan ay may dalawang format—balumbon at codex. Ang balumbon ay mga piraso ng papiro o pergamino na pinagdikit-dikit o pinagtahi-tahi para maging isang mahabang pilyego. Puwede itong irolyo at iladlad kung kinakailangan. Karaniwan nang isang panig lang ng balumbon ang sinusulatan.

Pero ang maliit na piraso ng papiro na natuklasan ni Roberts ay may sulat-kamay sa harap at likod. Ipinahihiwatig nito na mula ito sa codex at hindi sa isang balumbon. Ang codex ay mga pilyego ng pergamino o papiro na pinagtahi-tahi at saka itinupi na parang libro.

Ano ang mga bentaha ng codex sa balumbon? Tandaan, ang unang mga Kristiyano ay mga ebanghelisador. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ipinangangaral nila ang mensahe ng Bibliya saanman may tao—sa bahay, pamilihan, at lansangan. (Gawa 5:42; 17:17; 20:20) Kaya mas praktikal kapag ang format ng Kasulatan ay codex sa halip na balumbon.

Nakatulong din ang codex sa mga kongregasyon at mga indibiduwal para mas madali silang makagawa ng sarili nilang kopya ng Kasulatan. Kaya ang mga Ebanghelyo ay paulit-ulit na kinopya, at tiyak na nakatulong ito sa mabilis na paglago ng Kristiyanismo.

 

Ikalawa, ipinakikita ng Papyrus Rylands na ito na talagang maaasahan ang pagkopya sa orihinal na teksto ng Bibliya. Bagaman ilang talata lang ng Ebanghelyo ni Juan ang nilalaman nito, halos kaparehong-kapareho ito ng nilalaman ng nababasa natin ngayon sa atin mismong Bibliya. Kaya ipinakikita ng Papyrus Rylands na ang Bibliya ay hindi nabago kahit na kinopya ito nang paulit-ulit sa loob ng mahabang panahon.

Siyempre pa, ang papirong ito ng Ebanghelyo ni Juan ay isa lang sa libo-libong piraso ng papiro at manuskritong nagpapatunay na maaasahan ang pagkopya sa orihinal na teksto ng Bibliya. Sa kaniyang aklat na The Bible as History, sinabi ni Werner Keller: “Ang mga lumang [manuskritong] ito ang lubhang nakakukumbinsing sagot sa lahat ng pag-aalinlangan tungkol sa pagiging tunay at maaasahan ng nilalaman ng Bibliya natin ngayon.”

Totoo, hindi ibinabatay ng mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya sa mga tuklas ng arkeolohiya. Naniniwala silang “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Gayunpaman, talagang nakapagpapatibay kapag pinatutunayan ng mahahalagang hiyas mula sa nakaraan ang malaon nang sinasabi ng Bibliya: “Ang pananalita ni Jehova ay namamalagi magpakailanman”!—1 Pedro 1:25.

^ par. 8 Ayon sa aklat na Manuscripts of the Greek Bible, ang paleograpiya ay “ang pag-aaral sa sinaunang pagsulat.” Sa loob ng mahabang panahon, nagbabago ang istilo ng pagsulat. Maisisiwalat nito ang edad ng isang manuskrito kung ikukumpara ito sa iba pang maaasahan at napetsahang mga dokumento.