Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dinala ng Lightbearer ang Katotohanan sa Southeast Asia

Dinala ng Lightbearer ang Katotohanan sa Southeast Asia

 Noong pasimula ng dekada ’30, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi pa nakakapangaral sa Indonesia, Malaysia, at Papua New Guinea. Paano maaabot ng mabuting balita ang mga bansang ito? Bilang tugon, ang sangay sa Australia (o Australasia ngayon) ay bumili ng 16-na-metrong barko na may dalawang layag. Tinawag itong Lightbearer, dahil gagamitin ito ng crew, lahat ay payunir, a para ipangaral sa malalayong lupain ang liwanag mula sa Bibliya.​—Mateo 5:14-16.

Pangangaral sa New Guinea

 Noong Pebrero 1935, ang pitong crew ay naglakbay mula Sydney, nasa silangang baybayin ng Australia, papuntang lunsod ng Port Moresby, New Guinea. Nanghuli sila ng isda para may makain sila, at tumigil sila sa ilang piyer para magpagasolina, bumili ng ekstrang pagkain, at magpaayos ng barko. Noong Abril 10, 1935, umalis sila sa Cooktown, Queensland. Ginamit nila ang makina ng barko habang dumaraan sila sa napakadelikadong Great Barrier Reef. Pero biglang umingay ang makina kaya kailangan nila itong patayin. Babalik na ba sila sa New Guinea? Sinabi ng kapitan na si Eric Ewins, “Hindi kami babalik.” Kaya nagpatuloy sa paglalakbay ang Lightbearer, at nakarating ito nang ligtas sa Port Moresby noong Abril 28, 1935.

Crew ng Lightbearer, mula sa kaliwa: William Hunter, Charles Harris, Alan Bucknell (nasa harap), Alfred Rowe, Frank Dewar, Eric Ewins, Richard Nutley

 Habang inaayos ng isang mekaniko ang makina, ang lahat ng crew, maliban kay Frank Dewar, ay nangaral ng mabuting balita sa Port Moresby. Inilarawan si Frank ng isa sa mga kasama niya bilang “isang masigasig na payunir,” at sinabi niya, ‘Kumuha ako ng maraming aklat at naglakad ako ng mga 32 kilometro habang nakikipag-usap sa mga tagaroon.’ Nang pabalik na siya, sa ibang ruta naman siya dumaan at kinailangan niyang tumawid sa isang maliit na ilog na may mga buwaya. Pero nag-ingat siya, at nakabalik siya nang ligtas. Matagumpay ang pangangaral ng crew. Nang maglaon, naging Saksi ni Jehova ang ilang tumanggap ng literatura.

Pangangaral sa Java

 Nang naayos na ang makina, umalis ang Lightbearer sa Port Moresby at naglakbay papunta sa isla ng Java sa Dutch East Indies (ngayon ay Indonesia). Pagkatapos ng ilang paghinto para sa suplay, nakarating sila sa Batavia (ngayon ay Jakarta) noong Hulyo 15, 1935.

 Ang crew ng Lightbearer na si Charles Harris ay naiwan na sa Java. Dito siya masigasig na nangaral ng mabuting balita. b Sinabi niya: “Noon, namamahagi lang kami ng literatura sa Bibliya, at pagkatapos ay lilipat na kami sa susunod na bayan. May dala akong publikasyon sa wikang Arabic, Chinese, Dutch, English, at Indonesian. Gustong-gusto ng mga tao ang literatura natin, kaya nakakapamahagi ako ng mga 17,000 literatura taon-taon.”

Ang Lightbearer habang naglalayag

 Napansin ng awtoridad ang masigasig na pangangaral ni Charles. Minsan, tinanong ng opisyal ang isang kapatid kung ilang Saksi ang nangangaral sa East Java, na kinaroroonan ni Charles. “Isa lang,” ang sabi ng kapatid. “Sa tingin mo maniniwala ako sa iyo?” ang sigaw ng opisyal. “Siguradong marami kayong kasamahan doon kasi marami kayong naipapamahaging literatura.”

Pangangaral sa Singapore at Malaysia

 Mula Indonesia, naglayag ang Lightbearer papuntang Singapore at nakarating doon noong Agosto 7. Kapag tumitigil sila sa mga piyer, nagpe-play ang crew ng nakarekord na mga lektyur gamit ang malalakas na amplifier at speaker ng barko. Madalas na nakukuha ng paraang ito ng pangangaral ang atensiyon ng marami. Ang totoo, inireport ng Singapore Free Press na “isang malakas na tinig mula sa barko ang naririnig ng mga tao . . . kapag Miyerkules ng gabi.” Idinagdag pa nito: “Ito ay isang kakaibang lektyur . . . mula sa barkong ‘Lightbearer,’ na nagbobrodkast ng programa ng Watch Tower sa Singapore mula nang dumating ito galing sa Australia.” Sinabi rin ng report na “kapag maganda ang panahon, malinaw na maririnig ang programa . . . kahit mga tatlo o apat na kilometro ang layo.”

