Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagbibigay-Pansin sa mga Babala ng Katawan

Pagbibigay-Pansin sa mga Babala ng Katawan

Pagbibigay-Pansin sa mga Babala ng Katawan

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Ireland

PARA kay Una at sa kaniyang asawa, si Ron, ang karanasan ay nakatatakot at masakit. Isang malamig na gabi noong Enero, si Una ay hinimatay. Si Ron ay tumawag ng doktor, na may akalang ang problema ay maaaring isang di-timbang na hormone na naaapektuhan ang kaniyang mga obaryo at ipinag-utos na siya ay ipaospital. Isinakay ni Ron ang kaniyang asawa​—na nagdurugo at namimilipit sa sakit—​sa baku-bako, madilim na daan sa bundok tungo sa ospital mga 80 kilometro ang layo.

Gayunman, hindi magagamot ng ospital na iyon ang problema, kaya siya ay inilipat sa isang kalapit na mas malaki, mas modernong ospital. Doon siya ay matagumpay na inoperahan at mabilis na gumaling.

Sina Ron at Una ay nagpapasalamat sa mga tauhan sa ospital sa kahusayan at pangangalaga na nagligtas sa buhay ni Una. Samantalang ipinahahayag nila ang pasasalamat na ito sa anestesyologo, sinabi niya kung gaano siya kaligaya na ang mga bagay-bagay ay naging mabuti. Pagkatapos siya ay nagbigay ng kawili-wiling komento: “Iilan lamang sakit ng babae ang bigla na lamang lumilitaw. Karamihan dito ay patiunang nagbibigay ng mga pahiwatig.” Ano ang ibig niyang sabihin?

Nagbababalang mga Tanda

Sabi ni Una na nagkaproblema na siya dalawang taon na ang nakalipas. Sa panahon ng regla, siya ay lalabasan ng dugo kapag siya ay gumagawa ng mabibigat na bagay, at pagkatapos ito ay karaniwang namumuong dugo. Sabi niya: “Dapat sana’y nagpatingin ako sa doktor, pero hindi ko ito pinansin, inaakala ko na ako ay nagmemenopos na. Subalit pagkatapos, noong Enero, ang aking regla ay huminto pagkaraan ng dalawang araw, at pagkalipas ng tatlong araw ay nagsimula itong muli ngunit malakas at malalaking namuong dugo. Hindi ako nag-alala, subalit noong ikalawang araw, ako’y nahiga, sapagkat ako’y nanghihina. Ngunit hindi pa rin ako nagpadoktor. Iyon ang gabi na ako’y isinugod sa ospital.”

Maaari kayang naiwasan ang kaniyang karanasan na mauwi sa nagbabanta-sa-buhay na emergency? Inaakala ni Una na marahil ito ay naiwasan kung alam niya lamang kung ano ang mga sintomas ng sakit at kung siya’y kumilos agad. Nakalulungkot nga, sabi niya, “gaya ng maraming babae, hindi ko gaanong pinapansin ang anumang bagay na may kaugnayan sa regla, hindi ito gaanong pinapansin.” Sa katunayan, ang mga sintomas ni Una ay karaniwan sa sakit sa obaryo na nangangailangan ng kagyat na pansin.

Buwan-buwan ang mga babaing nasa edad nang manganak ay may tagapagpahiwatig ng kanilang panlahat na kalusugan: ang natural na proseso ng pagreregla. Ang anumang abnormalidad, ay katulad ng, isang nagbababalang tanda. Sa ilang kaso, kung hindi agad bibigyan-pansin ang babala ng katawan ay baka hindi na ito makuha sa medikal na paggagamot at kailanganin nang operahin.

Kung gayon, bakit hindi pinapansin o minamaliit ang mga tandang ito? Sa maraming pamilya, ang asawang babae ang nagpaplano ng pagkain ng pamilya, nagbibigay ng gamot, at tinitingnan ang kalinisan ng pamilya. Sa paggawa ng gayon, maaaring nakakaligtaan niya ang kaniyang sariling mga problema. Marahil, gaya sa kaso ni Una, hindi niya tiyak kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang mga sintomas. O maaari namang limitado ang pera para sa pangangalaga sa kalusugan, at inuuna niya ang kaniyang mga anak o ang kaniyang asawa, inaasahang ang kaniya mismong sakit ay gagaling din sa ganang sarili. Maaaring natatakot siya, pinipili pa niya ang kasalukuyang sakit sa ilang maigting na kalagayan sa ospital. Maaaring siya’y isang nagtatrabahong ina, hindi niya kaya o ayaw niyang magbakasyon sa trabaho para sa kaniyang kapakanan.

