Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

INDONESIA

May-pagmamalaking Ipinahahayag ang Pangalan ni Jehova

May-pagmamalaking Ipinahahayag ang Pangalan ni Jehova

Noong pagbabawal, sinunod ng mga kapatid sa Indonesia ang payo ni Jesus na “maging maingat kayong gaya ng mga serpiyente at gayunma’y walang muwang na gaya ng mga kalapati.” (Mat. 10:16) Pero nang matapos ang pagbabawal, kinailangan ng marami na matutong mangaral “nang may katapangan.”—Gawa 4:31.

Halimbawa, may mga kapatid na tumangging magbahay-bahay at nagpokus sa pagdalaw-muli at pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya. Umiiwas naman ang iba na makipag-usap sa mga Muslim. Marami ang nagpapakilalang Kristiyano sila sa halip na Saksi ni Jehova, at Bibliya ng Sangkakristiyanuhan ang ginagamit nila sa halip na ang Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Indonesian. * Hindi rin gaanong namamahagi ng literatura sa Bibliya ang iba.

Ganiyan pa rin ang ginagawa ng ilan kahit noong wala nang pagbabawal. Maaaring dahil ito sa kanilang kultura, kung saan mas pinipili nilang makipagkompromiso kaysa makipagkomprontasyon, at masyado silang nag-iingat. Paano maitutuwid ang mga kapatid?

Sinagot iyan ni Jehova sa pamamagitan ng maibiging payo mula sa mga brother na may-gulang sa espirituwal. (Efe. 4:11, 12) Halimbawa, noong 2010, bumisita si Stephen Lett, miyembro ng Lupong Tagapamahala, at masiglang pinatibay ang mga kapatid na itaguyod ang pangalan ng Diyos at gamitin ang Bagong Sanlibutang Salin sa ministeryo. “Maraming mamamahayag ang naantig sa pahayag ni Brother Lett,” ang sabi ng misyonerong si Misja Beerens. “Nakita nila na mahalagang makilala sila bilang mga Saksi ni Jehova at buong-tapang na ipagtanggol ang Salita ng Diyos.”

Kadalasan, iniuugnay ng mga Muslim na Indonesian ang mga Saksi ni Jehova sa Sangkakristiyanuhan, kaya ganito ang itinagubilin ng edisyong Indonesian ng Ministeryo sa Kaharian: “Ang pagpapakilalang isa kang Saksi ni Jehova sa umpisa pa lang ng pag-uusap ang kadalasang pinakamagandang gawin. . . . Ipinagmamalaki nating kinatawan tayo ni Jehova, at gusto nating ipaalam ang pangalan at mga layunin niya sa teritoryong nakaatas sa atin!” Si Shinsuke Kawamoto, na naglilingkod sa tanggapang pansangay sa Indonesia, ay nagsabi: “Maganda ang resulta ng direkta pero mataktikang paraang ito. Gustong malaman ng maraming Muslim ang kaibahan ng mga Saksi ni Jehova. Kaya sinamantala namin iyon para makapagpatotoo.”

Pinasigla rin ang mga mamamahayag na mamahagi ng mas marami pang Bantayan at Gumising! “Para makilala tayo ng mga tao, kailangan nilang mabasa ang ating mga magasin,” ang paliwanag ni Lothar Mihank, koordineytor ng Komite ng Sangay. “Dahil sa mga magasin, lumalambot ang ‘lupa’ at nagiging mas handang tumanggap ng katotohanan ang mga tao. Kapag malawakan natin itong ipinamamahagi, mas marami tayong nabibigyan ng pagkakataong matuto tungkol kay Jehova.”

Magandang Epekto ng Pampublikong Pagpapatotoo

Noong 2013, sinimulan ng sangay sa Indonesia ang dalawang bagong paraan ng pangangaral na inaprobahan ng Lupong Tagapamahala: ang special metropolitan public witnessing at ang pampublikong pagpapatotoo ng mga kongregasyon. Dahil dito, mas marami pa ang puwedeng makarinig ng mabuting balita sa Indonesia.

Ang unang special metropolitan public witnessing ay ginawa sa isang malaking mall ng electronics sa West Jakarta. Ang mga kongregasyon ay nagsagawa rin ng pampublikong pagpapatotoo na gumagamit ng cart at mesa sa kani-kanilang teritoryo. Wala pang isang taon, mayroon nang mahigit 400 pampublikong pagpapatotoo sa mga lunsod sa Indonesia. Ano ang magandang resulta nito?

