Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pitong Tip Para Matiyak na Ligtas ang Pagkain Mo at Hindi Ka Magkasakit

Pitong Tip Para Matiyak na Ligtas ang Pagkain Mo at Hindi Ka Magkasakit

 Kung bakit mahalaga ang kinakain mo

 May epekto sa kalusugan mo ang kinakain mo. Kung titiyakin mong ligtas ang pagkain mo at magiging maingat ka sa kinakain mo, gaganda ang kalusugan mo. Pero gaya ng isang sasakyan na puwedeng masira kung gagamitan ng di-magandang klase ng gasolina, puwede rin tayong magkasakit kung hindi tayo mag-iingat sa paghahanda ng pagkain at kung ano-ano lang ang kinakain natin. Baka hindi natin agad makita ang epekto nito, pero lalabas at lalabas din iyon sa bandang huli.—Galacia 6:7.

 Sinasabi ng World Health Organization (WHO) na “ang lahat ng bansa sa mundo ay apektado ng isa o higit pang uri ng malnutrisyon”—kasama sa terminong iyan hindi lang ang pagiging kulang sa nutrisyon kundi pati na ang pagiging sobra sa timbang o sobrang taba. Kung madalas na hindi masustansiya ang kinakain o iniinom mo, mas malamang na ma-stroke ka o magkaroon ng sakit sa puso, diyabetis, at kanser. Ayon sa isang pag-aaral, 11 milyon o higit pa ang namatay noong 2017 dahil sa di-masustansiyang pagkain. Tinataya ng WHO na mahigit isang libo katao ang namamatay araw-araw at daan-daang milyon ang nagkakasakit dahil sa maruming pagkain.

 Ipinapakita sa Bibliya kung bakit dapat natin itong seryosohin. Itinuturo nito na ang Diyos ang “bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Ang buhay ay isang regalo, at naipapakita natin na pinapahalagahan natin ito kung iniingatan natin ang kalusugan natin at ng ating pamilya. Tingnan kung paano mo magagawa iyan.

 Apat na tip para sa ligtas na pagkain

 1. Maging maingat sa paghahanda ng pagkain.

 Bakit? Puwedeng pumasok sa katawan mo ang mikrobyo a mula sa kontaminadong pagkain at tubig, at magkakasakit ka.

 Inirerekomenda ng mga eksperto sa kalusugan:

  •   Bago maghanda ng pagkain, maghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. b Kuskusin ang kamay nang 20 segundo o higit pa. Sabunin ang likod ng iyong kamay, pagitan ng mga daliri, at ilalim ng kuko. Banlawan at patuyuing mabuti ang mga kamay.

  •   Gamit ang sabon at tubig, hugasan ang sangkalan, pinggan, at iba pang gagamitin sa paghahanda ng pagkain. Gumamit din ng magkaibang sangkalan para sa pagkaing lulutuin at pagkaing hindi lulutuin.

  •   Hugasan ang lahat ng prutas at gulay, at i-disinfect ito kung dinidiligan ng maruming tubig ang mga pananim sa lugar ninyo.

 2. Paghiwalayin ang hilaw na pagkain at lutong pagkain.

 Bakit? Puwedeng makontamina ang ibang pagkain dahil sa mikrobyo mula sa hilaw na pagkain gaya ng karne at ng katas nito.

 Inirerekomenda ng mga eksperto sa kalusugan:

  •   Huwag pagsamahin ang hilaw na pagkain—lalo na ang karne—at ang lutong pagkain, simula sa pagbili nito hanggang sa maitabi mo na ito sa bahay.

  •   Pagkatapos maghiwa ng hilaw na karne, hugasang mabuti ang kamay mo, ang kutsilyo, at ang sangkalan bago hiwain ang iba pang pagkain.

 3. Siguraduhing nalutong mabuti ang pagkain.

 Bakit? Kailangang maabót ang mataas na temperatura para mamatay ang mikrobyo sa pagkain.

 Inirerekomenda ng mga eksperto sa kalusugan:

  •   Lutuin ang pagkain hanggang sa mainit na mainit na ito. Dapat maabót ang 70 digri Celsius nang 30 segundo o higit pa sa pagluluto ng pagkain, pati na ang loob ng karne.

  •   Pakuluin ang mga sabaw at nilaga.

  •   Kapag nagpainit ng natirang pagkain, tiyaking mainit na mainit ito.

 4. Tiyaking nasa tamang temperatura ang itinabing pagkain.

 Bakit? Kapag ang temperatura ng pagkain ay nasa pagitan ng 5 at 60 digri Celsius sa loob lang ng 20 minuto, puwedeng madoble ang dami ng baktirya nito. At kung ang hilaw na karne ay hindi inilagay sa tamang temperatura, posibleng maglabas ang ilang baktirya ng mga toxin na hindi namamatay sa pagluluto.

