Enerhiya Buhat sa Pagtaas at Pagliit ng Tubig
Enerhiya Buhat sa Pagtaas at Pagliit ng Tubig
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Canada
ENERHIYA! Ang makabagong lipunan ay walang ampat ang pagkauhaw rito. At mula nang embargo ng langis noong 1973, na nagbunga ng napakalaking pagtaas sa presyo ng langis, ang mga siyentipiko ay humanap ng mga pamagpipilian sa mga gatong na fossil. Ipinakikita ng digmaan sa Persian Gulf kamakailan kung gaano kaseryosong minalas ng mga bansa ang posibleng pagtigil ng mga suplay ng langis mula sa Gitnang Silangan.
Ang eksperimental na mga proyektong dating iminungkahi subalit isinaisang-tabi sa hindi gaanong kritikal na panahon ay muling sinusuri ngayon. Halimbawa, kumusta ang malalakas na pagtaas at pagliit ng tubig sa karagatan? Ito kaya’y magagamit upang gumawa ng kuryente?
Ilang taon na ang nakalipas pinagmasdan ng mga inhinyero sa Canada ang pambihirang pagtaas at pagkaliit ng tubig sa Bay of Fundy. Ang dagat ay nasa pagitan ng dalawang baybaying lalawigan ng Atlantiko sa Canada, ang Nova Scotia at New Brunswick, at kilala sa pagtaas at pagliit ng tubig nito—isa sa pinakamataas sa daigdig, na tumataas ng hanggang 16 na metro. Ang mga planta ng kuryente na galing sa pagtaas at pagliit ng tubig ay umaandar na sa Pransiya at Unyong Sobyet, kaya bakit hindi sa Canada?
Kaya isang kompletong proyekto ang iminungkahi na lilikha ng 4,800 megawatts—6.5 milyong horsepower—ng enerhiya sa kuryente. (Kung ihahambing, ang isang buong plantang nuklear sa kalapit na New Brunswick ay gumagawa lamang ng 600 megawatts.) Gayunman, ang halaga ng gayong proyekto sa kuryente na galing sa pagtaas at pagliit ng tubig ay napakalaki—ayon sa kalkulasyon noong 1981 ito’y halos $5,000,000,000 (Canadian)!
Pagsubok na Planta
Una, maingat na pinonduhan ng gobyerno ang isang pagsubok na planta upang subukin ang disenyo at kahusayan. Tinatawag na Annapolis Tidal Power Project, ito’y nasa isang dam sa ibayo ng Ilog Annapolis, na dumadaloy sa Lunas ng Annapolis, isang lunas ng ilog na dumadaloy sa Bay of Fundy, malapit sa bayan ng Annapolis Royal, Nova Scotia. Natapos sa halagang $55 milyon, ang planta ay nagsimulang magbigay ng kuryente noong 1984.
Mahigit na 40,000 katao ang dumalaw sa lugar
ng Annapolis Tidal Power Project kamakailan lamang, ang ilan ay buhat sa malayong lugar ng Siberia at Tsina. Gayunman, sa unang tingin, ang planta ay para bang nakakawalang-gana sapagkat ang nakikita mo lamang ay isang payak, dalawang-palapag na kongkretong bunker sa maikling causeway—maliit na ebidensiya na ito ang unang planta ng kuryente buhat sa pagtaas at pagliit ng tubig sa Hilagang Amerika.Isa pa, wala kang makikitang maraming tauhan ng abalang mga inhinyero roon. Ang planta ay pinatatakbo ng mga computer na 100 kilometro ang layo at nangangailangan ng kaunting tao lamang. Gayunman ang planta ay gumagawa ng 30 milyong kilowatt-hour ng kuryente sa isang taon—sapat upang tustusan ang 8,000 bahay. Paano nito ginagawa ito?