Sa maraming kaso, sabi ng mga doktor, ang asawang babae ang mag-isang nagtitiis sa kaniyang mga problema sa kalusugan. Marahil ang kaniyang asawang lalaki ay hindi gaanong nababahala sa “mga sakit ng babae.” Gayunman, aalamin ng mga lalaking umiibig sa kani-kanilang asawa ang gayong mga bagay upang mapangalagaan nila ang kapakanan ng kanilang asawa. Ang Bibliya ay nagpapayo sa mga lalaki: “Nararapat ibigin ng mga lalaki ang kani-kaniyang sariling asawa na gaya ng kanilang sariling katawan.” (Efeso 5:28, 33) Kaya nga, paano matutulungan ng mga asawang lalaki at mga magulang ang kani-kanilang asawa at mga anak na iwasan ang di-kinakailangang mga emergency?

Bantayan ang mga Tanda

Maging alisto sa di-karaniwang mga pangyayari na maaaring maging nagbababalang mga tanda. Halimbawa, ang di-regular na pagdurugo at paglalabas ng parang sipon sa ari ng babae, bagaman hindi laging masakit, at dapat ipasuri. a Gayundin ang di-karaniwang kapaguran, maraming nawalang dugo, at mga problema sa pag-ihi. Maaaring ito’y mga sintomas ng maliliit na bukol sa loob, na mas madaling gamutin kung maagang makita.

Hindi rin dapat waling-bahala ang madalas na mga sakit sa likod, pananakit ng ari ng babae, o hindi maihi sa panahon ng pagpipilit. Maaaring ihudyat nito na kung minsan ay maaaring ituwid ng ehersisyo ang kalagayan sa maagang yugto nito na maaaring mangailangan ng operasyon sa dakong huli. b

Bukod pa sa pagkilos sa gayong mga sintomas, ang mga babaing lampas na sa edad na 25 ay makabubuting magkaroon ng rutinang medikal na pagpapatingin, na may pagdiriin sa pagpapasuri sa suso at sa tiyan at sa mga sangkap sa pelvic. Ito ay maaaring gawin tuwing ikalawang taon o mas madalas pa kung kinakailangan, depende sa kasaysayan ng kalusugan ng pamilya o ng babae.

Sa Pantanging mga Panahong Iyon

Tandaan din ang tatlong yugto sa buhay ng isang babae kapag yaong nagmamahal sa kaniya ay dapat magbigay ng pantanging pansin: pagdadalaga (kapag ang isang babae ay nagregla na); panganganak (ang proseso ng pag-aanak); at menopos (kapag huminto na ang regla). Sa bawat yugtong ito, maaaring bumangon ang mga kalagayan kung saan maaaring maiwasan ng maagap na medikal na payo o paggamot ang isang emergency.

PAGDADALAGA: Ang mga kabataang babae ay nangangailangan ng edukasyong pangkalusugan upang tulungan silang maunawaan ang mga gawain ng kanilang katawan at gawing madaling unawain ang pagsisimula ng pagreregla. Ang mga magulang, lalo na ang mga ina, ay dapat na maging prangka at tuwiran sa pakikipag-usap sa kanilang mga anak na babae. Kung may problema, ang mga batang babae ay dapat pabatiran upang hindi sila nagtataka kung ano ang nangyayari o kung inaakala nilang dapat nilang tiisin ang napakalakas na pagreregla o matinding kirot sa panahong iyon. Kung ang mga magulang ay hindi makatulong, marahil ang ilang nakatatandang kaibigang babae ay makapagbibigay ng payo tungkol sa angkop na medikal na paggamot.

Paano malalaman ng isang dalagita kung baga ang kaniyang pagreregla ay normal? Sa parehong indibiduwal, ito ay maaaring lubhang iba’t iba. Ang paglalayag ng regla ay karaniwan sa unang anim na buwan hanggang sa isang taon (o dalawang taon pa nga sa ilang kaso) pagkatapos ng pagdadalaga at karaniwang ito’y dahilan sa bahagyang mga pagbabago sa hormone. Kung pagkaraan ng maagang mga taong ito, may paminsan-minsang pagbabago sa haba ng siklo ng pagreregla o sa katangian ng pagdurugo, ito ay ipinalalagay na normal. Higit pang mga pagbabago kaysa rito ay maaaring isang babalang tanda na nangangailangan ng medikal na pagsusuri.