 Inirerekomenda ng mga eksperto sa kalusugan:

  •   Panatilihing mainit o malamig ang pagkain—huwag katamtaman—para hindi dumami ang mikrobyo o para mapabagal ang pagdami nito.

  •   Huwag iwan nang mahigit dalawang oras sa katamtamang temperatura ang pagkain, o mahigit isang oras kung ang temperatura ng lugar ay mahigit 32 digri Celsius.

  •   Pagkatapos lutuin ang pagkain, panatilihin itong mainit hanggang sa ihain ito.

 Tatlong tip sa pagkain para hindi ka magkasakit

 1. Kumain ng iba’t ibang klase ng prutas at gulay araw-araw.

 Ang mga prutas at gulay ay mayaman sa bitamina, mineral, at iba pang bagay na nakakabuti sa kalusugan. Sinasabi ng WHO na kailangan mo ng 400 o higit pang gramo ng prutas at gulay araw-araw. Hindi kasama diyan ang mga pagkaing maraming starch gaya ng patatas o kamoteng-kahoy.

 2. Huwag masyadong kumain ng pagkaing maraming fats at mantika.

 Inirerekomenda ng WHO na limitahan ang pagkain ng mga pritong pagkain at processed food o nabibiling baked na pagkain na kadalasang may fats na di-maganda sa kalusugan. Kung posible, gumamit ng unsaturated na vegetable oil c sa pagluluto. Mas okey ito kaysa sa ibang mantika na maraming saturated fats.

 3. Limitahan ang asin at asukal sa pagkain.

 Inirerekomenda ng WHO na hindi dapat umabot sa isang kutsaritang asin ang makakain ng mga adulto sa isang araw. Inirerekomenda rin ng WHO na wala pang 60 mililitro (12 kutsarita) ng free sugar ang puwedeng kainin kada araw. d Ang asukal ang pangunahing sangkap sa maraming processed food at inumin. Halimbawa, ang 355-mililitro (12 fl oz) na soft drink ay karaniwan nang may hanggang 50 mililitro (10 kutsarita) ng asukal. Maraming calorie ang soft drink, pero kakaunti lang ang sustansiya nito, o wala pa nga.

 Sinasabi ng Bibliya: “Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago, pero tulóy lang ang mga walang karanasan at pinagdurusahan ang epekto nito.” (Kawikaan 22:3) Kung magiging maingat ka sa kinakain mo at gagawa ng pagbabago kung kailangan, maipapakita mong pinapahalagahan mo ang buhay at kalusugan na ibinigay sa iyo ng Diyos.

 Mga maling akala

 Maling akala: Ligtas kainin ang pagkaing mukhang okey ang hitsura, amoy, at lasa.

 Ang totoo: Mahigit 10 bilyong baktirya ang kailangan para maging malabo ang isang litro ng tubig, pero sa 15 hanggang 20 baktirya lang, puwede ka nang magkasakit. Para matiyak na ligtas ang pagkain at inumin mo, ihanda, ihain, at itago ang mga ito ayon sa inirerekomendang temperatura at haba ng oras.

 Maling akala: Puwede pa ring kainin ang pagkaing dinapuan ng langaw.

 Ang totoo: Karaniwan na, milyon-milyong mikrobyo na pinagmumulan ng sakit ang dala ng mga langaw dahil kumakain sila at nagpaparami sa maruruming bagay, gaya ng dumi ng tao o hayop. Para hindi makontamina ng langaw ang pagkain, takpan itong mabuti.

 Maling akala: “Matagal na akong hindi maingat sa kinakain ko, kaya wala na ring mangyayari kung babaguhin ko ang nakasanayan ko.”

 Ang totoo: Natuklasan ng mga mananaliksik na kung magiging maingat ka ngayon sa pagkain, liliit ang tsansa na mamatay ka nang maaga at kung patuloy mo itong gagawin, mas bubuti ang kalusugan mo.

a Ang mikrobyo, o mikroorganismo, ay nabubuhay na bagay na napakaliit kaya hindi mo ito makikita kung wala kang gagamiting aparato. Kabilang dito ang baktirya, virus, at parasito. May mga mikroorganismo na nakakatulong, pero may ilan na nakakasamâ o nakakamatay pa nga.

b Mas maraming mikrobyo ang natatanggal ng sabon at tubig kaysa tubig lang.

c Ang unsaturated fats ay likido at hindi namumuo sa katamtamang temperatura.

d Kasama sa free sugar ang puro o naprosesong asukal, gaya ng puting asukal, honey, syrup, at fruit juice. Hindi kasali dito ang natural na asukal na nasa prutas, gulay, at gatas.