 Noong nasa Singapore ang Lightbearer, nabigyan si Frank Dewar ng isang bagong atas. Naaalala pa niya ang nangyari noong aalis na siya: “Nagpapayunir kami sa Singapore habang nakatira sa barko. Pero noong paalis na ang Lightbearer, may sinabi sa akin si Eric Ewins na ikinagulat ko. Sabi niya: ‘Frank, ’di ba Siam (ngayon ay Thailand) ang napili mong teritoryo? Hanggang dito ka na lang namin puwedeng isakay. Puwede ka nang umalis!’ Nagulat ako at wala akong nasabi kundi: ‘Pero paano ba pumunta sa Siam?’” Sinabi ni Eric kay Frank na makakarating siya doon kung sasakay siya ng tren mula Kuala Lumpur, ngayon ay Malaysia. Sumunod naman si Frank. Sumakay siya ng tren sa Kuala Lumpur at dumating sa Thailand pagkalipas ng ilang buwan. c

 Habang naglalayag ang Lightbearer papunta sa kanlurang baybayin ng Malaysia, tumigil ito sa Johore Bahru, Muar, Malacca, Klang, Port Swettenham (ngayon ay Port Klang), at Penang. Sa bawat piyer, ipine-play ng crew ang nakarekord na mga Bible lecture gamit ang loudspeaker ng barko. “Mas interesado pa ang mga tao sa barko kaysa sa isang flying saucer,” ang sabi ni Jean Deschamp, isang Saksi na naglilingkod noon sa Indonesia. Pagkatapos i-play ang mga rekording, bababa ang crew sa pampang para mamahagi ng literatura sa mga interesado.

Pangangaral sa Sumatra

 Mula sa Penang, dumaan sila sa Strait of Malacca papunta sa Medan, Sumatra (ngayon ay bahagi ng Indonesia). Naaalala ni Eric Ewins: “Napakaganda ng pagtanggap sa amin sa Medan district, at marami ang nakinig sa mabuting balita.” Nakapamahagi ang mga kapatid ng mga 3,000 literatura sa lugar na iyon.

 Habang naglalakbay patimog ang Lightbearer, nangaral ang crew sa malalaking daungan ng barko sa silangang bahagi ng Sumatra. Noong Nobyembre 1936, bumalik ang barko sa Singapore, iniwan na nila dito si Eric Ewins. Mga ilang linggo lang ang nakalipas, pinakasalan niya si Irene Struys, isang Saksing taga-Singapore. Magkasamang nagpayunir sina Eric at Irene sa Sumatra. Kaya ngayon, kailangan na ng Lightbearer ng bagong kapitan.

Pangangaral sa Borneo

 Ang naging bagong kapitan ay si Norman Senior, isang trained navigator. Dumating siya mula sa Sydney noong Enero 1937. Mula Singapore, nagpunta ang crew sa Borneo at Celebes (ngayon ay Sulawesi), kung saan sila nagpatotoo sa maraming lugar at nakapangaral hanggang 480 kilometro ang layo sa pampang.

 Nang dumating ang Lightbearer sa piyer ng Samarinda sa Borneo, hindi pumayag ang punong opisyal na mangaral ang crew sa mga tagaroon. Pero nang ipaliwanag ni Norman ang tungkol sa pangangaral natin, nakipagtulungan ang opisyal at kumuha pa nga siya ng literatura.

 Minsan, inanyayahan si Norman ng isang ministro na magsalita sa simbahan nila. Pero sa halip na magpahayag, nag-play si Norman ng limang rekording ng mga Bible lecture gamit ang ponograpo, at nagustuhan ito ng ministro. Kumuha pa nga siya ng literatura para ipamigay sa mga kaibigan niya. Pero ang klerong ito lang ang nagkainteres sa mabuting balita. Hindi nagustuhan ng iba pang klero ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nagalit pa nga sila sa pangangaral ng crew at ginipit nila ang mga awtoridad na pagbawalan ang Lightbearer sa pagdaong sa ibang mga piyer.

Ang mga paglalayag ng Lightbearer (makikita sa mapa ang mga pangalan ng mga lugar noong panahong iyon)

Bumalik sa Australia

 Noong Disyembre 1937, dahil sa pagbabawal na inimpluwensiyahan ng klero, naglayag ang Lightbearer pabalik sa Australia. Tumigil sila sa Sydney Harbor para dumalo sa kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong Abril 1938. Mahigit tatlong taon iyon matapos umalis ang Lightbearer sa Sydney. Ibinenta ang barko noong pasimula ng dekada ’40, matapos ipagbawal ang gawain ng mga Saksi sa Australia. “Natupad na niya ang layunin niya,” ang sabi ni Brother Ewins, na inilarawan ang paglilingkod niya sakay ng Lightbearer bilang ilan sa “pinakamasayang mga taon ng buhay ko.”

Ang Di-malilimutang Kasaysayan ng Lightbearer

 Ang crew ng Lightbearer ay nangaral sa malawak na rehiyon na may malaking populasyon. At sa kabila ng pagsalansang, nagbunga ang pangangaral nila. (Lucas 8:11, 15) Mayroon na ngayong mahigit 40,000 mamamahayag ng Kaharian sa mga lugar kung saan nangaral ang mga payunir na iyon. Marami talagang nagawa ang mga kapatid na ito sakay ng barkong Lightbearer. Nangaral sila ng katotohanan, at magandang halimbawa sila para sa atin ngayon!

a Ang mga payunir ay buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova.

b Ang talambuhay ni Charles Harris ay inilathala sa Hunyo 1, 1994 na isyu ng Bantayan.