Pumunta sa nilalaman

MARSO 11, 2021
UNITED STATES

Tuloy-tuloy ang Magagandang Resulta ng Letter Writing

Tuloy-tuloy ang Magagandang Resulta ng Letter Writing

Maraming Saksi ni Jehova ang nag-eenjoy mangaral sa pamamagitan ng letter writing. Ipinapakita ng sumusunod na karanasan mula sa United States na mahusay na paraan ito para masabi sa iba ang nakakapagpatibay na mensahe ng Bibliya.

Si Sister Carlee Ruggles at ang nanay niya habang naghahanap ng mga teksto na gagamitin sa kanilang mga liham

Nakita ng taga-Blue Ash, Ohio na si Sister Carlee Ruggles, 13 anyos, na talagang nakakatulong ito sa mga tao nang tumanggap siya ng isang di-inaasahang sagot sa liham niya.

Isang hapon, habang nasa labas siya ng bahay nila, isang motorsiklo ang pumarada sa driveway nila. Bumaba ang lalaki sa motorsiklo hawak ang isang sobre, at sinabi: “Sino ang nagpadala ng liham na ito?” Nakita ni Carlee na isa iyon sa mga liham na isinulat niya noong nakikibahagi siya sa ministeryo.

Habang papalapit kay Carlee ang mga magulang niya, lakas-loob siyang sumagot, “Ako po.”

Nagulat si Carlee at ang mga magulang niya nang sabihin ng lalaki, “Tamang-tama sa akin ang sulat mo!” Ikinuwento ng lalaki kung paano siya napatibay ng impormasyong nabasa niya kasi talagang lungkot na lungkot siya dahil sa pandemic. Sinabi rin niya na kamamatay lang ng kapatid niyang lalaki at ang liham ni Carlee ay nakabawas sa pagdadalamhati niya.

Bilang pagtatapos, sinabi niya: “Magpatuloy ka lang sa paggawa ng mga liham. Nakakapagpatibay sa mga tao ang mga sulat mo, tumugon man sila o hindi.”

Mas determinado ngayon si Carlee na ipagpatuloy ang pagsulat sa kaniyang mga kapitbahay. “Tuwang-tuwa ako na ginamit ako ni Jehova para patibayin ang iba,” ang sabi niya. “Ang liham natin ay talagang nakakatulong sa iba.”

Si Sister Myrna Lopez na taga-Center, Texas

Iniisip ni Sister Myrna Lopez, taga-Center, Texas, kung nakakatulong sa iba ang mga sulat niya. Pagkatapos, nagkaroon siya ng magandang karanasan tungkol sa isang kamag-anak niya. Nalaman ni Myrna na nabilanggo ang pamangkin niya na dating dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon noong bata pa ito. Kaya sinulatan niya ito at sinabing hindi siya nakakalimutan ni Jehova.

Sinagot ng pamangkin ni Myrna ang liham. Ipinaliwanag nito na problemado siya at walang layunin ang buhay niya. Ngayong nakakulong siya, pinag-isipan niya ang buhay niya noong bata pa siya. Sinimulan niyang basahin ang Bibliya at nanalangin kay Jehova. Sinabi niya na ang sulat ni Myrna ay sagot sa kaniyang mga panalangin at patunay na mahal pa rin siya ni Jehova.

Si Sister Natalie Bibbs na taga-Norcross, Georgia

Si Sister Natalie Bibbs, taga-Norcross, Georgia, ay tumanggap ng sulat mula sa isang nagjo-jogging na babae na nakapulot ng isa sa mga liham niya. Nakita ng babae ang nakatiklop na liham sa sidewalk at nilampasan niya ito. Pero sa hindi niya maipaliwanag na dahilan, binalikan niya ito at pinulot.

Sinulatan ng babaeng ito si Natalie: “May malaking problema ako nang linggong iyon, at gusto ko sanang may magandang bagay na mangyari. Ang liham na iyon ang ‘magandang bagay na nangyari!’”

Sinabi ni Natalie: “Ang liham na iyon ay nagbigay sa akin ng pagtitiwala na anumang paraan ang gamitin natin sa pangangaral, tinutulungan tayo ni Jehova.”

Si Sister Laura Martinez, taga-Athens, Texas, ay nagbibigay ng mga liham sa mga nagtatrabaho sa kanilang groseri kapag nagdedeliber sila ng mga pagkain sa kotse niya. Sinabi kay Laura ng isang trabahador sa groseri na talagang napatibay siya ng liham nito. Dahil diyan, pinadalhan ni Laura ang babae ng dalawa pang liham at ngayon ay nagba-Bible study na sila.

Si Sister Laura Martinez, na taga-Athens, Texas, habang nagbibigay ng mga sulat sa mga nagtatrabaho sa kaniyang groseri

Ipinapaalala sa atin ng mga karanasang ito na kahit hindi natin alam kung saan “tutubo” ang mga binhi ng katotohanan, maaari tayong gamitin ni Jehova para magdala ng kaaliwan at pag-asa sa taimtim na mga tao anumang paraan ng pangangaral ang gamitin natin.—Eclesiastes 11:6.