Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALIN 06

Paano Nagsimula ang Buhay?

Paano Nagsimula ang Buhay?

“Nasa [Diyos] ang bukal ng buhay.” (Awit 36:9) Naniniwala ka ba rito? Naniniwala ang ilan na ang buhay ay basta na lang lumitaw o nagkataon lang. Kung totoo iyan, ibig sabihin walang Maylalang. Pero kung nilalang ng Diyos na Jehova ang buhay, siguradong may dahilan o layunin ito. a Pag-aralan ang rekord ng Bibliya tungkol sa pinagmulan ng buhay at kung bakit may dahilan para maniwala rito.

1. Paano nagsimula ang uniberso?

Sinasabi ng Bibliya: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Naniniwala ang maraming siyentipiko na may pasimula ang uniberso. Paano ito nilalang ng Diyos? Ginamit niya ang kaniyang “aktibong puwersa”​—ang banal na espiritu​—para lalangin ang lahat ng nasa uniberso kasama na ang mga galaksi, bituin, at planeta.​—Genesis 1:2.

2. Bakit nilalang ng Diyos ang lupa?

Hindi nilalang ni Jehova ang lupa “nang walang dahilan,” kundi nilalang niya ito “para tirhan.” (Isaias 45:18) Napakaganda ng pagkakagawa niya sa ating planeta. Nandito ang lahat ng kailangan ng tao para mabuhay. (Basahin ang Isaias 40:28; 42:5.) Sinasabi ng mga siyentipiko na espesyal ang lupa. Ito lang ang planeta na kayang sumuporta sa buhay ng tao.

3. Bakit naiiba ang mga tao sa mga hayop?

Pagkatapos lalangin ni Jehova ang lupa, nilalang naman niya ang mga nabubuhay rito. Una, nilalang niya ang mga halaman at hayop. Pagkatapos, “nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan.” (Basahin ang Genesis 1:27.) Bakit naiiba ang mga tao? Kasi nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos. Kaya maipapakita natin ang mga katangian niya, gaya ng pag-ibig at katarungan. Nilalang din niya tayo na may kakayahang matuto ng wika, pahalagahan ang magagandang bagay, at mag-enjoy sa musika. At di-gaya ng mga hayop, kaya nating sambahin ang ating Maylalang.

PAG-ARALAN

Pag-aralan ang mga ebidensiya na may nagdisenyo ng buhay at na ang rekord ng Bibliya tungkol sa paglalang ay tama. Alamin kung ano ang itinuturo ng katangian ng mga tao tungkol sa Diyos.

4. May nagdisenyo ng buhay

Pinapapurihan ang mga tao dahil sa mga disenyo na kinopya nila sa kalikasan. Pero sino ang dapat papurihan sa mga orihinal na disenyo? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Anong mga disenyo ang kinopya ng tao sa kalikasan?

Bawat bahay ay may nagdisenyo at nagtayo. Pero sino ang nagdisenyo at gumawa ng mga bagay sa kalikasan? Basahin ang Hebreo 3:4. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Anong disenyo mula sa kalikasan ang nagustuhan mo?

  • Tama bang maniwala na may nagdisenyo sa uniberso at sa lahat ng nandito? Bakit?

Alam mo ba?

May makikita kang mga artikulo at video tungkol dito sa jw.org/tl sa seryeng “May Nagdisenyo Ba Nito?” at “Paniniwala sa Pinagmulan ng Buhay.”

“Siyempre, ang bawat bahay ay may tagapagtayo, pero ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos”

5. May dahilan para paniwalaan ang rekord ng Bibliya tungkol sa paglalang

Sa Genesis kabanata 1, inilarawan ng Bibliya kung paano nilalang ang lupa at ang buhay rito. Kapani-paniwala ba ang rekord na ito o isa lang itong alamat? Panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Itinuturo ba ng Bibliya na nilalang ang lupa at ang buhay rito sa loob ng anim na araw na may tig-24 na oras?

  • Sa tingin mo, tama ba at lohikal ang rekord ng Bibliya tungkol sa paglalang? Bakit iyan ang sagot mo?

Basahin ang Genesis 1:1. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Sinasabi ng mga siyentipiko na may pasimula ang uniberso. Ano ang pagkakapareho niyan sa binasa mong teksto?

Iniisip ng ilan na ginamit ng Diyos ang ebolusyon para lalangin ang buhay. Basahin ang Genesis 1:​21, 25, 27. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:

  • Itinuturo ba ng Bibliya na lumalang ang Diyos ng isang uri ng buhay at pagkatapos ay nag-evolve ito at naging mga isda, mamalya, at tao? O nilalang niya ang lahat ng pangunahing “uri” ng buhay? b

6. Ang mga tao ay espesyal na nilalang ng Diyos

Nilalang tayo ni Jehova na naiiba sa mga hayop. Basahin ang Genesis 1:26. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:

  • Nilalang tayo ayon sa larawan ng Diyos at kaya nating magpakita ng pag-ibig at awa. Ano ang sinasabi nito tungkol sa kaniya?

MAY NAGSASABI: “Alamat lang ang rekord ng Bibliya tungkol sa paglalang.”

  • Ano sa tingin mo? Bakit iyan ang sagot mo?

SUMARYO

Nilalang ni Jehova ang uniberso at ang lahat ng buhay.

Ano ang Natutuhan Mo?

  • Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pasimula ng uniberso?

  • Hinayaan ba ng Diyos na mag-evolve ang isang uri ng buhay para magkaroon ng iba’t ibang uri ng buhay o nilalang niya ang lahat ng ito?

  • Bakit espesyal ang mga tao?

Subukan Ito

TINGNAN DIN

Pag-aralan ang mga disenyo na makikita sa kalikasan.

“Ano Ba ang Itinuturo ng Kalikasan?” (Gumising!, Setyembre 2006)

Tingnan kung paano ipinaliwanag ng isang ama sa kaniyang anak ang rekord ng Bibliya tungkol sa paglalang.

‘Nilalang ni Jehova ang Lahat ng Bagay’ (2:36)

Pag-aralan kung puwede ba na parehong tama ang ebolusyon at ang Bibliya.

“Ginamit Ba ng Diyos ang Ebolusyon Para Magkaroon ng Iba’t Ibang Uri ng Buhay?” (Artikulo sa jw.org/tl)

Pag-aralan kung ano ang ipinapakita ng mga fossil record o scientific experiment tungkol sa pinagmulan ng buhay.

The Origin of Life​—Five Questions Worth Asking (brosyur)

a Tatalakayin sa Aralin 25 ang layunin ng Diyos para sa tao.

b Sa Bibliya, tumutukoy ang salitang “uri” sa isang malaking grupo ng buháy na nilalang.