Iniulat ni Yusak Uniplaita, isang elder sa Jakarta: “Noong wala pang pampublikong pagpapatotoo, 1,200 magasin bawat buwan ang request ng kongregasyon namin. Makalipas ang anim na buwan, naging 6,000 magasin ito. Ngayon, 8,000 magasin na ang nire-request namin. Marami rin kaming naipamamahaging aklat at brosyur.” Sa Medan, North Sumatra, isang maliit na grupo ng payunir ang nagpuwesto ng cart sa tatlong lokasyon. Noong unang buwan, nakapamahagi sila ng 115 aklat at mga 1,800 magasin. Makalipas ang dalawang buwan, mga 60 payunir sa pitong lokasyon ang nakapamahagi ng mahigit 1,200 aklat at 12,400 magasin. “Dahil sa mga bagong paraang ito ng pangangaral, sumigla ang mga kapatid at nakita ang espirituwal na potensiyal sa Indonesia,” ang sabi ng misyonerong si Jesse Clark. “Talagang magpapatuloy rito ang pampublikong pagpapatotoo!”

Paggamit ng Wikang Tumatagos sa Puso

Ang Indonesia ay nasa isang rehiyon sa daigdig na may napakaraming wika. * Karamihan dito ay nagsasalita ng Indonesian, ang karaniwang wika, pero marami rin ang gumagamit ng katutubong wika—ang wikang tumatagos sa kanilang puso.

Ang Batak-Toba translation team sa North Sumatra

Noong 2012, nagdesisyon ang tanggapang pansangay para makita kung gaano kalaki ang pangangailangan ng bansang ito na may iba’t ibang wika. “Nagsalin muna kami ng materyal sa 12 wika na ginagamit ng mga 120 milyong tao,” ang sabi ni Tom Van Leemputten. “Nang makita ng aming mga tagapagsaling Javanese ang unang sampol ng tract sa Javanese, napaiyak sila sa tuwa. Sa wakas, may espirituwal na pagkain na sila sa sarili nilang wika!”

Pero Indonesian pa rin ang ginagamit ng maraming kongregasyon kapag nagtitipon, kahit sa mga lugar na ang karamihan ay nagsasalita ng katutubong wika. “Noong 2013, ako at ang misis kong si Carmen ay dumalo sa dalawang-araw na asamblea sa Nias Island sa North Sumatra,” ang kuwento ni Lothar Mihank. “Karamihan sa 400 dumalo ay nagsasalita ng wikang Nias, pero wikang Indonesian ang ginamit sa lahat ng pahayag. Matapos konsultahin ang mga speaker, sinabi namin sa mga dumalo na idaraos sa wikang Nias ang programa bukas. Kinabukasan, mahigit 600 ang dumagsa sa awditoryum.” Idinagdag ni Carmen: “Kitang-kita na mas nakinig ang mga dumalo sa programa sa wikang Nias kaysa noong unang araw na wikang Indonesian ang ginamit sa mga pahayag. Tuwang-tuwa silang marinig—at lubos na maintindihan— ang mensahe ng Bibliya sa kanilang sariling wika.”

Isang bingi na tinutulungan sa espirituwal

Kahit ang mga bingi sa Indonesia ay “makaririnig” na ng katotohanan sa sarili nilang wika. Mula 2010, ang translation team ng Indonesian Sign Language ay nakapagsalin na ng pitong brosyur at walong tract. Ang tanggapang pansangay ay nagsaayos din ng 24 na klase ng sign language na nakapagsanay ng mahigit 750 signer. Ngayon, 23 kongregasyon at grupo ng sign language ang naglalaan ng espirituwal na tulong at kaaliwan sa mga tatlong milyong bingi sa Indonesia.

Sa kasalukuyan, ang Translation Department ay may 37 translation team. May 117 tagapagsalin at 50 support personnel na nagtatrabaho sa 19 na lokasyon sa Indonesia.

^ par. 2 Ang kumpletong Bagong Sanlibutang Salin sa wikang Indonesian ay inilabas noong 1999. Pitong taon itong ginawa ng mga tagapagsalin noong panahon ng pagbabawal. Pagkaraan ng ilang taon, inilabas naman sa wikang Indonesian ang dalawang-tomong ensayklopidiya sa Bibliya na Kaunawaan sa Kasulatan at ang Watchtower Library sa CD-ROM, isa ngang kahanga-hangang pagsisikap sa gawaing pagsasalin!

^ par. 2 Ang Indonesia ay may 707 buháy na wika; ang karatig nito sa silangan, ang Papua New Guinea ay may 838 wika.