Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ko Siya Maiiwasan?

Paano Ko Siya Maiiwasan?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Siya Maiiwasan?

SI Jose ay isang kilalang binata. Masipag, maaasahan, at guwapo, gusto siya ng lahat ng kasama niya sa trabaho. Ang problema ay, nagustuhan din siya ng asawa ng amo. Ang kaniyang alembong na mga sulyap ay lalong naging pangahas; ang kaniyang alembong na pakikipag-usap ay pasidhi nang pasidhi.

Sinikap ni Jose na huwag pansinin ang kaniyang seksuwal na pasaring, subalit isang araw samantalang nagtatrabaho, nasumpungan ni Jose na silang dalawa lamang sa bahay. Maingat na binalak ito ng babae; walang sinuman ang nasa paligid sa loob ng ilang oras. Bago nabatid ni Jose kung ano ang nangyayari, hayagang ipinakikita ng babae ang pagnanasa niya kay Jose, nagsusumamong sipingan siya ni Jose!​—Genesis 39:7-12.

Ang tunay-sa-buhay na karanasang ito ay nangyari mahigit ng 3,500 taon na ang nakalipas. Subalit ang katulad na mga pangyayari ay nagaganap araw-araw sa paaralan at sa dako ng trabaho. Bagaman marami ang sinasabi ng media tungkol sa panliligalig sa mga babae​—at tama lamang na sabihin ito sapagkat ito’y isang problema—​kalimitang hindi pinapansin ang problema ng seksuwal na panliligalig sa mga binata. a Dahil sa pagdiriin ng modernong lipunan sa sekso at ang pagkakapantay-pantay ng mga babae sa mga lalaki, taglay ang sumasamang mga pamantayan nito sa moral at sa lipunan, hindi natin dapat ipagtaka na maraming binata ang nag-uulat na sila ay naging target ng romantikong pagkaagresibo ng mga babae.

Waring nagugustuhan ng ibang mga binata ang pagbaligtad na ito ng kalagayan; naiibigan nila ang atensiyon ng mga babae. Gayunman, ang mga kabataang Kristiyano ay nanghahawakan sa mga pamantayan ng Bibliya tungkol sa moralidad sa sekso. Ayaw nilang gambalin sila ng malalakas-loob na babae na may imoral na mga intensiyon. Ang tanong ay, Paano nila maiiwasan ang gayong panliligalig?

Bakit Ako?

Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang kagandahan ng mga binata ay ang kanilang kalakasan.” (Kawikaan 20:29) Ang kaluwalhatian ng mga kabataan, pati na ang kalinisan sa moral at ang pag-uugaling Kristiyano ng isang binata, ay maaaring maging lubhang kaakit-akit sa isang babae. Maaari pa ngang malasin ng iba ang pagsira sa kalinisan ng isang kabataang Kristiyano na isang nakaiintrigang hamon.

At nariyan ang impluwensiya ng modernong lipunan. Maraming aklat at mga artikulo ang naisulat upang tulungan ang mga babae na makuha ang atensiyon ng mga lalaki. Karaniwang hinihimok ng mga magasing pantinedyer ang mga babae na huwag mahiyang umalembong. Ganito ang sabi ng magasing Seventeen: “Ang pag-alembong ay isang paraan ng pagsasabi sa isa na siya ay nasusumpungan mong . . . kaakit-akit. . . . Maaari itong humantong sa pagkakaibigan o sa romansa.” Ang mga pamantayang nilikha ng media at ang malaganap na mga saloobing walang moralidad ay sumisira rin sa moral na lakas ng mga binata. Sabi ng manunulat na si Kathy McCoy: “Ang lipunan sa pangkalahatan at lalo na ang mga magulang at mga kasama ay karaniwang mas mapagpabaya sa seksuwal na gawain ng mga lalaki. Ang ilang mga dalubhasa ay naniniwala na ang mga lalaki ay hinihikayat nang walang salita . . . na maging aktibo sa sekso.”

Gayumpaman, ang Salita ng Diyos ay nagpapayo sa mga kabataan na manatiling malinis. “Ito ang kalooban ng Diyos, ang pagpapakabanal ninyo, na kayo’y lumayo sa pakikiapid.” (1 Tesalonica 4:3) Hindi mo maaaring pahintulutang iligaw ka ng mga impluwensiya ng sanlibutang ito! Kung gayon, ano ang gagawin mo kung ang isa na hindi kasekso ay umalembong sa iyo?