Bahagi ng edukasyong pangkalusugan ay may kaugnayan sa pagkain. Ang walang kuwentang pagkain na ang idiniriin ay ang lasa sa halip na ang sustansiya, at ang pagiging labis na pagkabahala sa timbang, ay kadalasang humahadlang sa tinedyer na mga babae sa pagkuha ng wastong dami ng maraming nutriyente, lalo na ang kalsiyum at iron. Ang mga dalagita na hindi pa nakapagtatag ng regular na siklo ng obyulasyon ay kadalasang nawawalan ng dugo nang higit-sa-karaniwan sa panahon ng pagreregla, at pinasisidhi nito ang pangangailangan para sa iron. Kaya napakahalaga na kumain ng timbang na pagkain at iwasan ang maraming prinosesong pagkain. Kung minsan ang mga suplementong iron ay maaaring imungkahi.

PANGANGANAK: Iminumungkahi ng mga obstetrician o mga dalubhasa sa pagpapaanak ang isang maagang pagsusuri bago manganak para sa mga babaing nagdadalang-tao. Maaari nilang suriin ang dugo upang makita kung kinakailangan ang mga suplemento ng iron o folic acid. Yamang ang isang babaing nagdadalang-tao ay mas malamang na duguin, ang pagbibigay-pansin sa nagbababalang tanda ay lalo pang mahalaga.

Kahit na pinakakaunting pagdurugo sa panahon ng pagdadalang-tao ay nangangailangan ng medikal na pagsusuri. Ang iba pang mapanganib na mga tanda sa panahong ito ay mga kirot sa lomo, mga bakas ng dugo sa ihi, at kirot sa pag-ihi. Subalit ang anumang katiwalian o sintomas ay dapat na iulat agad sa obstetrician. Kung kulang ng pera, ang asawang lalaki ang may pantanging pananagutan sa kalusugan at buhay ng isa na naging ‘kaisang laman’ niya, hindi siya pinababayaang malagay sa panganib.​—Mateo 19:5, 6; Efeso 5:25.

MENOPOS: Ito ang medikal na termino para sa normal, ganap na paghinto ng siklo ng regla. Ang panahong ito ay kilala rin bilang kritikal na panahon, o ang pagbabago ng buhay, at isang natural na yugto sa buhay ng isang babae. Sa mas malawak na diwa, ito’y nangangahulugan ng mga buwan o mga taon pa nga bago at pagkatapos ng natural na pangyayaring ito. Nararanasan ng maraming babae ang asiwang pisikal na mga sintomas sa panahong ito​—gaya ng hindi regular na pagreregla at hot flashes—​subalit ang mga ito ay hihinto rin sa wakas. Kung may matagal o labis-labis na pagdurugo sa pagreregla o isa pang yugto ng anim na buwan o higit pa pagkatapos ng huling regla, dapat kumunsulta agad sa isang doktor.

Totoo, hindi lahat ng emergency ay maaaring malaman antimano. “Ang panahon at di-inaasahang pangyayari” ay nangyayari sa ating lahat. (Eclesiastes 9:11) Subalit, gaya ng sinabi ng anestesyologo kay Una: “Iilan lamang sa mga sakit ng babae ang bigla na lamang lumilitaw.” Ang mahusay na edukasyong pangkalusugan at ang kabatiran sa mga mekanismo ng katawan ay makapangangalaga sa mga babae mula sa posibleng gynecologic na emergency. Mas mabuting unahan ang isang emergency kaysa waling-bahala ang mga babala hanggang sa kailangang harapin ang krisis. Kaya nga, mga asawang babae at mga asawang lalaki, bigyan-pansin ang mga babala ng katawan!

[Mga talababa]

a Sa ilan, bagaman hindi sa lahat, ng mga kaso, ito ay mga sintomas ng kanser sa puwerto o cervix, na, sa karamihan ng mga kaso, ay maaari pang gamutin kung maagang makita.

b Mababang matris.

[Larawan sa pahina 23]

Ang madamaying asawang lalaki ay makatutulong sa kaniyang asawang babae na bigyan-pansin ang mga babala ng kaniyang katawan