Kung Paano Ito Umaandar
Nakabaon ng mahigit na tatlumpung metro sa ilalim ng lupa ang sekreto ng tagumpay ng planta—ang turbin na pinaaandar-ng-tubig. Ang paraan ng pag-andar nito ay kataka-takang payak. Ang turbin ay nasa isang maliit na isla na karugtong ng dalampasigan sa bawat dulo ng tulad-prinsang causeway. Habang tumataas ang tubig sa Fundy, ang tubig ay umaagos mula sa Lunas ng Annapolis sa mga pinto ng dam tungo sa isang malaking lawa sa itaas na panig ng ilog sa dam. Kapag ang taas ng tubig ay umaabot sa pinakamataas na antas nito, lahat ng pinto ay isinasara.
Habang ang tubig ay nagtutungo pababa sa gilid ng dam (kasintaas ng 4.6 metro), ang mga pinto ay nagbubukas, at inilalabas ng lawa ang tubig nito tungo sa Lunas ng Annapolis sa pamamagitan ng turbin. Ang puwersa ng rumaragasang tubig ang nagpapaikot sa turbin at sa gayo’y lumilikha ng kuryente. Yamang ang planta ay umaandar habang dumadaloy rito ang tubig, gumagawa lamang ito ng kuryente na halos 11 o 12 oras sa isang araw.
Upang matugunan ang mga kahilingang ito, isang eksperimental na turbin ang ginawa, 7.6 metro ang diyametro. Ang magnetic poles ng genereytor, na gumagawa ng kuryente habang umiikot ang turbin, ay nakakabit sa gilid ng turbin at umiikot na kasama nito. (Ang kombensiyunal na mga turbin ay karaniwang nagpapaikot sa isang tangkay na nagpapatakbo sa genereytor.) Ang resulta ay mas siksik na turbin na umaandar nang mahusay kapag mabagal ang takbo.
Hindi kaya maging problema sa kagamitang ito ang tubig-alat? Ang pangangalawang na epekto ng tubig-alat ay isang malaking problema, subalit nilunasan ito ng mga inhinyero sa pamamagitan ng paglalagay ng kaunting kuryente sa daanan ng tubig upang labanan ang pangangawalang.
Ang Hinaharap ng Enerhiya Buhat sa Pagtaas at Pagliit ng Tubig
Kung matuloy ang planong mas malaking planta ng kuryente buhat sa pagtaas at pagliit ng tubig para sa Bay of Fundy, gagamit ito ng mahigit na isang daang turbin ng kasinlaki ng turbin sa Annapolis. Ito ay ilalagay sa causeway na walong kilometro ang layo sa ibayo ng ekstensiyon sa gawing silangan ng dagat.
Gayunman, ang bahagyang pagpiprinsa sa Bay of Fundy para sa elektrikal na kuryente ay lilikha ng grabeng mga problema. Sa isang bagay, ang pagkalaki-laking halaga ng pagtatayo ay isang problema. Karagdagan pa, may pagkabahala tungkol sa pinsala sa kapaligiran. Ang posibleng pagbabago ng pagtaas at pagliit ng tubig sa Fundy ng ilang pulgada ay maaaring pagmulan ng pagbaha sa maraming dako sa baybayin ng tubig-alat. Ang likas na kaayusan ng pandarayuhan ng isda ay maaari ring baguhin, hinahadlangan ang pagbabalik ng shad sa tubig-tabang.
Gayumpaman, ang kauna-unahang planta ng kuryente mula sa pagtaas at pagliit ng tubig sa Hilagang Amerika, ang pagsubok na proyekto sa Annapolis, ay patuloy na lumilikha ng kuryente para sa elektrikal na network sa silangang Canada. Gayunman, iyan ay isang maliit na patak lamang upang pawiin ang malaking pagkauhaw ng bansa para sa enerhiya.
[Larawan sa pahina 26]
Lawang pinagtitipunan ng tubig
Pinangyayari ng tidal power station na umagos ang tubig pabalik habang humuhupa ang karagatan
Ang control gate ay nagbubukas upang papasukin ang pagtaas ng tubig at isara ito upang panatilihing puno ang dagat
Bay of Fundy
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng Nova Scotia Power Corporation