Kung Bakit Mahirap Labanan

Samantalang kadalasang kayang-kaya ng mga lalaking daigin sa pisikal ang mga babae na nanlalaban sa mga pananamantala, bihirang madaig ng mga babae ang mga lalaki sa gayong paraan. Bakit, kung gayon, napakahirap labanan ng isang binata ang isang agresibong babae?

Ang isang dahilan ay na ‘ang puso ay mandaraya.’ (Jeremias 17:9) Gaya ng inamin ng kabataang si Wayne: “Halos pinakahahangad mo ang gayong uri ng atensiyon. Nakapagpapasigla sa iyo na may nagkakagusto sa iyo. Ito’y nakapagpapalaki ng ulo.” Mangyari pa, natural lamang na masiyahan sa atensiyon ng babae. Subalit mag-ingat! Maaaring pangyarihin ng iyong mapandayang puso na ang likas na mga hangaring ito ay madaig kung ano ang nalalaman mong tama. (Santiago 1:14, 15) Bago mo malaman ito, maaaring ikaw ay maakay na ‘gaya ng toro sa katayan’!​—Kawikaan 7:22.

Ang Kawikaan sa gayon ay nagbababala sa mga binata na mag-ingat “laban sa kalugud-lugod na dila ng [imoral] na babae. Huwag mong nasain ang kaniyang kagandahan sa iyong puso, at huwag ka nawang hulihin ng kaniyang maningning na mga mata.” (Kawikaan 6:24, 25) Ang susi, kung gayon, ay supilin ang iyo mismong puso at mga nasa. (1 Tesalonica 4:4-6) Tanging kung ikaw ay lubusang kumbinsido na ang imoralidad sa sekso ay walang naibibigay kundi “ang mga daan sa Sheol,” o kamatayan, saka ka lamang maaaring makagawa ng nakakukumbinsi at mabisang depensa.​—Kawikaan 7:27. b

Pakikitungo sa Panggigipit

“Ang mga babae ay mapilit; pabalik-balik sila,” panangis ng isang binata. “Pinapupurihan ka nila nang labis at gumagamit sila ng pambobola.” Ang pambobola ay malaon nang sandata ng agresibong babae. Ikaw ba’y madaling tablan nito? (Kawikaan 26:28) “Ang karunungan ay nasa mga mahinhin,” banggit ng Kawikaan 11:2, at kung ikaw ay may katamtamang pagtaya sa iyong sarili, hindi ka madaling tablan ng pambobola.

Ngunit ano ang masasabi mo kapag ikaw ay pinapupurihan ng isang babae dahil sa iyong buhok, katawan, o ngiti? Marahil wala namang masamang motibong nasasangkot. At palibhasa’y ayaw magtinging suplado, basta pinasasalamatan ng ibang kabataan ang babae sa kaniyang papuri​—at agad na binabago ang usapan. Gayunman, mag-ingat sa pagbibigay ng impresyon na nagugustuhan mo ang alembong na mga usapan.

Kung minsan kailangan ang mahigpit na mga hakbang. Ang iba ay tuwirang pinakikitunguhan ang bagay na ito karakaraka hangga’t maaari. Sa ganitong paraan naiiwasan nilang patagalin ang asiwang kalagayan. “Hindi ako interesadong magkaroon ng kasintahang babae ngayon” ang tahasang tugon ng kabataang si Daniel.

Madalas sabihing ang pinakamabuting depensa ay ang mahusay na pagsalakay. Ganito ang payo ng isang mananaliksik: “Upang permanenteng mawalan ng interes ang isang tao, pag-usapan ninyo ang tungkol sa relihiyon.” Oo, kung ikaw ay kilala bilang isa na palaging ipinakikipag-usap ang kaniyang relihiyosong mga paniwala, malamang na hindi ka magustuhan. At kung may mangahas na lumapit sa iyo sa paano man, ang prangkahang pagsasabi ng iyong relihiyosong mga paniwala ay maaaring magpahinto sa kaniya kaagad.

