Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ginagamit ang mga kasalan para makapagdaos ng mga asamblea

INDONESIA

Hindi Nila Pinabayaan ang Pagtitipon

Hindi Nila Pinabayaan ang Pagtitipon

Noong panahon ng pagbabawal, karamihan sa mga kongregasyon ay patuloy na nagtitipon sa mga pribadong tahanan. Pero para di-makatawag ng pansin, maraming kongregasyon ang hindi kumakanta ng awiting pang-Kaharian. May mga lugar ng pagtitipon na nire-raid ng mga awtoridad, pero karaniwan na, ang mga kapatid ay hindi masyadong nagpapaapekto.

Kadalasan, ginagamit ng mga kapatid ang reunyon ng pamilya o kasalan para makapagdaos ng malalaking asamblea. “Inirerehistro ng mga ikakasal ang kanilang kasal at kumukuha sila ng police permit para sa malaking reception,” ang paliwanag ni Tagor Hutasoit. “Sa panahon ng reception, nakaupo sa stage ang ikinakasal at ang mga kasama nila habang sunod-sunod na nagpapahayag mula sa Bibliya ang mga brother.”

Sa isang asamblea, nilapitan ng isang pulis si Tagor.

“Kadalasan, dalawa o tatlong oras lang ang kasalan. Ba’t ang kasalan n’yo mula umaga hanggang gabi?” ang tanong ng pulis.

“Marami kasing problema ang ibang ikinakasal, kaya kailangan nila ng maraming payo mula sa Salita ng Diyos,” ang sagot ni Tagor.

“Oo nga naman,” sabay tango ng pulis.

Isang magkakasabay na kasalan ang ginawa ng mga kapatid para maidaos ang “Pagkakaisa sa Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon noong 1983 sa isang malaking istadyum sa Jakarta. Halos 4,000 kapatid at interesado ang dumalo sa kombensiyon, at 125 ang binautismuhan nang pribado bago ang programa. Noong hindi na gaanong mahigpit ang pagbabawal, nakapagdaos ng mas malalaking kombensiyon ang mga kapatid, isa rito ay dinaluhan ng mahigit 15,000 katao.

Nakapagtayo ng Tanggapang Pansangay Kahit May Pagbabawal

Noong dekada ’80 at ’90, paulit-ulit na hiniling ng tanggapang pansangay sa gobyerno na alisin ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova. Ang mga kapatid sa iba’t ibang bansa ay sumulat din sa gobyerno ng Indonesia at sa mga embahador nito. Itinanong nila kung bakit ipinagbabawal sa Indonesia ang mga Saksi ni Jehova. Maraming opisyal ang pabor na alisin ang pagbabawal, pero paulit-ulit na hinahadlangan ng makapangyarihang Directorate General of Christian Community Guidance ang mga pagsisikap nila.

Noong 1990, naisip ng mga kapatid na baka makapagtatayo sila ng bagong tanggapang pansangay sa isang di-pansining lokasyon. Nang taon ding iyon, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang pagbili ng isang property malapit sa Bogor, isang maliit na lunsod na mga 40 kilometro sa timog ng Jakarta. Pero iilang kapatid lang ang may kasanayan sa konstruksiyon. Kaya paano maitatayo ang bagong pasilidad?

Nasagot iyan sa pamamagitan ng internasyonal na kapatiran. Ang Brooklyn Construction Office at ang Regional Engineering Office sa Australia ang nagsuplay ng mga plano. Mga 100 boluntaryo naman mula sa iba’t ibang bansa ang naglaan ng kinakailangang kasanayan sa panahon ng dalawang-taóng proyekto.

Si Hosea Mansur, isang brother na Indonesian na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang opisyal, ay nagsabi: “Kapag nakikita ng mga opisyal na Muslim ang inisyal na H.M. sa hard hat ko, iniisip nilang ang H ay ‘Hājjī,’ isang iginagalang na titulo ng mga nakapag-pilgrim na sa Mecca. Kaya gan’on na lang ang respeto nila sa ’kin. Dahil sa maling akalang ito, naging madali ang pag-oorganisa sa gawain.”

Itinayo ang tanggapang pansangay na ito sa panahon ng pagbabawal

Ang mga bagong pasilidad ng sangay ay inialay noong Hulyo 19, 1996. Si John Barr, miyembro ng Lupong Tagapamahala, ang nagpahayag para sa pag-aalay. Kasama sa 285 dumalo ang 118 kinatawan ng sangay at dating mga misyonero mula sa maraming bansa pati na ang 59 na miyembro ng pamilyang Bethel sa Indonesia. Sa sumunod na dalawang araw, 8,793 delegado ang dumalo sa “Mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon sa Jakarta.

Sinasagip ni Jehova ang Bayan Niya

Noong 1998, nag-resign ang matagal nang presidente ng Indonesia na si Soeharto (Suharto), kaya nagkaroon ng bagong gobyerno. Dahil diyan, pinag-ibayo ng mga kapatid ang kanilang pagsisikap para maalis ang pagbabawal.

Habang nasa New York noong 2001, ang Indonesian Secretary of State na si Mr. Djohan Effendi ay nag-tour sa Bethel sa Brooklyn. Nakausap niya roon ang tatlong miyembro ng Lupong Tagapamahala. Humanga siya sa mga nakita niya at inaming may magandang reputasyon ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. Pabor si Mr. Effendi na alisin ang pagbabawal, pero sinabi niyang ang huling desisyon ay manggagaling sa attorney general ng Indonesia na si Mr. Marzuki Darusman.

Pabor din ang attorney general na alisin ang pagbabawal, pero patuloy itong hinaharang ng mga di-pabor na opisyal sa departamento niya sa pag-asang mapapalitan na siya sa puwesto. Sa wakas, noong Hunyo 1, 2001, ipinatawag si Tagor Hutasoit sa opisina ng attorney general. “Sa opisina ring iyon, mga 25 taon na ang nakalipas, isang dokumento ang iniabot sa akin na nagsasabing ipinagbabawal na ang mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ni Tagor. “Pero nang araw na ’to, ang huling araw ng attorney general sa katungkulan, iniabot niya sa akin ang isang dokumento na nagpapawalang-bisa sa pagbabawal.”

Noong Marso 22, 2002, ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Indonesia ay opisyal na inirehistro ng Department of Religious Affairs. Sinabi ng director-general ng departamento sa mga kinatawan ng sangay: “Hindi ang dokumentong ito ng pagrerehistro ang nagbibigay sa inyo ng kalayaang sumamba. Sa Diyos nagmumula ang kalayaang iyan. Isinasaad ng dokumentong ito na opisyal nang kinikilala ng gobyerno ang inyong relihiyon. May mga karapatan na kayong gaya ng sa ibang relihiyon, at paglilingkuran kayo ng gobyerno.”