Nakalulungkot naman, kung minsan ay hindi ginagamit ng mga kabataang Kristiyano ang mahusay na depensang ito. Sabi ng kabataang si Tim: “Marami sa amin ang ayaw magsabi na, ‘Narito! Ako’y isang Kristiyano, at ayaw kong gawin ito.’ Nais nating maging gaya ng iba.” Minsan pa, kung ikaw ay talagang kumbinsido na ang paraan ni Jehova ang pinakamabuti saka ka lamang magkakaroon ng tapang at lakas ng loob na kinakailangan upang takasan ang moral na kalamidad.

Alpasan ang Silo!

Ano kung, sa kabila ng iyong pinamabuting mga pagsisikap, ang pagsalakay ay nagpapatuloy? Bueno, isaalang-alang muli ang halimbawa ng binatang tinalakay sa simula​—si Jose. Ang Genesis 39:6 ay nagsasabi sa atin na siya “ay lumaking may magandang pangangatawan at magandang pagmumukha” at naakit sa kaniya ang asawa ng kaniyang panginoon, si Potiphar. Ginawa niya ang lahat ng magagawa niya upang akitin si Jose. At ang Bibliya ay hindi nagsasabi na ang babae ay pangit o na siya sa anumang paraan ay nakasusuklam kay Jose. Gayunman, nilabanan ni Jose ang mga paglapit niya. Paano ito nagawa ni Jose?

Una sa lahat, si Jose ay matatag sa kaniyang paniniwala. “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at aktuwal na magkasala laban sa Diyos?” sabi niya. Bagaman walang espisipikong nasusulat na batas laban sa pagsisiping bago mag-asawa noong panahong iyon, ang kaniyang budhi ay nagsasabi sa kaniya na ang nais ng asawa ni Potiphar ay masama. Gayunman, mapilit ang asawa ni Potiphar. Sa kawalan ng pag-asa ay sinunggaban niya ang kasuotan ni Jose at nagsumamo sa kaniya: “Sipingan mo ako!” Walang inaksayang panahon si Jose upang pagaanin ang kalagayan sa pamamagitan ng isang biro, ni pinangaralan man niya ang asawa ni Potiphar tungkol sa moralidad. Agad-agad ay “iniwan niya ang kaniyang suot sa kamay niya at tumakas.”​—Genesis 39:9-12.

Si Jose ay agad na nakakilos sapagkat hindi na niya kailangang magpasiya pa kung ano ang gagawin. Yari na ang kaniyang pasiya. Pinili niyang danasin ang mga resulta ng galit ng asawa ni Potiphar sa halip na pasamain ang loob ni Jehova. At ang mga resulta ay masakit; si Jose ay ibinilanggo! Subalit pinagpala ni Jehova ang kaniyang mga pagsisikap na manatiling malinis. Sa wakas siya ay naging nangungunang miyembro ng korte ni Faraon at nakasama niyang muli ang kaniyang pamilyang malaon nang napawalay sa kaniya.

Ang inyong mga pagsisikap na manatiling “walang sala at walang malay . . . sa gitna ng isang lahing liko at masama” ay pagpapalain din ni Jehova. (Filipos 2:15) Anuman ito sa simula, ang tamang landasin ay laging nagbubunga ng pagpapala. Subalit ikaw ay dapat na maging determinadong manatiling malinis na gaya ni Jose. Ikaw ay dapat na maging walang lubay at hindi pabagu-bago sa iyong mga pagsisikap, hinahayaang ang iyong ‘Hindi ay maging Hindi.’ (Mateo 5:37) Dapat kang maging handa at kusang ibahagi ang iyong salig-Bibliyang mga paniwala. Kung gagawin mo iyon, mauunawaan ka kahit ng pinakapangahas na babae​—at malamang na hindi ka na gambalain pa!

[Mga talababa]

a Para sa impormasyon sa kung paano maaaring matagalan ng mga babae ang agresibong paggawi ng mga lalaki, tingnan ang artikulong “Paano Ko Siya Maitataboy?” sa Mayo 22, 1991, na labas ng Gumising!

b Tingnan ang mga kabanata 23 at 24 sa aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Larawan sa pahina 19]

Ano ang reaksiyon mo sa imoral na mga pagsasamantala?